Lunes, Agosto 12, 2024

Sa mga nagla-like sa post ko

SA MGA NAGLA-LIKE SA POST KO

nagsisilbi kayong ningas
upang ako'y magpatuloy
sa pagkatha ng parehas
at di ako tinataboy

asam na lipunang patas
ay nag-aalab na apoy
ang makata'y parang limbas
at di mistulang kaluoy

sa mga nag-like sa tula
batid n'yo kung sino kayo
kayong kapatid-sa-diwa
ako'y saludong totoo

tula ang obra kong likha
alay sa bayan at mundo
katha lang ako ng katha
hinggil sa maraming isyu

kaya ako'y natutuwa
pag may nagla-like sa post ko
dama ng puso ko't diwa
na kayrami kong katoto

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

Pinagmulan ng kurso

PINAGMULAN NG KURSO

marahil ay sa interes ko sa numero
kaya matematika'y pangatlo kong kurso
una'y aeronautical engineering ako
nag-business management na kurso ng tatay ko

subalit ako'y umalis sa pamantasan
nang magpultaym bilang aktibistang Spartan
di raw sa apat na sulok ng paaralan
lamang mapagsisilbihan ang sambayanan

lumipas halos tatlong dekadang kaytagal
nais ko pa ring magtapos ng pag-aaral
bagamat ang aktibismo'y gawaing banal
hangad ko pa ring tapusin ang pag-aaral

marahil aaralin ko'y tungkol sa wika
o sa panitikan pagkat nagmamakata
diploma sa kolehiyo'y inaadhika
nang masabing nagtapos ang tulad kong dukha

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

* larawan mula sa app game na Word Connect

Linggo, Agosto 11, 2024

Kalma lang

KALMA LANG

"Kalmado" ang tatak ng nabili kong sando
na isinuot ko ngayong araw ng Linggo
wala lang, nagustuhan lang isuot ito
lalo't pakiramdam ko ngayon ay "Kalmado"

tara, katoto ko, tayo muna'y magkape
saglit akong samahan habang nagmumuni
at iniisip ang mga wastong diskarte
kung paanong sa masa'y magsilbing mabuti

kumbaga sa chess player, dapat ay kalma lang
kongkretong magsuri sa bawat kalagayan
"every move maybe your last" ay dapat malaman
"blunders may kill" ayon sa isang kasabihan

kaya kalma ka lang sakaling nagagalit
huwag magpadalus-dalos kung nagigipit
gagawin mo'y pakaisiping ilang ulit
lalo't buhay o liyag ang maging kapalit

- gregoriovbituinjr.
08.11.2024

Bakit si Nesthy lang, paano si Aira?

BAKIT SI NESTHY LANG, PAANO SI AIRA?

naunang maka-bronze sa Paris Olympics si Aira
Villegas at pangalawang naka-bronze ay si Nesthy
Petecio, subalit sa balita'y parang di pansin
si Vilegas, si Petecio lang ang papupurihan!

kaysakit na balita pag ito'y iyong nabasa
di ba't dalawa'y nagka-bronze, sa bayan ay nagsilbi
ngunit bakit isa lang ang binigyan ditong pansin
bronze medalist na si Aira'y bakit nakalimutan?

walang alam? sa senador ba'y sinong kumausap?
na dalawang babaeng boxer ang sa bronze naghirap
sa Paris Olympics, isa ba'y di katanggap-tanggap?
gayong dalawa'y dapat sabay papurihang ganap!

dapat bang sisihin ang nagsulat kung di totoo?
o kalap lang niya ang ulat na sinulat dito?
ngunit sana'y naisip niyang di dapat ganito
na bakit si Nesthy lang at si Aira ay paano?

saan ang desisyong patas at parehas at pantay?
di ba't silang dalawa'y dapat pagpugayang sabay?
bakit isa'y initsapuwera? nakalulumbay!
tila dalawang bronze medalist ay pinag-aaway!

