Miyerkules, Mayo 17, 2023

Muslak pala ang salin ng naive

MUSLAK PALA ANG SALIN NG NAIVE 

ang kanyang katangian ay payak
kung umasta't mag-isip ay muslak
nakatayong uhay sa pinitak
na di dapat gumapang sa lusak

nakita ko rin ang wastong salin
ng NAIVE na dapat kong gamitin
na dagdag-kaalaman sa atin
at maganda nang palaganapin

noon, sa pagkaunawa ko lang
ang salin ko'y walang pakialam
kahulugan pala'y walang muwang
mabuti't salita'y natagpuan

ang MUSLAK pa'y inosente't musmos
salin itong gagamiting lubos
ngayon ako na'y makararaos
upang sinasalin ay matapos

- gregoriovbituinjr.
05.17.2023

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.803

Martes, Mayo 16, 2023

Pagtitig sa kalangitan

PAGTITIG SA KALANGITAN

nais ko pa ring pagmasdan ang kalangitan
pag gabi na'y ang mga bituin at buwan
ulap sa kanyang pag-usad pag araw naman
o kaya'y ang mga ibong nagliliparan

ah, nais kong abutin ang mga bituin
upang itirintas sa iniibig man din
o sa ulap isakay siya't liliparin
namin ang buong daigdig at lilibutin

kadalasang inaabangan ko ang gabi
nasaan kaya roon ang Alpha Centauri?
astronomiya'y aralin, nahan ang Milky
Way o Balatas, pati ang Tatlong Babae?

alin doon ang Super Nova o ang black hole?
mga bituin ba'y nagkakabuhol-buhol?
sa teleskopyo'y magkano ang magugugol?
upang sa langit ang panahon ko'y iukol

nasaan ang Pleiades na konstelasyon?
ng pitong bituin, saan nakaposisyon
yaong pitong babaeng anak ni Apolon?
sa gabi'y hanap ko rin pati ang Orion!

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

Kailan matitigil ang mga balitang murder?

KAILAN MATITIGIL ANG MGA BALITANG MURDER?

ngayong araw, sa isang dyaryo pa lang, pulos murder
ulat noong Mother's Day, misis, pinatay ni mister
mister pa, patay sa pananaksak ng stepfather
eto pa: bunso, patay sa saksak ng kanyang brother

mga ulat na karumal-dumal, sa budhi'y sumbat
pawang magkakadugo ang nagpapatayang sukat
pulos magkakamag-anak ngunit ano bang ugat
parang si Cain at Abel ang huling naiulat

basahin ang mga balita't anong puno't dulo
isa'y dahil sa matinding pagseselos umano
mister at stepfather, sa inuman nagkagulo
si kuya't bunso sa problemang pamilya'y nagtalo

dinadaan ba sa init ng ulo ang usapan?
magkakadugo ba silang walang kahinahunan?
ayaw magpatalo sa isa't isa? walang galang?
o ngayon lang bumigay sa matagal nang alitan?

ganyan ang balita ngayon na pawang madudugo
kailan ba pangyayaring ganyan ay maglalaho?
selos ba'y damdaming di maiwasan ng kasuyo?
dapat nag-usap ng mapayapa ang kuya't bunso

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

* balita mula sa Pilipino Star Ngayon, Mayo 16, 2023, pahina 8-9

Arnisador

ARNISADOR

ngayon ko lang nabasa ang salitang arnisador
na parang estibador o sa piyer ay kargador
pag embahada, embahador, pag toma, tomador
subalit di magagamit ang toka sa tokador

eskrimador sa eskrima, arnisador sa arnis
habang arnisadora ang babaeng nag-aarnis
isa o dalawang yantok, hahawakang mabilis
taal itong Filipino martial arts na mabangis

ibinalita ni R. Cadayona ng Pang-Masa
dalawang arnisador ang nakaginto talaga
sa paligsahan sa Southeast Asian Games sa Cambodia
na sina Dexler Bolambao at Ella Alcoseba

dalawang arnisador na nagbigay-karangalan
sa isports nilang nilahukan at pinaghusayan
taasnoong pagpupugay sa mga kababayan
sa Southeast Asian Games ay ating mga kinatawan

salitang arnisador ay sadyang sinaliksik ko
wala pa sa U.P. Diksiyonaryong Filipino
ngunit ang paggamit na nito sa ulat sa dyaryo
ay umpisa na upang gamitin na natin ito

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

* ang ulat ay mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 16, 2023, pahina 8

