Biyernes, Enero 19, 2024

Pagpapainom ng gatas

PAGPAPAINOM NG GATAS

habang wala ang talagang ina
ay may nag-aalaga sa tatlo
may gatas na sinususo sila
upang lumakas silang totoo

nag-aalaga'y parang ina rin
habang nagpalahaw at ngiyawan
ang bagong silang na tatlong kuting
na nanay nila'y nasa galaan

kinanlungan nila'y munting kahon
doon na nagbanig at humiga
gatas muna't di pa makalamon
mahirap iwan, di makagala

kaysarap dinggin ng mga ngiyaw
na talagang umaalingawngaw

- gregoriovbituinjr.
01.19.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLY9RCliuZ

Napaidlip


NAPAIDLIP

napaidlip ako sa pagsusulat
ng paksang halos di ko madalumat
diwa ba'y natutuyo't nagsasalat
nagdurugo ang utak, di maampat

ang mata ko'y di basta maimulat
pagkat ramdam ng katawan ay puyat
sa pagsusulat man, dapat mag-ingat
lalo't daliri ko'y namumulikat

- gregoriovbituinjr.
01.19.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLY7LIrLkO/

Huwebes, Enero 18, 2024

Hapunan bago maglakbay

HAPUNAN BAGO MAGLAKBAY

kumain at tiyan ay busugin
at kayhaba pa ng lalakbayin
ngayong gabi pagkat tutunguhin
ay malamig na bulubundukin

si misis ay aking sasamahan
sa tatlong araw din na lakaran
ibang landas, ibang tutulaan
isang pakikipagsapalaran

magba-bodyguard muna kay misis
utusan na kilos ay mabilis
nagpakabusog bago umalis
ulam: sardinas, itlog, kamatis

ah, di ako dapat mahiwalay
kaya kasama sa paglalakbay
tutulog sa bus, magpahingalay
doon loob ay mapapalagay

- gregoriovbituinjr.
01.18.2024

Pamantayan

PAMANTAYAN

sabi ko, magsulat ng magsulat lang
dami ng like ay di ko pamantayan
pag ginawa kong pamantayan iyan
pag walang like ay baka magtampo lang

tanong nila sa akin ay ganito:
bakit ba walang nagla-like sa post mo
bakit like mo, isa, dalawa, tatlo
gayong mga post mo nama'y seryoso

may nagla-like naman, bigla kong kabig
lalo't tungkol sa lovelife o pag-ibig
ngunit sa tula ko'y di kinikilig
pagkat di naman sikat yaring tinig

mag-post lang ako'y ikinatutuwa
pagkat mayroon akong bagong katha
sakaling may mag-like doon o wala
pasalamat pa rin ako sa madla

- gregoriovbituinjr.
01.18.2024

Anyubog

ANYUBOG

paano ko kakathain ang ikaw
kung sa nilalandas ay naliligaw
tumahak man sa putikang mababaw
sa gubat na masukal at mapanglaw

paano kaya kita ikakatha
ng tula habang ako'y nasa lawa
at pinagmamasdan ang mga isda
roong tila nagkasiyahang sadya

kakathain ko anuman ang isyu
upang ang masa'y mulating totoo
kung sistema'y papalitang paano
habang kasama kita'y napagtanto

magpatuloy lang tayong makibaka
lalo't magkasama kita tuwina

- gregoriovbituinjr.
01.18.2024

Miyerkules, Enero 17, 2024

Kayraming paksa

KAYRAMING PAKSA

ang gawain ko'y magsulat
bakit kaya tinatamad
ang tungkulin ko'y magmulat
nang pangarap ay umusad

kaya hawakan ang bolpen
at papel at magsimula
sa paligid ay tumingin
pagkat nariyan ang paksa

huwag tamarin, katoto
pagkat tungkulin mo iyan
may masusulat na bago
paligid lang ay pagmasdan

mga dukha, sagigilid
nasa laylayan ng langit
bakit maraming kapatid
at kauri'y nagagalit

kilong bigas na'y kaymahal
ngunit sahod ay kaybaba
manggagawang nagpapagal
ay kontraktwal pa ring sadya

ang dyip ba'y mawawala na
ChaCha ba'y isinasayaw
kayraming isyu ng masa
dama ko'y di magkamayaw

- gregoriovbituinjr.
01.17.2024

Martes, Enero 16, 2024

SIBI at LAOG

SIBI AT LAOG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bigyang pansin natin ang dalawang salitang bago sa ating pandinig, na marahil ay ginagamit na salita sa lalawigan.  Ito ang SIBI at ang LAOG.

Sa ikatlong Krosword sa pahayagang Abante, Enero 15, 2024, pahina 7, ay nakita natin ang SIBI na siyang lumabas na sagot sa 28: Pababa na ang tanong ay BALKON.

Sa Diwang Switik naman na palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, Enero 16, 2024, pahina 7, ay nakita natin kung ano ang LAOG. Iyon kasi ang lumabas na sagot sa 12: Pababa na ang tanong ay LAYAS.

Ang kahulugan ng SIBI, mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino (DFF), na inedit ni Ofelia De Guzman, ay: habong na nakakabit sa gilid ng bahay, balkon, balkonahe. 

Sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF) naman, pahina 1131, ang SIBI ay salitang arkitektura na nangangahulugang 1: nakahilig na silungan. karaniwang nakakabit sa dingding ng isang bahay o nakadugtong sa bubong (na ang iba pang salita ay: awning, balawbaw, gabay, medyaagwa, palantikan, panambil, sibay, suganib, suyab, suyak); 2. dagdag na bahagi sa tunay na bahay. Kumbaga, ito'y espasyo itong naging ekstensyon ng bahay. May tuldik ito sa unang pantig kaya ang diin ay sa SI, kaya mabagal ang bigkas. Walang impit sa ikalawang pantig.