- gregoriovbituinjr.
08.11.2024

* ulat na pinamagatang "Parangal Ihanda para kay Petecio, POC, Pinuri ng Boxing Alliance" na nasa p.12 ng pahayagang Bulgar, 08.10.2024

Isyung Pre-SONA at Post-SONA ng Taliba ng Maralita

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bihirang gawin ng patnugutan na magkaroon ng dalawang isyu ng Taliba ng Maralita sa loob lang ng dalawang linggo nitong iskedyul, na nagawa lang sa iysung Hulyo 16-31, 2024. Dahil sa dami ng mga balita't pahayag ay napagpasyahan ng patnugutan na dalawang isyu ang ilabas sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Ang isa'y Pre-SONA isyu, at ang isa'y Post-SONA isyu. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Kada dalawang buwan ay dapat may malathalang Taliba. Isa sa unang dalawang linggo at isa pa sa huling dalawang linggo. Kaya nga ang petsa ng isyu ay tulad ng Pebrero 16-28, 2024, Hulyo 1-15, 2024, Hulyo 16-31, 2024, o Agosto 1-15, 2024.

Hindi naman maaaring ilagay sa isyung Hulyo 1-15, 2024 ang nasa Pre-SONA isyu, dahil naganap ang mga aktibidad sa Pre-SONA isyu ay hindi sakop ng petsang Hulyo 1-15, 2024. Hindi ko rin nais ilagay sa isyung Agosto 1-15, 2024 ang post-SONA dahil tiyak na may ibang naganap sa Agosto 1-15, lalo na matapos ang bagyong Carina.

Ang nilalaman ng Pre-SONA isyu ay Press Conference ng mga maralita noong Hulyo 17 bago mag-SONA, na siya ring headline; ang State of Human Rights Adress (SOHRA) na pinangunahan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) noong Hulyo 16, na dinaluhan ng iba't ibang human rights organizations, kung saan isa sa tagapagsalita ay ang sekretaryo heneral ng KPML; at ang State of the People's Address (SOPA) na pinangunahan ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na dinaluhan naman ng dalawang kinatawan ng KPML, noong Hulyo 19.

Ang Post-SONA isyu naman ay naglalaman ng naganap sa SONA kung saan nagrali muna sa tapat ng tanggapan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga maralita sa pangunguna ng KPML, Samahan ng Mamamayan-Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), at Partido Lakas ng Masa (PLM). Ulat sa SONA, pahayag ng KPML sa SONA, pahayag ng PLM matapos ang SONA, pahayag ni Ka Leody, at ang pahayag ng PAHRA.

Sadya ring pinag-isipan ang pagsulat ng Editoryal kada isyu dahil dito makikita ang paninindigan ng pahayagan sa iba't ibang isyung tumatama sa maralita.

Patuloy din ang paglalathala ng kolum ni Ka Kokoy Gan na siyang kasalukuyang pangulo ng KPML.

Nag-aambag din ang Taliba ng Maralita sa panitikang Pilipino, o sa sinasabi nating panitikang maralita. Pagkat di pa rin nawawala ang maikling kwento sa pahina 18-19 at tula sa pahina 20 sa kada labas ng Taliba. Sa Pre-SONA isyu, ang pamagat ng kwento ay "Budul-Budol sa Maralita" na batay sa inilabas na pahayag ng maralita sa kanilang presscon, habang sa Post-SONA isyu ay "Bigong-Bigo ang Masa". Dalawang kwentong ang pamagat ay mula sa daglat na BBM.

Isa sa mga pinagkukunutan ko talaga ng noo ang pagsusulat ng maikling kwento, mga tula, at komiks na Mara at Lita, na balang araw ay maaaring isalibro. Ang mga maikling kwento ay maaaring malathala sa mga librong aralin sa elementarya at sekundarya. Ang tugma at sukat sa pagtula ay talaga kong pinaghuhusayan upang kung nais ng ibang ito'y ilathala nila ay malaya nilang mailalathala, basta huwag lang baguhin kahit isang letra at ilagay ang pangalan ko bilang may-akda ng tula.

Sa tulad kong manunulat, mahalaga pa rin ang paglalathala ng 20-pahinang Taliba ng Maralita. Bagamat uso na ngayon ang social media o socmed tulad ng facebook, wordpress, instagram, at iba pa. Mahalaga pa ring malathala sa papel ang munting pahayagang ito. Ayaw pa rin nating maganap ang nangyari sa pahayagang Baguio Midland Courier na matapos ang mahigit pitumpung taon ay namaalam na nitong Hunyo, kung saan inilathala nila ang kanilang huling isyu. Katulad ng mga kakilala kong may napaglalathalang pahayagan, pag ako'y tinanong kung saan ba ako nagsusulat, agad na maipagmamalaki kong sasabihing sa Taliba ng Maralita.