Pagpapak sa ulo ng isda

PAGPAPAK SA ULO NG ISDA

binidyo ko iyon ngunit bakit nawala
na baka na-delete nang di ko sinasadya
pinapapak ng kuting ang ulo ng isda
na pag pinagmamasdan ko'y nakatutuwa

para bang sa isda siya'y gigil na gigil
baka talagang gutom na di mo mapigil
na pag naubos lang niya saka titigil
larawang iyon sa diwa'y umuukilkil

anong sarap din namang may alagang kuting
basta huwag lang sa bahay patitirahin
o kung sa bahay man, lagi mong lilinisin
ang tirahan nila nang di mangamoy man din

ibang kapatid niya'y aking napiktyuran
ang mga iyon ay may ibang kwento naman
ang kuting munang ito ang ating tulaan
sige lang, kuting, kumain ka muna riyan

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

Sa mutya

SA MUTYA

di man ako kasintamis ng tsokolate
na paborito ng mutya kong binibini
siya naman ay sadya kong pinuputakti
ng tulang kaiga-igaya ang mensahe

sa aking guniguni'y sadyang nag-aalab
ang apoy ng pag-ibig, kapara'y dagitab
nagniningas bagamat di ako pasiklab
malamig man ang panahon ay nagliliyab

lilipas pa rin at lilipas ang panahon
ang mahalaga'y paano umibig ngayon
di sapat ang rosas, dapat may bigas doon
nang di naman magutom sa bawat pagbangon

patuloy ang pagsasama kahit tumanda
at isangdaang taon ay abuting sadya
isasayaw ko ang paang pawang kaliwa
nang bigyang kasiyahan ang giliw na mutya

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

Nagsosolong langgam

NAGSOSOLONG LANGGAM

ang musika'y kaysarap pakinggan
di man magkandatuto ang langgam
sa paghanap ng masisilungan
walang kasama, tila iniwan

bihirang langgam ang nagsosolo
pagkat kilos nila'y kolektibo
anong nangyari sa isang ito?
sa sinta ba'y nabigong totoo?

"hanap ko ang sintang nawawala
kaya ngayon ako'y lumuluha";
"ang hanap ko'y kapwa manggagawa
upang magpatuloy sa paggawa"

nagkudeta raw laban sa reyna
na talagang nilabanan sila
at nawalay sa mga kasama
iba'y tumakas, iba'y patay na

mga bagong akdang masusulat
paksa'y langgam na puso'y may sugat
langgam na di batid saan buhat
kaya nawalay sa kanyang pangkat

- gregoriovbituinjr.
05.16.2023

* kuha ang bidyo sa Daila Farm sa Tagaytay, Pebrero 12, 2023
* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kyIdQKIpkY/

Lunes, Mayo 15, 2023

Paghahanap sa libro ni Pilosopo Tasyo, si VS Almario, at ang nobelang Tasyo ni EA Reyes

PAGHAHANAP SA LIBRO NI PILOSOPO TASYO, SI VIRGILIO ALMARIO, AT ANG NOBELANG TASYO NI ED AURELIO C. REYES
Maikling saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang panibagong dakilang layon na naman ang nadagdag sa aking balikat: ang ipalaganap ang nobelang Tasyo ng namayapang awtor Ed Aurelio "Sir Ding" C. Reyes.

Bunsod ito ng sinulat ni national artist for literature Virgilio S. Almario sa kanyang kolum na Sarì-Sámot sa Filipino Ngayon sa pesbuk, na pinamagatang Ang Libro ni Pilosopo Tasyo. Ito'y nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=698097328988568&set=a.503294381802198

Ayon sa kanya, "Mabuti pa ang mga hiyas ni Simoun at pinakinabangan ng panitikan. Noong 1941, sumulat si Iñigo Ed. Regalado ng isang mahabàng tulang pasalaysay, ang Ibong Walang Pugad, at dinugtungan niya ang mga nobela ni Rizal. Pinalitaw niyang may anak si Elias, at sinisid nitó ang kayamanan ni Simoun, at ginámit sa kawanggawa para tulungan ang mga dukha. Nitong 1969 inilathala naman ni NA Amado V. Hernandez ang nobelang Mga Ibong Mandaragit, at isang gerilya ang sumisid sa kayamanan ni Simoun para gamítin sa kampanya laban sa mga gahaman ng lipunan. Ngunit walâng nagkainspirasyong kupkupin ang mga libro ni Pilosopo Tasio."