Ang iba pang entri na SIBI ay malayo na sa kahulugang balkon, kundi ngiwi, at ayos ng bibig na tila nagpipigil umiyak.

Nabanggit lang ang balkon sa DFF ngunit hindi sa UPDF. Wala namang LAOG sa DFF.

Sa UPDF, pahina 677, may tatlong entri ang LAOG. Ang una'y may tuldik sa unang pantig habang ang ikalawa't ikatlo ay sa ikalawang pantig ang tuldik. Ibig sabihin, dahil may tuldik, magkaiba ng bigkas ang una, kaysa ikalawa't ikatlo. Tunghayan natin ang kahulugan ng LAOG.

láog (pangngalan, salitang Heograpiya, Sinaunang Tagalog): maliit na lawa

laóg (pangngalan, salitang Bikol): loob

laóg (pang-uri) 1: mailap o ilahas, karaniwang patungkol sa pusa; 2: (salitang Meranaw at Tagalog) pagala-gala upang maghanap ng pagkain o makipagsapalaran.

Ang ikatlo ang nangangahulugang LAYAS. Dahil nasa pangalawang pantig ang tuldik, mabilis ang bigkas. Ang diin ay nasa OG.

Mga lumang salita o salitang lalawiganin ang SIBI at LAOG. Para sa akin, mahalaga ang mga salitang ito na nakakasalubong ko lang sa mga palaisipan at hindi sa aktwal na usapan. 

Mahalaga ang mga salitang ito hindi lang upang masagutan natin ang palaisipan o krosword, kundi baka balang araw ay gamitin natin ang mga ito sa pagkatha ng maikling kwento, ng tula, pagsulat ng sanaysay, o kaya'y naghahanap tayo ng mas tapat na salin ng isang salita.

Sinubukan kong gawan ng tula ang dalawang salitang ito:

1

SIBI

anong silbing mabatid ang sibi?
ngayon ba'y mayroon itong silbi?
doon kaya'y anong sinusubi?
may tinago ba doon kagabi?

minsan nga, sa bahay ay may balkon
madalas nagpapahinga roon
nakaupo, utak ay limayon
diwa'y kung saan napaparoon

minsan din, sa balkon ang huntahan
kapag may bisita sa tahanan
kapag dumalaw ang kaibigan
at marami pang napag-usapan

kaya iyan ang silbi ng sibi
ang maghuntahan sa balkonahe
o pahingahan sa hatinggabi
nasa diwa'y anu-anong siste


LAOG

ang mga laog ang mga layas
na di mo alam ang nilalandas
ang laog kaya'y makaiiwas
pag nakasalubong niya'y ahas

sila ba'y makalumang lagalag
Samwel Bilibit, di mapanatag
lakad ng lakad, nababagabag
ngunit wala namang nilalabag

o naghahanap ng makakain
nang pamilya nila'y di gutumin...
tinulak ng tadhana sa bangin?
silang mga kapit sa patalim?

sila ba'y mga manhik-manaog
sa ibang bahay upang mabusog?
kailan ba sila mauuntog
upang pangarapin ang kaytayog?

01.16.2024

Ang wastong gamit ng gitling sa panlaping ika

ANG WASTONG GAMIT NG GITLING SA PANLAPING IKA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba ginagamit ang gitling sa panlaping ika? Sa pagkakaalam ko, ginagamitan ng gitling ang ika pag ang kasunod na salita ay numero. 

Ang ika ay panlapi, kaya ikinakabit ito sa salitang-ugat. Kaya bakit lalagyan ng gitling kung naging salita na ang pagkakabitan ng ika? Halimbawa, ikaapat, ikalima, ikaanim. Pag numero na sila, lalagyan na ng gitling, ika-4, ika-5, ika-6.

Nakita ko na naman ang ganitong pagkakamali sa palaisipan sa isang pahayagan ngayong Enero 16, 2024. Sa unang larawan ay makikita sa 4: Pahalang ang Ika-apat na buwan. Dapat ay Ikaapat na buwan. 

Sa aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata VI, Ang Palagitlingan, pahina 58, ay ganito ang nakasulat (tingnan din ang ikalawang larawan):

(m) kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod na hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero, figure). Gaya ng:

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4; kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng: 

ikawalong oras; ikasampu't kalahati; ikalabing-isa
ikadalawampu't walo ng Pebrero; ikalabintatlo ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawa

Sa tungkulin namang pandiwa, ang ika, na nangangahulugan ng maging sanhi, kadahilanan, o bagay na ikinagagawa o ipinangyayari ng sinasabi ng salitang-ugat, ay ikinakabit na rin nang tuluyan o walang gitling, yamang wala nang iba pang anyong sukat pagkamalan. Gaya ng:

ikamatay, ikakilala, ikalungkot, ikaunlad, ikagiginhawa

Kahit naman hindi natin tingnan ang alituntunin sa Balarila ni L.K.Santos, pag alam nating panlapi, ikinakabit natin ito sa salitang-ugat nang hindi nilalagyan ng gitling. Halimbawa, magutom, nagtampo, paglathala, mangahas, makibaka.

Maraming panlapi, hindi lang ika. Nariyan ang ma-, mang-, mag-, na, nang-, nag-, pa-, pang-, pag, at iba pa. Subalit kailan ito lalagyan ng gitling? Walang gitling sa mga salitang-ugat, maliban kung depende sa buka ng bibig, lalo na kung kasunod ng panlaping may katinig sa dulo ang salitang-ugat na nagsisimula sa patinig. Ang mayari ay iba sa may-ari. Ang pangahas ay iba sa pang-ahas. Ang nangalay ay iba sa nang-alay. Ang magisa ay iba sa mag-isa.