Isa pa, kaya dapat patuloy ang paglalathala ng Taliba ng Maralita ay dahil karamihan pa rin naman ng maralita ay walang akses sa internet, at magandang binababaan talaga. Mabigyan sila, kung di man mabentahan, ng Taliba ng Maralita. Isa rin itong paraan ng mga organisador ng maralita upang makausap at makatalakayan ang mga maralita.

Kaya patuloy lang tayo sa paghahandog sa mga kauri nating maralita ng mga napapanahong isyu ng dukha, pahayag, balita, at panitikan sa Taliba ng Maralita. Patuloy natin itong ilalathala para sa mga dukha hanggang marating ng maralita ang pangarap nitong lipunang makatao, lipunang pantay, at lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Mabuhay ang mga maralita!

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA

dahil sa maraming naganap sa dalawang linggo
ay napagpasyahang maglabas ng dalawang isyu
pambihirang desisyon para sa ating diyaryo
dahil nilalaman ay di sapat sa isang isyu

bihira ang gayong pagpapasya ng patnugutan
na dahil sa dami ng isyu'y ginawan ng paraan
may Pre-SONA na, may Post-SONA pa sa pahayagan
bilang ambag din ng maralita sa kasaysayan

nalathala rin dito'y maikling kwento at tula
na pinagsikapan ng manunulat at makata
ang komiks na Mara at Lita na pangmaralita
editoryal na may malalim na kuro ng dukha

kasaysayan ng laban ng dukha'y ilathala rin
nang mahanguan ng aral ng susunod sa atin
halina't basahin ang munting pahayagan natin
ang pinagsikapang ito'y pag-isipan at damhin

08.11.2024

Anong bagong balita?

ANONG BAGONG BALITA?

hoy, pare, anong bagong balita?
may nasalanta ba't nangasira?
bagyo'y saan nanalasang sadya?
kailan kaya bagyo'y huhupa?

si Yulo'y nakadalawang ginto
Petecio't Villegas nakatanso
di man nila nakuha ang ginto
handog nila sa bayan ay buo

bagong balita pag bagong dinig
luma na pag naging bukambibig
ngunit may aral na makakahig
na iisipin ng mga kabig

balita'y magiging kasaysayan
paglipas ng panahong nagdaan
maganda'y may bagong natutunan
mapait man ang pinagdaanan

bago sa bagong makakabasa
may masaya kung di man trahedya
may bagyo kayang mananalasa?
tulad ng Yolanda at Carina?

bago pag bago mong napanood
pag sa telebisyon nakatanghod
may nabatid at may binubuod
kung ulat ay may lungkot o lugod

- gregoriovbituinjr.
08.11.2024

* ang litrato'y mula sa app game na Word Connect

17 medalya sa Math, nakamit ng Pilipinas

17 MEDALYA SA MATH, NAKAMIT NG PILIPINAS

mga estudyanteng Pilipino'y nagtagumpay doon
sa India International Mathematics Competition
na yaong nagpaligsahan ay nasa tatlumpung nasyon
na mga lumahok ay animnaraang sipnayanon

tatlong silver, pitong bronze at pitong merit medal pala
ang natamo mula sa talino't pagsisikap nila
kahit walang dalawang ginto tulad ni Yulo sila
mga estudyanteng math genius ay petmalu talaga

may medalyang pilak ay tatlong Tsinoy ang apelyido
tatlong Kastilaloy, dalawang Tsinoy sa tanso mismo
sa merit, dalawang Kastilaloy, limang Tsinoy dito
aba, sa kanila'y walang katutubong Pilipino

mahihina ba ang mga katutubong Pinoy sa math
o di lamang sila nabibigyan ng oportunidad
panahon naman ngayong sa kanila tayo'y mamulat
at sa math, katutubong Pinoy ay dapat mapaunlad

sa mga nagkamit ng medalya, O, mabuhay kayo!
bagamat di man taal na katutubong Pilipino
mataas na pagpupugay itong paabot sa inyo!
salamat, bansang Pilipinas ay kinatawan ninyo!