Mayroon. May nobelang Tasyo si Sir Ed Aurelio C. Reyes na nalathala pa noong 2009. Mababasa ninyo ang buong nobela, na may labimpitong kabanata sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htm

Hindi sapat ang karampot kong salapi dahil pultaym na tibak upang matustusan ang pagpapalathala ng aklat na Tasyo. Subalit bakit ko tutustusan?

Matagal ko nang kakilala si Sir Ding Reyes, mula pa noong 1995 sa Kamayan para sa Kalikasan Forum sa EDSA, at sa paglulunsad ng Seremonya ng Kartilya ng Katipunan na sinamahan ko sa Titus Brandsma sa QC. Nakasama ko siya bilang associate editor ng pitong isyu ng magasing Tambuli ng Dakilang Lahi noong 2006. Magkasama rin kami sa Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Namayapa siya noong 2015

Kaya nang mabatid ko ang sinabing iyon ni Sir Virgilio S. Almario, na guro ko sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, hinggil sa walang nagpatuloy o nag-usisa man lang hinggil sa librong naiwan ni Pilosopo Tasyo, agad akong dapat magsalita. Dahil ang pananahimik ay pagiging walang pakialam sa kabila ng may alam.

Kung may mga awtor na nagdugtong sa nobela ni Rizal, may awtor ding gumawa ng nobela hinggil sa naiwang sulatin ni Pilosopo Tasyo - si Sir Ed Aurelio C. Reyes, kung saan ang kanyang nobela ay pinamagatang TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?

Marahil, dahil ang kanyang nobelang Tasyo na nakalathala bilang aklat ay kumalat o naibenta lamang sa loob ng kanyang sirkulo, o sa mga kaibigan, o sa kanyang mga estudyante, hindi iyon talaga lumaganap. Hindi iyon talaga nailagay sa mga kilalang tindahan ng aklat. Nakita ko rin ang kopyang ito noong nabubuhay pa siya subalit hindi ako nakabili. Makikita pa sa pabalat ng aklat ang nakasulat sa baybayin. Kilala ko rin si Sir Ding kung saan sa kanya rin ako natuto ng pagbu-bookbinding ng kanyang mga aklat.

Marahil, kung nailathala ito ng mga kilalang publishing house sa bansa, baka nagkaroon ito ng mga book review, dinaluhan ng mahilig sa panitikan at kasaysayan ang paglulunsad nito, at nabatid ito ni Sir Almario.

Ngayong patay na ang may-akda ng Tasyo, marapat naman nating itaguyod ang kanyang nobela sa mga hindi pa nakakaalam, upang maisama rin ito sa mga book review at sa kasaysayan ng mga nobela sa Pilipinas. Sa ngayon, iyan ang aking magagawa sa nobela ng isang mabuting kaibigan - ang itaguyod ang kanyang nobelang Tasyo sa mas nakararaming tao. Hindi man natin ito nailathala bilang aklat ay nakapag-iwan naman siya ng kopya ng buong nobela sa internet. 

Tara, basahin natin ang online version ng labimpitong kabanatang nobelang Tasyo sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htmMaraming salamat.

Huwag bastos sa weyter

HUWAG BASTOS SA WEYTER

sinumang bastos sa weyter o weytres, layasan mo
weyter man, may karapatan din, tulad mo ring tao
magsilbi man sa kakain ang kanilang trabaho
tratuhin mo rin sila tulad ng gusto mong trato

aba'y kayganda ng kwento sa atin ni Ivana
ka-deyt na nang-away ng weyter, nilayasan niya
paano kung sila na, ganyan ba'y trato sa kanya
buti hanggang maaga, ugali nito'y nakita

kung ang tao'y magiliw kay Muhammad Ali lamang
ngunit bastos sa weyter, huwag mong pagtiwalaan
dahil ganyan ka rin tatratuhin ng mga iyan
kung ikaw ay weyter na nasa gayong katayuan

tagos talaga sa puso ang kanilang sinabi
weyter ay kapwa natin, sila man ay tagasilbi
mabuhay kayo, O, artistang Ivana Alawi
at dating heavyweight champion boxer Muhammad Ali

mahalaga talaga sa kanilang inilahad
ay ang pagtrato mo sa kapwa, asal mo't dignidad
sa anumang sitwasyon, respeto'y ating ibungad
kung bastos ka sa weyter, dapat ka lang mailantad

- gregoriovbituinjr.
05.15.2023

Masahe

MASAHE

kaysarap ni misis magmasahe
ng ulo ko, tanggal pa ang kati
nadama'y ginhawa ngayong gabi

dahil sa mga haplos ni misis
ang sakit ng ulo pa'y naalis
na talagang aking tinitiis

tiyak na masarap ang tulog ko
na parang hinehele sa kubo
nitong pangarap na paraiso