Nawa'y naunawaan natin ang tamang paggamit ng gitling sa ika. Payak lang ang panuntunan. Pag numero ang kasunod ng ika, may gitling sa pagitan nila. Ika-7, ika-8, ika-9. Subalit kung salita, hindi na nilalagyan ng gitling. Ikapito, ikawalo, ikasiyam.

Naisipan kong gawan ng tula ang paggamit ng gitling sa ika.

ANG GITLING SA PANLAPING IKA

lalagyan mo ng gitling ang panlaping ika
kung kasunod ay numero, at hindi letra
walang gitling sa ikaapat, ikalima
ngunit meron sa ika-4, ika-5

sa panlaping ika'y ganyan ang panuntunan
bukod sa ika, maraming panlapi riyan
pag-, mag-, nang-, maki-, aba'y kayrami po niyan
wastong paggamit nito'y dapat nating alam

may panlaping depende sa buka ng bibig
kapag ang dulo ng panlapi ay katinig
simula ng salitang-ugat ay patinig
tulad ng pag-asa, pang-uuyam, pag-ibig

alamin ang wastong paggamit ng panlapi
upang sa pagsusulat ay di magkamali
pangit basahin kung salita'y bakli-bakli
imbes kanin at ulam, hapunan mo'y mani

01.16.2024

Ang siyam kong aklat ng maikling kuwento

ANG SIYAM KONG AKLAT NG MAIKLING KUWENTO
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa aking paboritong basahin at pagpalipasan ng oras ay ang pagbabasa ng maikling kwento, lalo na sa magasing Liwayway. Isa rin sa madalas kong isulat, bukod sa sanaysay at tula, ang maikling kwento, tulad ng inilalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sa munti kong aklatan ay may may siyam na pala akong aklat ng maikling kwento. Sa siyam na iyon, ang apat na aklat ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at tig-isa naman ang University of the Philippines Press, Pantas Publishing, National Book Store, Bookman, Inc., at Psicom Publishing.

Ang apat na inilathala ng Ateneo ay ang Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kuwento ni Benjamin P. Pascual, Alyas Juan de la Cruz at iba pang Kuwento ni Placido R. Parcero Jr., Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo, at Si Juan Beterano at Iba Pang Kuwento ni Rosario De Guzman-Lingat.

Inilathala naman ng UP Press ang Paglawig ng Panahon: 20 Maiikling Kuwento ni Gloria Villaraza Guzman. National Book Store naman ang naglathala ng Tuhug-Tuhog ni Frank G. Rivera, 25 Maiikling Kuwento ng Pag-ibig at Pakikipagsapalaran ng OFWs. Inilathala naman ng Pantas Publishing ang Mga Kuwento Mula sa Lipunan, 12 Maikling Kuwento, ni Edberto M. Villegas, habang ang Mga Kuwento ni Lolo Imo, na siyang salin mula sa Ingles ng mga kuwento ni Maximo Ramos, ay inilathala naman ng Bookman, Inc. Isinalin nina Ma. Veronica U. Calaguas at Ma. Jessica H. Tolentino. Ang BASAG: Modernong Panitikan ng mga Kuwentistang Wasak na pinamatnugutan ni Juan Bautista ay inilathala naman ng Psicom Publishing.

Kapansin-pansin na hindi gaya ng inilalathala ko sa Taliba na maikling kwento, sa pamagat ng mga aklat ay may u ang kwento, kaya kuwento. Marahil ito ang wastong pagbaybay, subalit nasimulan ko na sa Taliba ang kwento, na marahil ay modernong baybay ng salita.

Bukod sa siyam na aklat na nabanggit ko, may iba pa akong aklat ng kuwento na nasa lalawigan, tulad ng Sa Aking Panahon, 13 Piling Katha (at Isa Pa!) ni Edgardo M. Reyes. Pati na ang aklat na 60-40 at Iba Pang Akda ni Mabini Rey Centenona natatandaan kong ang nagbigay ng Introduksyon sa libro ay si Liwayway Arceo. Tanda kong dito ko nabatid kung ano ang ibig sabihin ng balantukan, sa kuwentong Maghilom Ma'y Balantukan ni Centeno. Ibig sabihin, sugat na naghilom na sa labas, ngunit sariwa pa sa loob, tulad halimbawa ng karanasan sa pag-ibig at paghihiwalay.

Hindi ko na matandaan ang iba pang aklat na nabili ko na nasa lalawigan. Subalit dahil hindi ko hawak at wala sa aking aklatan ang mga iyon ay nabanggit ko na lang. Kung idadagdag pa ang dalawa, aba'y labing-isa pala ang aklat ko ng maikling kuwento.

Ano ba ang nasa maikling kuwento at bakit ko ba nakahiligan ang pagbabasa niyon? Una, lagi kong nababasa ang maikling kuwento sa magasing Liwayway, at sa totoo lang, mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa magbasa ng tula. Buhay na buhay kasi ang mga karakter at akala mo'y kuwento lang sa tabi-tabi kung saan ako naroon.

Ikalawa, nagbabasa ako ng maikling kuwento bilang paraan ko ng paghahasa ng sariling kakayahan, lalo na't may dalawang pahinang espasyong nakalaan sa maikling kuwento sa aming publikasyong Taliba ng Maralita.

Ikatlo, ang pagsusulat ko ng maikling kuwento ay bilang paghahanda sa mas mahaba-habang kuwento o nobela na maraming kabanata. Pangarap ko kasing maging nobelista balang araw. Sa mga susunod pang aakdaing sanaysay, balak kong isa-isahing talakayin ang mga aklat na ito ng maiikling kuwento.