- gregoriovbituinjr.
08.11.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Agosto 5, 2024, p.8

Sabado, Agosto 10, 2024

Panonood ng Asedillo sa MET

PANONOOD NG ASEDILLO SA MET
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Muli kong pinanood ang pelikulang Asedillo ni FPJ nang ito'y ipalabas ng libre sa Metropolitan Theater (MET) nitong Biyernes, Agosto 9, 2024, mula 1pm-4pm. Alas-dose pa lang ay nasa MET na ako, at 12:30 pm ay nagpapasok na sila. Marami na ring tao.

Sa youtube kasi ay bitin at may pinutol na eksena. Iyon ay napanood ko na rin sa wakas. Iyon ang pagbaril kay Asedillo at sa kanyang mga kasama sa kubong kampo nila sa bundok. Bagamat noong bata pa'y pinalabas din iyon sa telebisyon, subalit hindi ko yata napansin kundi ang dulong bahaging nakabayubay na si Asedillo sa isang punongkahoy.

May anak siyang si Rosa, na sa pelikula bago siya mamatay ay kapapanganak pa lang. Si Aling Rosa, na nasa higit 70 taong gulang na, ay nakaharap na namin ilang taon na ang nakararaan, nang kami'y magtungo sa lugar nina Asedillo sa Laguna, kasama ang mga kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog (BMP-ST). isa na lamang iyong alaala.

May programa muna bago magsimula ang pelikula sa MET. Ganap na 1:15 ng hapon ay inawit na ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Sunod ay pinakilala at nagsalita si Ginoong Marasigan, na siyang direktor ng MET. At binanggit niya ang ginawang pagretoke sa pelikula upang maging bago, na ginawa ng mga artist ng FPJ Production. Naglitratuhan. 

Nabanggit din ni Ginoog Marasigan ang mga balita noon na ayaw ng mga manonood na makitang namatay si FPJ sa pelikula. Kaya marahil tinanggal sa youtube ang tagpo nang paslangin sa FPJ. 

Subalit sa pelikula, hindi pinakitang napaslang si Asedillo kundi ang pagkahawak niya ng mahigpit sa punyal habang nirarapido ng putok ang kanilang kampo, at ang pagkahulog ng punyal sa lupa nang nakatusok patayo.

Isang beses ko lang napanood sa pelikula niya na napatay si FPJ - sa pelikulang Ang Probinsiyano, kung saan napatay si Ador ngunit naitago agad ng kanyang hepe ang bangkay. Tinawagan ng hepe ang kakambal ni Ador na si Cardo mula sa probinsya upang siyang palabasing si Ador.

Magandang naipalabas muli ang pelikulang Asedillo kahit isang araw lang sa MET. Kaya pinaglaanan ko talaga iyon ng panahon at salapi kahit libre. Agad akong nagparehistro isang linggo bago ang palabas. Ginawan ko ng munting tula ang karanasang ito.

SI DODO ASEDILLO

Dodo ang palayaw ni Asedillo sa pelikula
Dodo ang tawag ng ikalawang asawang si Julia
si Pedring ang anak sa una, si Rosa sa pangalwa
dati pala siyang guro noon sa elementarya

sa awiting My Philippines, mga bata'y nangatuto
ipinakita niyang siya'y makamasang maestro
tinanggal sa pagtuturo't di maka-Amerikano
hanggang kuning hepe ng pulis ng isang pulitiko

dahil sa pulitika, siya'y ginawan ng masama
presidente ng bayan pinagbintangan siyang lubha
binugbog ng kapulisan, may kumita't natutuwa
na sa bandang huli'y pinaghigantihan niyang sadya

hanggang siya'y mapasapi sa Kilusang Anakpawis
katiwalian sa kanyang bayan ay di na matiis
naging rebelde hanggang konstabularyo na'y nanugis
ang KARAPATAN NG DUKHA'y bukambibig niyang labis

nabatid ng kalaban ang kanyang kinaroroonan
dahil isang tinanggap na kasama'y naghudas naman
hanggang sapitin ni Asediilo yaong kamatayan
siya'y bandido subalit bayani sa sambayanan