- gregoriovbituinjr.
05.14.2023

* mapapanood ang 7 sec. reel sa: https://fb.watch/kwMKBBxeEC/

Linggo, Mayo 14, 2023

Boto

BOTO

higit isang taon na rin makaraang bumoto
ng isang lider-manggagawa sa pagka-Pangulo
bagamat anak ng diktador sa kanya'y tumalo
subalit makasaysayan na ang nangyaring ito

dahil pinatunayan ng ating lider-obrero
kaya pala niyang makipagsabayan sa trapo
at ibang kinatawan ng kapitalista rito
sa entablado ng mga nais maging pangulo

nakita ng masang kayang sumabay sa debate
ng lider-manggagawa sa mga representante
ng trapo, dinastiya, burgesya, na ang mensahe
lider-manggagawa naman sa bayan magsisilbi

tapos na ang panahon ng pambobola ng trapo
bagamat makapangyarihan pa ang mga ito
kaya pa ring gawing Buy One Take One ang mga BOTO
ah, dapat nang wakasan ang ganyan nilang estilo

- gregoriovbituinjr.
05.14.2023

Nasa BookSale ng sinta

NASA BOOKSALE NG SINTA

pag napapadako sa BookSale, ako'y papasok na
ang kaibhan lamang ngayon, si misis na'y kasama
marahil noon pa sa akin siya'y nagtataka
bakit bukstor ang napili kong tambayan tuwina

pagkat dito'y nakadarama ng kapayapaan
na para bagang ako'y nasa sariling tahanan
pag may bukstor, papasukin at papasukin iyan
upang luma't bagong aklat ay makita't malaman

minsan, pag usapan ng kitaan, sa BookSale tayo
habang naghihintay, nagbabasa ng libro rito
madalas aklat-literatura'y nabibili ko
mura, bihira, rare book, collector's item pa ito

salamat sa BookSale kami'y nagkasama ni misis
kaya aking nadama'y kasiyahang anong tamis

- gregoriovbituinjr.
05.14.2023

Sa inahing pusa ngayong Mother's Day

SA INAHING PUSA NGAYONG MOTHER'S DAY

ang Mother's Day ay di lang sa tao
pati sa inahing pusang ito
dati'y anim yaong anak nito
ngayon, lima na lang ang narito

isa'y kinuha ng kapitbahay
lima'y inaalagaang tunay
ina siyang laging mapagbantay
sa limang kuting nakasubaybay

naghahagilap lagi ng isda
para sa kanyang limang anak nga
wala pang sambuwan ang alaga
talagang mga sanggol pa't bata

alagaan mo silang mabuti
na sambuwan na sa Disi-Syete
pakakainin ko rin parati
ang limang alagang kuting dine

- gregoriovbituinjr.
05.14.2023

* may bidyo nito na mapapanood sa: https://fb.watch/kv_XKZYKWO/

Happy Mother's Day sa lahat ng nanay

HAPPY MOTHER'S DAY SA LAHAT NG NANAY

Happy Mother's Day sa lahat ng nanay
sa inyo'y taospusong pagpupugay
kayong sa amin nagpalaking tunay
kami'y binigyan ng mabuting gabay

dinala kami sa sinapupunan
sa loob ng singkad siyam na buwan
hanggang sa kami'y inyong isinilang
liwanag ng araw na'y nasilayan

binihisan n'yo kami't pinag-aral
at pinagluluto pa ng almusal
pinababaunan pa ng minindal
tiniyak lumaki kaming may dangal

pasalamat namin ay labis-labis
nariyan kayong di kami tiniis
hanggang mag-asawa kami't umalis
ay tiniyak kami'y di malilihis

gayunman, kung may nagawa mang sala
sa anumang parusa'y nakahanda
kapatawaran po'y hangad na sadya
huwag po lamang kaming isusumpa

silangan, kanluran, ilaya't hulo
kami'y pinatnubayan n'yong totoo
nawa'y manatiling malusog kayo
Happy Mother's Day pong muli sa inyo

- gregoriovbituinjr.
05.14.2023

Happy Mother's Day po, Inay!

 

HAPPY MOTHER'S DAY PO, INAY!