Bagamat mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa tula, nais ko namang maghandog ng tula hinggil sa maikling kuwento.

SA PAGKATHA NG MAIKLING KUWENTO

maikling kuwento'y inaakda ko sa Taliba
na munting publikasyon ng samahang maralita
na kinagigiliwan kong isulat, di lang tula
at makabagbag-damdamin kung mabasa ng madla

maikling kuwento'y nakakatulong sa pagmulat
hinggil sa lipunan at mga isyung mabibigat
pinapaksa'y pakikibaka't pagsasabalikat
ng mga layunin laban sa isyung maaalat

di malagay sa Taliba ang maikling kuwento
kapag ang paksa'y di pangmaralita o obrero
sa blog ko na lang ng kuwento inilalagay ko 
nang matipon din at balang araw maisalibro

may nabili't natipon akong libro sa aklatan
hinggil sa maiikling kuwentong kagigiliwan
o marahil kuwentong ikagagalit mo naman
dahil kaytindi ng banghay at pagsasalarawan

maraming salamat sa mga aklat kong nabili
kaya sa pagbasa't pagsulat nito'y nawiwili
uupakan ko sa kuwento ang tuso't salbahe
habang bida naman ang dukha, obrero't babae

01.16.2024

Lunes, Enero 15, 2024

Ang frost o andap

ANG FROST O ANDAP
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang frost ba sa salitang Benguet ay andap? Ito ang nabasa ko sa balita sa pahayagang Abante, Enero 15, 2023, pahina 3. Ang balita ay may pamagat na "Mga Benguet farmer inalerto sa frost".

Ayon sa unang talata ng balita: "Naghahanda na ang mga magsasaka ng Atok, Benguet sa magiging epekto ng 'frost' o 'andap' dahil sa lalong tinatamaang lamig sa Benguet."

Tinanong ko si misis hinggil dito pagkat siya't taga-La Trinidad, Benguet, at ang mga ninuno'y taga-Mountain Province, at halos dalawang taon ding nagtrabaho sa Atok. Subalit hindi niya arok kung ano ang andap, pagkat ang alam din niya, ang andap ay salitang Tagalog, na ibig sabihin ay kutitap o patay-sindi. Nagagamit ko rin ang andap sa pagtula tulad ng aandap-andap ang buhay ng mahihirap.

Si misis ay Igorota subalit ang salita sa Atok, ayon sa kanya, ay Ibaloi. Nakakita na ako ng diksyunaryong Ibaloi, na makapal, subalit natatandaan ko'y nasa isang pinsan ni misis sa Baguio. Marahil pag nagawi uli kami roon ni misis ay titingnan ko muli ang diksyunaryong Ibaloi kung ano ang andap.

Nahanap ko naman sa facebook post ng PTV Cordillera na ginamit ang frost bilang andap, sa kanilang post noong Enero 10, 2021, tatlong taon na ang nakalipas. Ayon sa kanilang ulat: "Naitala ang 'andap' o frost sa Paoay, Atok, Benguet ngayong umaga kasabay pa rin ng pagbaba ng temperatura. Alas kwatro ng madaling araw kanina ay naitala ang 11 degrees celsius na temperatura sa Baguio City na sinundan ng 10.4 degrees celsius kaninang 6:30 ng umaga. Mas mababa naman ang temperatura sa mataas na bahagi ng Benguet."

Ibig sabihin, hindi typo error na ang frost ay andap kundi ito marahil ang native o taal na salita sa Benguet ng frost. Hindi natin ito makita sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), lalo na sa English-Tagalog Dictionary (ETD) ni Leo James English. Ang dalawang iyan kasi ang dalawang diksyunaryong nasa akin kaya sinasangguni ko. Bukod sa iba pang diksyunaryong maliliit na nasa akin. Sa UPDF naman ay may mga entri ng iba't ibang lengguwahe sa bansa, kaya nagbakasakali ako roon. May Ilokano, Kapampangan, Bisaya, Igorot, Meranaw, at iba pa.

Ayon sa ETD, pahina 393, ang frost ay frozen dew: Hamog na nagyelo. Namuong hamog.

Ayon naman sa UPDF, pahina 374, ang frost ay salitang Ingles na nangangahulugang 1: pamumuo o pagtigas dahil sa lamig; 2: lamig ng temperatura na sapat na makapagpayelo; 3: namuong hamog dahil sa lamig.

Ayon pa sa UPDF, pahina 53, ang andap ay 1: liwanag na malamlam, kukurap-kurap o patay-sindi; 2: {Sinaunang Tagalog] pagkurap ng mga mata. Sa kasunod na entri, ang andap din ay "takot". Kaya pala, may naririnig ako noong bata pa ako, pag sinabing "andap ka sa kanya, ano?", iyon pala'y takot ka sa kanya kaya iniiwasan mo siya.

Mas malinaw ang paliwanag sa www.cordillera.com sa kanilang post noong Enero ng taon 2020: Frost or 'andap' in local language is a yearly occurrence in the months of January or February. It usually occurred due to a cold temperature brought by the northeast monsoon or 'amihan'.