08.10.2024

Pangiliti

PANGILITI

sa pahayagang Taliba ng Maralita
may komik istrip na sadyang nakatutuwa
isyung pulitikal sa dukha tumatama
pinag-iisipang sadya bago makatha

kailangan talagang maging mapagmasid
amuyin at lasahan ang nasa paligid
mag-ingat lamang baka ugat mo'y mapatid
sa katatawa sa dyok na kanilang hatid

ang karakter dito'y sina Mara at Lita
na akala mo'y kambal pag iyong nakita
subalit sila'y magkaklase sa eskwela
nang grumadweyt ay nagkasama sa pabrika

biktima ng salot na kontraktwalisasyon
kaya nawalan sila ng trabaho roon
naging maralitang iskwater sila ngayon
lider-maralita na sa organisasyon

kaytitindi ng kanilang mga usapan
sa pahayagang Taliba matutunghayan
pilantik ng panitik, may diwang tahasan
tuwing labas ng Taliba'y inyong abangan

- gregoriovbituinjr.
08.10.2024

* ang pahayagang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Pagsipat sa panulat

PAGSIPAT SA PANULAT

narito akong manunulat
subalit hindi manunulot
nililinis ang mga kalat
ngunit hindi ang mga kulot
ginagamot ang mga sugat
na mula sa pasikot-sikot
ngunit walang maisusumbat
sa mga walang masasambot
makatang di naman makunat
bagamat noo'y nakakunot
sadyang mahilig lang bumanat
wala mang pistolang mabunot
pag may isyu kahit mabigat
isusulat nang di mabagot

- gregoriovbituinjr.
08.10.2024

Biyernes, Agosto 9, 2024

Boxer Nesthy Petecio, Bronze Medalist sa Paris Olympics

BOXER NESTHY PETECIO, BRONZE MEDALIST SA PARIS OLYMPICS

naging silver medalist siya sa Tokyo Olympics
ngayon, nag-bronze medalist siya sa Paris Olympics
sadyang makasaysayan, siya'y talagang matinik
sa larangan ng isport, ngalan na niya'y natitik

si Nesthy ang ikalawang babaeng boksingero
na nagkatansong medalya sa Olympics na ito
ang una'y si Aira Villegas, palabang totoo
silang dalawa'y sadyang mabilis at matalino

subalit pawang natalo sa pagkamit ng pilak
puntirya't misyon nilang ginto'y talagang pinisak
ngunit nakamit nila'y dapat nating ikagalak
sa kaylupit na galawang buti't di napahamak

O, Nesthy Petecio, ikaw pa rin ay nagtagumpay
sa daming boxer na kalahok, nagka-bronze kang tunay
marapat sa iyo ang mataas na pagpupugay
sa mga dakilang atletang Pinoy mahahanay

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

* ulat mula sa pahayagang Remate, Bulgar, at Pilipino Star Ngayon, Agosto 9, 2024, pahina 12

Sa Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo

SA PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA KATUTUBO
(International Day of the World's Indigenous Peoples)

sa pandaigdigang araw ng mga katutubo
pagpupugay ay pinaaabot nang taospuso
silang may karapatang dapat igalang ng buo
taong dapat kilanlin, saanmang panig ng mundo

salamat sa United Nations, may ganitong araw
katutubo sa bawat bansa'y igalang na tunay
lupang ninuno'y di ariin, di dapat magalaw
ng kapitalistang kamatayan namin ang pakay

ang katutubo'y nagpoprotekta sa kalikasan
na madalas mataboy dahil sa mga minahan
sinisira ng negosyo ang kanilang tahanan
inaagaw ng may kapital pati kalupaan

katutubo'y huwag ituring na uring kaybaba
sapagkat tao ring may malayang kultura't diwa
na pawang naghahangad ng daigdig na payapa
na dapat maprotektahan maging sa ating bansa

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

Nanghihingi si Muning

NANGHIHINGI SI MUNING

ako'y taong naritong natutuwa
sa mga inaalagaang pusa
pag ako'y nakita nilang dumating
agad silang sa akin ay dadaing

nais ng pagkain, nakikiamot
sila'y bibigyan ko't di nagdadamot
kung may maiabot lang sa kanila
sila'y mapapakain ko talaga

tulad ni Muning na aking kaharap
walang ibang sa kanila'y lumingap
bahala sila sa kanilang buhay
malalaki na sila, anang nanay

matutong daga'y kanilang mahuli
upang di gutumin sa bandang huli
habang ako naman ay nalulugod
na magbahagi ng munti kong kayod

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tRHbM9vyfh/ 

Hangal o banal?