Happy Mother's Day po, aking Inay
ikaw na sa akin ay gumabay
sa magkakapatid pumatnubay
O, Inay, mabuhay ka! MABUHAY!

maraming salamat po sa inyo
at napalaki akong totoo
sana'y magaling nang inhinyero
lalo't kinahiliga'y numero

subalit di naman nakatapos
dahil nagpasya akong kumilos
sa uri't bayan magsilbing lubos
tulad ng pagmamahal mong taos

wala akong materyal na handog
kundi pasalamat sa paghubog
upang maging matatag, di hambog
nawa, Inay, lagi kang malusog

iba man ang landas kong pinili
kumilos upang kamtin ang mithi
ang pagsinta mo'y nananatili
O, Inay, Happy Mother's Day muli

- gregoriovbituinjr.
05.14.2023

Sabado, Mayo 13, 2023

Tugon ko sa tanong ni Doc Ben

TUGON KO SA TANONG NI DOC BEN

"Anong karapatan mong magretiro't magpahinga
sa bawat laban para sa kagalingan ng masa
na para kumain, nangangalakal ng basura
pang-almusal, tanghalian, hapunan ng pamilya?"

napaisip agad ako sa kanyang simpleng tanong
at nais kong magbigay ng napag-isipang tugon
magretiro sa laban ay wala sa isip ngayon
pagkat retiro ko'y pag sa lupa na nakabaon

dahil ang paglilingkod sa masa'y hindi karera
na pagdating ng edad sisenta'y retirado na
baka magretiro lang pag nabago ang sistema
at nakuha ang kapangyarihang pampulitika

hangga't may mga uri at pribadong pag-aari
na sa laksang kahirapan sa mundo'y siyang sanhi
asahan mong sa pakikibaka'y mananatili
aktibistang Spartan tulad ko'y nais magwagi

ipanalo ang asam na lipunang makatao
lipunang patas, bawat isa'y nagpapakatao
kung ang rebolusyon natin ay di pa nananalo
asahang retiro ay wala sa bokabularyo

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Dapat walang hari sa ating alamat

DAPAT WALANG HARI SA ATING ALAMAT

kayrami nang hari / sa mga alamat
gayong walang haring / sa bansa'y nagbuhat
hari'y pawiin na / sa maraming aklat
merong datu't rahang / dapat maisulat

tayo'y lumaki na / sa ganyang imbento
na unang panahon / ay mayroon nito
baka nahalina / sa kwento ng dayo
sadyang mentalidad / kolonyal pa ito

wala namang hari / sa bayan kong gipit
sa mga alamat / ay inulit-ulit
para bang banyaga / sa kwento'y umukit
gayong walang hari / kahit pa mabait

kamakailan lang, / hari'y pinutungan
na sa Inglatera'y / may hari na naman
subalit sa ating / bansa'y walang ganyan
wala tayong hari / sa sariling bayan

kaya ang isulat / sa kwento't pabula
ay datu at raha / na meron sa bansa
o kulturang lumad / sa kwentong pambata
kasaysayan nati'y / balikan ding sadya

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Tahong

TAHONG

kaysarap naman ng kanyang tahong
na niluto, napakalinamnam
tagos sa puso, wala nang tanong
kung paano nilutong kay-inam

tiyak ako'y mabubusog muli
sa nilatag sa hapag-kainan
masarap na naman ang tanghali
at kami rito'y magkakainan

wala akong masabi sa luto
na tanging makakapagsalita
ay gutom na tiyang nasiphayo
at itong lalamunan at dila

salamat talaga sa tahong mo
sadyang malasa nang kinain ko

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Microplastics sa Metro Manila

MICROPLASTICS SA METRO MANILA

meron na raw microplastics sa hangin
sa Metro Manila, anong gagawin
batay iyan sa ginawang aralin
na di natin dapat balewalain

ang ganyang balita'y kahindik-hindik
ang buhay na natin ay patiwarik
napalibutan na ng microplastic
baka sa ating mata'y magpatirik

may dapat gawin, di lang ang gobyerno
dapat may partisipasyon ang tao
upang malutas ang problemang ito
di madamay ang anak mo't apo ko

ang dulot nito'y panganib talaga
lalo na sa mga nasa kalsada
nagwawalis, ang vendor, motorista
pasahero, nagtatrapik, ang masa

sinong problema kung tanunging bakit
suliranin muna'y lutasing pilit
isa ang facemask sa dapat magamit
nang di na lumala pa't magkasakit

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Ang mga kuting

ANG MGA KUTING

kaysarap masdan ng mga kuting
balahibo pa'y haplus-haplusin
hayaan muna silang maglaro
subukan kaya nilang maligo

subalit baka naman sipunin
at sila'y magalit lang sa akin
ah, hayaan na silang maglaro
at matutulog din pag nahapo

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023