Kaya nang mabatid kong may lokal na salita sa frost, at ito nga ang andap (na marahil nga'y salitang Ibaloi), aba'y may magagamit na akong wikang katumbas ng frost para sa tula. Mahirap ding gamitin dahil nga may andap sa wikang Tagalog. Baka makalito lang. Subalit ginawan ko pa rin ng tula sa aking notbuk na nais kong ibahagi sa inyo:

ANG FROST O ANDAP

ang salin pala ng frost ay andap sa Atok, Benguet
nabasa sa ulat ni Atok Mayor Franklin Smith

nasa ten degrees Celsius na raw ang temperatura
na baka raw eight degrees Celsius ang ibababa pa

mga magsasaka roo'y pinaalalahanan
ang banta ng lumalamig na klima'y paghandaan

kaya maaga nilang didiligan ang pananim
upang matunaw ang yelo't di malanta ang tanim

sabi ni misis, ang andap ay salitang Ibaloi
kako naman, sana pananim nila'y di maluoy

naisip ko, buhay na kaylamig, aandap-andap
anong gagawin kung walang init na natatanggap

01.15.2024

Kung walang sagot, mali ba ang tanong?

KUNG WALANG SAGOT, MALI BA ANG TANONG?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Enero 14, 2024 isyu ng palaisipang Aritmetik sa pahayagang Pang-Masa, pahina 7, nakita kong walang sagot sa panglima ng walong tanong dito.

Sa instruksyon, ilagay ang product sa unang box o i-multiply. Sa ikalawa at ikatlo ang mga digit. At sa ikaapat ang sum o total.

Sa unang tanong, ito ang sagot: 6 x 13 = 78; 6 + 13 = 19.
Ikalawang tanong: 29 x 3 = 87; 29 + 3 = 32.
Ikatlong tanong: 21 x 4 = 84; 21 + 4 = 25.
Ikaapat na tanong: 18 x 3 = 54; 18 + 3 = 21.
Ikaanim na tanong: 4 x 4 = 16; 4 + 4 = 8.
Ikapitong tanong: 5 x 2 = 10; 5 + 2 = 7.
Ikawalong tanong: 25 x 6 = 150; 25 + 6 = 31.

Subalit hindi ko masagutan ng tama ang ikalimang tanong, kung ano ang dalawang digit, o factor na tatama sa product na 69, at sa sum na 29. Ang maaari lang sa 69 ay 23 x 3, subalit wala nang factor pa ang 23 kundi 23 x 1. 23 x 3 = 69. 23 + 3 = 26. Hindi sila nagtugma.

Sinubukan kong isa-isahin, at isinulat sa papel. Ang sum ng dalawang digit ay 29, kaya kung i-multiple ito, alin ang tatama sa 69?

15 x 14 = 210
16 x 13 = 208
17 x 12 = 204
18 x 11 = 198
19 x 10 = 190
20 x 9 = 180
21 x 8 = 168
22 x 7 = 154
23 x 6 = 138
24 x 5 = 120
25 x 4 = 100
26 x 3 = 78
27 x 2 = 54
28 x 1 = 28
29 x 0 = 0

Wala talagang tamang sagot kung whole number ang dalawang digit. Marahil ay may sagot kung dalawang fraction o dalawang decimal numbers na maaaring maging factor sa product na 69 o sum na 29. Subalit hindi ko na sinubukan dahil sa tagal kong nagsasagot ng Aritmetik ay pawang whole number ang sagot, at hindi fraction at hindi rin decimal. 

Hanapin ko man ang sagot sa kasunod na araw ng pahayagan, baka ang makita nating sagot ay hindi talaga 29 kundi 26 ang tanong. At typo error lang ito.

01.15.2024

P.S. Nakabili ako ng pahayagang Pang-Masa, Enero 15, 2024, p.7, at nakita nating typo error ang nakasulat. Tama ang factoring na 23 x 3 = 69, subalit mali ang sum, dahil nakasulat doon sa "Sagot sa nakaraan" na 23 + 3 = 29, imbes na 26.

Pagbaka

PAGBAKA

di ka pa ba nagagalit niyan?
na buhay mo'y pinaglalaruan
ng halal na bentador ng bayan

may People's Initiative na ngayon
upang baguhin ang Konstitusyon
pang-interes ba ng bayan iyon?

o tagilid lang muli ang masa?
sa saliwang indak nitong ChaCha
pakana ng mga kongresista

sandaang porsyentong pag-aari
ng dayuhan ay napakasidhi
na nais mangyari nila't mithi

sa kapangyarihan nilang angkin
termino'y balak pang palawigan
na kanilang lulubus-lubusin

binebenta tayo sa dayuhan
ng halal na bentador ng bayan
di ka pa ba magagalit niyan?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2024

Dahikan pala'y gawaan ng barko

DAHIKAN PALA'Y GAWAAN NG BARKO

tanong: GAWAAN NG BARKO; sagot: DAHIKAN
nabatid ko lang iyon sa palaisipan
bago bang salita na di ko nalalaman?
o luma ngunit bago nating natutunan?

ang tanong ay bilang Dalawampu: Pababa
aba, ang gawaan ng barko'y ano kaya?
sinagot muna'y Pahalang at nakita nga
ang DAHIKAN; taal pala nating salita

kahuluga'y hinanap sa bokabularyo
lalo't U.P. Diksiyonaryong Filipino
salitang-ugat ay DAHIK at nakita ko:
pook sa pampang sa pag-aayos ng barko

kahulugan: pagsadsad ng sasakyang-dagat
at ito pa: pag-alis ng sasakyang-dagat
sadyang palaisipa'y nakapagmumulat
sa taal nating salita, daghang salamat!

- gregoriovbituinjr.
01.15.2024

* litrato ng palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 14, 2024, p.10
* dahik - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 252

Linggo, Enero 14, 2024

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay

ISULAT N'YO PO ANG PANGALAN KO SA AKING BINTI, INAY
Tula ni Zayna Azam
Malayang salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Gamitin n'yo po ang permanenteng marker na itim,
na ang tinta'y di kumakalat kung ito'y mabasa, 
yaong di nalulusaw kung ito'y nalantad sa init...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Kapalan n'yo po at linawan ang pagkasulat...
Idagdag n'yo pa ang inyong pinakamimithi, 
upang maaliw akong makita ang sulat-kamay ng 
aking inay sa aking pagtulog...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
At sa binti ng mga kapatid ko..
Sa paraang ito'y magkakasama tayo...
Sa paraang ito'y malalaman nilang kami'y inyong anak...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
At pakisulat din po ang pangalan n'yo ni Itay
sa inyong binti upang maalala tayo bilang pamilya...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Upang pag sumabog ang bomba sa ating bahay, 
Upang pag nadurog ng pader ang ating bungo't buto..
Ang ating mga binti ang magkukwento ng nangyari, 
Lalo't wala na tayong natakbuhan.
.
.
.
WRITE MY NAME ON MY LEG, MAMA
Poem by Zayna Azam
with Filipino translation by Gregorio V. Bituin Jr.

Write my name on my leg, mama...
Use the black permanent marker,
with the ink that doesn't bleed if it gets wet, 
the one that doesn't melt if it's exposed to heat... 

Write my name on my leg, mama...
Make the lines thick and clear..
Add your special flourishes, so I can take comfort 
in seeing my mama's handwriting when I go to sleep...

Write my name on my leg, mama..
And on the legs of my sisters and brothers..
This way we will belong together...
This way we will be known as your children...

Write my name on my leg, mama...
And please write your name and Baba's name on your
legs too so we shall be remembered as a family...

Write my name on my leg, mama...
When the bomb hits our house, 
when the walls crush our skulls and bones..
Our legs will tell our story, 
how there was nowhere for us to run.

Ang pitong nobela ni Faustino Aguilar

ANG PITONG NOBELA NI FAUSTINO AGUILAR
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako noon ng aklat-nobelang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, na kulay pula ang pabalat. Bukod doon ay may iba pa pala siyang nobela. Ito'y ang Busabos ng Palad, Nangalunod sa Katihan, Sa Ngalan ng Diyos, Sa Lihim ng Isang Pulo, at Kaligtasan, na tinalakay bilang kabanata sa aklat. Mayroon pang Ang Patawad ng Patay, subalit nabanggit lang ito bilang huling nobela ni Aquilar, ngunit walang bukod na kabanata na tumalakay dito.

Nabatid ko ito nang mabili ko ang librong Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan, Isang Komentaryo sa mga Nobela ni Faustino Aguilar. Sinulat ito ni E. San Juan Jr. Nabili ko ang aklat sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila sa halagang P500 noong Pebrero 11, 2022.

Ang nobelang Pinaglahuan ay sinulat niya noong 1906 at isinaaklat noong 1907. Nauna lang ng isang taon dito ang unang sosyalistang nobela sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na nalathala ng serye noong 1905 sa pahayagang Muling Pagsilang bago isinaaklat noong 1906.

Ayon sa aklat ni San Juan, ang Busabos ng Palad ay nalathala noong 1909, at dalawang nobela ni Aguilar ang nalathala noong 1911, ang Sa Ngalan ng Diyos, at ang Nangaluhod sa Katihan.

Noong 1926 naman nalathala ang nobelang Ang Lihim ng Isang Pulo. Matapos ang halos dalawampu't limang taon ay magkasunod namang nalathala ang mga nobelang Kaligtasan (1951) at Ang Patawad ng Patay (1952).

Gustong-gusto ko ang sinabi ni San Juan sa kanyang Introduksyon sa aklat tungkol kay Aguilar: "Higit na karapat-dapat sa kaniya ang karangalang-bansag na "National Artist" kaysa sa mga ibang nagtamasa ng biyaya noon o ngayon."

Dagdag pa niya, "Opinyon ng piling dalubhasa na si Aguilar, sampu ng kaniyang mga kontemporaneo, ang pinakamasugid na "tagapaglahad ng katotohanan at tagamungkahi ng kalutasan" habang maalab niyang binuhay "ang pagdurusa ng kaluluwa" ng sambayanang Filipino."

Sino si Aguilar? Ito ang ilan sa isiniwalat ni San Juan hinggil sa talambuhay ni Aguilar: "Ipinanganak si Aguilar noong 15 Pebrero 1882 sa Malate at namatay noong 24 Hulyo, 1955 sa Sampaloc, Maynila. Naging kasapi siya ng Katipunan sa gulang na 14 taon. Di naglaon, nahirang siya  bilang kawani ng Kalihim ng Digmaan at Kalihim Panloob ng Republikang Malolos, kaya siya ibinilanggo ng mga Amerikano noong 1899."

Bilang manunulat, si Agular, ayon kay San Juan: "Naging editor siya ng seksyong Tagalog ng pahayagang La Patria at pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siya ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging editor ng pumalit na pahayagang Taliba."

Bilang manggagawa, si Aguilar naman ay: "Masigasig si Aguilar sa usaping pangmanggagawa. Hinirang siya bilang pangalawang direktor ng Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan umangat bilang direktor nito sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siya ng Senado mula 5 Enero 1923 hanggang mabalik siya sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taong 1933-1939. Ang mga huling katungkulan niya ay miyembro ng Board ng Rural Progress Administration noong Abril 1947 at ng Philippine Homesite and Housing Corporation."

Hinggil sa pitong nobela ni Aguilar, ayon pa kay San Juan, "Bagamat apat na nobela lamang ang naisaaklat, matayog at manining pa rin sa lahat ang kagalingan ni Aguilar sa uri ng sining na pinagsikhayan niya." Tinutukoy niya marahil sa apat na nang magsaliksik ako sa internet ay may larawan ng pabalat ng aklat - ang Pinaglahuan, Busabos ng Palad, Sa Ngalan ng Diyos, at Ang Lihim ng Isang Pulo. Ayon pa kay Sa Juan, "Pambihirang makakita ng lumang edisyon ng Ang Lihim ng Isang Pulo (1926) na itinuturing na pinakamasining sa paghawak ng dalisay na artikulasyon ng wika." Kung gayon, hindi pa naisaaklat ang mga nobelang Nangalunod sa Katihan, Kaligtasan, at Ang Patawad ng Patay? Nawa'y proyektuhin din itong malathala.

Mabuti't nakapagsulat si San Juan ng sinasabi niyang metakomentaryo sa mga nobela ni Aguilar. Kundi'y hindi natin mababatid na may iba pa pala siyang nobela bukod sa Pinaglahuan. Kailangan pa natin hanapin at basahin ang kanyang mga nobela upang mas malasahan pa natin ang himagsik ng kanyang panulat. Ito ang isa sa mga mithiin ko ngayon, ang basahin ang kanyang nobela at magbigay ng komentaryo, o kaya'y gawan ng sanaysay, ang mga ito.

Minsan, naiisip ko, magandang isalin sa Ingles ang lahat ng nobela ni Aguilar, subalit habambuhay itong gawain kung gagawin ko. Marahil isa o dalawa lamang ang kakayanin ko, kung sisipagin. At mailathala ang bersyong Ingles nito, halimbawa, sa Collins Classics sa Amerika. Gayunman, pangarap pa lang itong mananatiling pangarap kung hindi ako kikilos. Dapat mapagtuunan ito ng pansin at bigyan ng oras upang maisakatuparan.

Naisipan kong gawan ng tula ai Aguilar, tulang may tugma't sukat na labinlimang pantig bawat taludtod, bilang alay sa kanya.

FAUSTINO AGUILAR, NOBELISTANG MANGGAGAWA

Faustino Aguilar, magaling na nobelista
inilarawan ang lagay ng bayan sa nobela
ikinwento ang pagkaapi't himagsik ng masa
pati na ang kahilingang panlipunang hustisya

ang nobela'y Busabos ng Palad, Pinaglahuan,
Ang Patawad ng Patay, Nangalunod sa Katihan,
nariyan ang Sa Ngalan ng Diyos, ang Kaligtasan,
Ang Lihim ng Isang Pulo, sadyang makasaysayan

di dapat mawala na lang ang kanyang mga akda
lalo't nobela hinggil sa manggagawa't dalita
dapat siyang basahin at sa atin manariwa
ang lagay noon na hanggang ngayon ay di nawala

nagsamantala ang kapitalista't asendero
nilarawan niya noon ay di pa rin nagbago
may pagsasamantala pa rin sa dukha't obrero
hustisya noon ay panawagan pa ring totoo

maraming salamat, taoskamaong pagpupugay
kay Faustino Aguilar, na nobelistang tunay
basahin siya't samahan natin sa paglalakbay
hanggang mabago ang sistemang bulok at mabuway

01.14.2024

Papuri ng makatang Rio sa Senado

PAPURI NG MAKATANG RIO SA SENADO

pinuri ng makatang Rio ang Senado
nang kanyang itinulang marangal daw ito
ngayong panahon dapat ipakita nito
lalo kung ChaCha'y ibabasurang totoo

marangal at di raw yumuko sa dayuhan
habang sa ChaCha ay aariing sandaang
porsyento ng mga mayayamang dayuhan
ang anumang pag-aari dapat ng bayan

pinangunahan na ng mga kongresista
at punong bayan ang mga pagpapapirma
upang baguhin ang Konstitusyon, ang masa
naman daw ay pipirma dahil may ayuda

huwag pong hayaang malinlang tayong muli
ang pagpapapirma'y pagbabakasakali
na mamayani ang tuso't mapang-aglahi
ChaCha'y para sa interes ng naghahari

ngunit di ng masa, di rin ng buong nasyon
kaya sa Senado, ito'y malaking hamon
di payagang distrungkahin ang Konstitusyon
marangal na Senado'y hanap namin ngayon

- gregoriovbituinjr.
01.14.2024

* ang litrato ay mula sa aklat na "May Mga Damdaming Higit Kaysa Atin" ni Rio Alma, p. 136

Nilay

NILAY

ang pangarap kaya'y makakamit?
kapag di dadaanin sa galit?
bakit ba ang sistema'y kaylupit?
sa mga obrero't maliliit?

sinusumbatan ko ang sarili
kung bakit laging di mapakali
nakikitang di kawili-wili
ay walang magawa sa salbahe

kaya kumilos na, magsikilos
bago bansa'y muling mabusabos
maghanda sa pakikipagtuos
upang bansa'y ilagay sa ayos

madaling araw, kayraming nilay
nagigising na di mapalagay
dapat tayong maging mapagbantay
kung masa sa hukay ilalagay

- gregoriovbituinjr.
01.14.2024

NO TO 100% FOREIGN OWNERSHIP! NO TO CHACHA!
HUWAG MAGING ISKWATER SA SARILING BAYAN!

Panicky ba ang paniki?

PANICKY BA ANG PANIKI?

animo'y paniki ang panicky
nagpa-panic ka ba sa paniki
sakaling nakita mo sa gabi
at sa bahay mo'y biglang umuwi

buti kung ang paniki'y si Batman
na bayani sa Lungsod ng Gotham
na mas matinik pa kay Superman
na talaga ring sagad sa gulang

napag-usapan lang naman natin
ang paniki sa gabing madilim
di naman nang-aano sa atin
ngunit bida sa gabi ng lagim

ah, tara na kayang magsitulog
baka ito'y mali lang na kutob
sakaling paniki'y mambulabog
sa kumot kaya'y magsisisukob?

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

* litrato mula sa app na Word Connect

Sabado, Enero 13, 2024

Komyuter ako, ang laban ng tsuper ay laban ko!

KOMYUTER AKO, ANG LABAN NG TSUPER AY LABAN KO!

kaisa ako sa laban ng mga tsuper ng dyip
dyip na ang sinasakyan ko mula nang magkaisip
ngayon, balak nang i-phase out, dapat itong masagip
sa pakanang ito, komyuter na tulad ko'y hagip

tiyak, apektado ang pamilya ng mga tsuper
pati na libo-libo kundi man milyong kompyuter
lalo ang simpleng trabahador, waiter, writer, welder
dyip ang pangmasang transportasyon nina mother, father

tinawag na e-jeep ang minibus na ipapalit
sa madla, tawag na ito'y tinaguyod na pilit
may dahilan pala, e-jeep na ang iginigiit
upang tradisyunal na dyip ay mawala, kaylupit!

tila kapitalista ang talagang may pakana
imo-modernisa raw, kaya hindi mo halata
na sila palang kapitalista'y kikitang sadya
kapag tradisyunal na dyip na'y tuluyang nawala

kaya "NO to jeepney phase out" ay naging panawagan
ng tulad kong komyuter at ng kapwa mamamayan
dyip nating karamay sa hirap, saya't kakapusan
sasakyan ng dukha'y di dapat mawalang tuluyan

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa terminal ng dyip

Kolum na patula sa dyaryo


KOLUM NA PATULA SA DYARYO
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas kong nakikita sa pesbuk ang paglalathala ng kolum na patula ng isang katotong makata. Dahil pahayagang paglalawigan, tiyak na malaki ang naaabot niyon.

Subalit sa age of social media, nawawala na ang ibang pasulatan, o yaong nalilimbag sa papel. Kaya natutuwa ako sa katoto kong makatang si Glen Sales, isang guro, at kasapi ng Angono 3/7 Poetry Society, sa lingguhang paglabas ng kanyang kolum na patula na pinamagatang DAGITAB sa pahayagang Laguna Courier. Dahil dito'y saludo ako kay kamakatang Glen Sales.

Lalo na't bihirang makata na ngayon ang nalalathala sa mga pahayagan at magasin, maliban sa magasing Liwayway na laging may itinatampok na tula. Hindi ko naman matandaan na ang pangalan ng dyaryo sa Bulacan na may kolum din na patula, na nababasa ko noon. Sa mga arawang pahayagan naman tulad ng Abante, Bulgar, Pang-Masa, Pilipino Star Ngayon, Remate, Sagad, atbp. bihira naman ang may kolum na patula. At bihira rin silang naglalathala ng tula.

Ako naman ay may pinagsusulatang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), na nasimulan kong muli nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng KPML noong Setyembre 16, 2018. Ito'y nalalathala ng dalawang beses sa isang buwan. Una ko itong hinawakan at nilathala noong taon 2001 nang maging staff ng KPML hanggang Marso 2008 nang ako'y mawala sa KPML dahil di na nag-renew ang funder, na siyang dahilan kaya nakakapaglathala noon ng Taliba ng Maralita.

Dati ay may pahayagang Obrero mula taon 2003 hanggang 2010 ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) kung saan isa ako sa nagsusulat, at sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) mula 2011-2012 na pinagsusulatan ko rin, subalit wala na ang mga ito ngayon. Kaya malaking bagay sa akin na may pinagsusulatang pahayagang Taliba ng Maralita.

Ang unang sukat nito noon ay 8.5 x 11.5 o sukat ng short bond paper, walong pahina kada isyu, at naglalathala ng 1,000 kopya kada labas, mula sa isang printing company. Subalit ngayon, lumiit na ang Taliba ng Maralita, na ang sukat ay kalahati ng short bond paper, na may 20-pahina kada isyu. Subalit wala pang isandaang kopya bawat labas dahil na rin sa kakapusan ng salapi, at wala nang funder para sa proyektong ito. 

Tulad ng ibang pahayagan, nilalaman nito'y headline, editoryal, mga balita, kolum ng pangulo ng KPML, komiks, at mga pahayag ng KPML. Ang kaibahan lang, may pampanitikan dito tulad ng Liwayway, pagkat sa pahina 18-19 nito ay maikling kwento, at sa pahina 20 ang mga tula. Ang tatlong dulong pahinang iyon ang kumbaga'y kolum ko.

Nakakatuwa nga na minsan ay sinabihan ako ng pangulo ng aming organisasyon, na pulos tula daw ang sinusulat ko. Aba'y isang pahina lang ang tula, ah, at sa dulong pahina pa, subalit ito ang pumukaw sa kanyang isip.

Kung ang kamakatang Glen Sales ay may apat na beses na labas ng kolum na patula kada buwan, ako naman ay dalawang beses kada buwan. Kung ang kanyang dyaryo'y nasa sanlibong kopya kada labas, ang Taliba ng Maralita ay wala pang isandaang kopya kada labas.

Gayunpaman, kung walang Taliba ng Maralita, pakiramdam ko'y manunulat akong walang pinagsusulatan. Kaya taospusong pasasalamat sa Taliba ng Maralita sa paglalathala ng aking maikling kwento't mga tula sa bawat isyu nito.

Nais ko pa ring magsulat at malathala sa iba pang pahayagan, lalo na't malawak ang naaabot, hindi lang sa social media o sa internet. Iba pa rin talaga ang malathala ka sa pahayagan na iyong nahahawakan at nababasa. Ginawa ko nang misyon ang pagsusulat sa Taliba ng Maralita lalo na't ito na lang ang pinagsusulatan kong dyaryo.

01.13.2024