HANGAL O BANAL?

ako ba'y isang makatang hangal
o ituring mong makatang banal
na sabi nila'y nakatatagal
sa dagok ng mag-asawang sampal

hinahanap ko'y mga salita
na mangyaring palasak ang diwa
kung di man makabago o luma
upang magamit ko sa pagkatha

sa pagsasaknong ay nagkakayod
sinasalansan bawat taludtod
maging bolpen o lapis na upod
sa anumang digma'y sumusugod

kahit diksyunaryo'y binabasa
na para bagang isang nobela
ganyan yata ang makatang aba
naligaw at nanliligaw pala

hangal o banal ba'y iyong tanong?
ang makata'y di nagmamarunong
niyakap ko lang maging ay yaong
mananaludtod at mananaknong

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

* litratong kuha ni misis sa Art in Island sa 15th Ave., Cubao, QC

Huwebes, Agosto 8, 2024

Boxer Aira Villegas, Bronze medalist sa Paris Olympics

BOXER AIRA VILLEGAS, BRONZE MEDALIST SA PARIS OLYMPICS

sa unang Olympics mo, nagkatansong medalya ka
boxer Aira Villegas, pambihira ka talaga
ginawa mo ang lahat sa abot ng makakaya
subalit sa huling laban mo'y tinalo ka niya

ayos lang iyon, ngalan mo'y nakaukit na roon
sa pantyon ng mga kilalang boksingero doon
magaling ka, pagbutihin mo pa ang iyong misyon
pagkat marami ka pang laban at pagkakataon

di kami mauubusan ng pamuring salita
sa kagaya mong atletang buo ang puso't diwa
pasasalamat ngayong Buwan ng Wikang Pambansa
ang aming masasabi, inspirasyon ka't dakila

laban lang, ang pagkatalo mo'y huwag ikalumbay
ipagpatuloy mo lamang ang iyong paglalakbay
may gintong medalya pa ring sa iyo'y naghihintay
O, Aira Villegas, kami'y taos na nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abante at Pilipino Star Ngayon, Agosto 8, 2024

Paihi

PAIHI

ngayong Buwan ng Wikang Pambansa, tayo'y magsuri
ng mga salitang luma, bago, kapuri-puri
aba'y baka naman may salitang kamuhi-muhi
datapwat umuunlad naman ang wika palagi

sa balita'y may napansin ako, yaong 'PAIHI'
hinggil sa oil spill ng barko, amoy ba'y MAPANGHI
ipinaliwanag naman sa ulat ang 'PAIHI'
'you read between the lines' tila ginagawa PALAGI

ito raw ay langis ng malaking sasakyang dagat
nililipat sa mas maliit habang nasa dagat
upang sa pagbabayad ng buwis ay makaiwas
ngayon, langis sa dagat ay patuloy ang pagtagas

ayon sa ulat, tumaob ang MT Terranova
pati MTKR Jason Bradley ay lumubog pa
habang sumadsad sa baybayin ang MV Mirola
lahat sa Bataan ang pinangyarihang probinsya

may tagas ang tatlong sasakyang pandagat o barko
ngayon ay naglalabas daw ng libo-libong litro
ng gasolina sa Manila Bay, kaytindi nito
pangharang daw sa oil spill ay buhok daw ng tao

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ulat mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang Abante, Agosto 5, 2024

Binidyong paggisa

BINIDYONG PAGGISA

binidyuhan ko pa
ang aking paggisa
nais kong makuha
kung gawa'y tama ba

magsuri'y ganito
minsan binibidyo
gawa ba'y paano
paggisa ba'y wasto

ganyan ang ginawa
ng abang makata
parang kumakatha
ng tula at dula

nagpapasalamat
ang katawang payat
sapagkat nabundat
sa tanghaling tapat

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/tQ2LaklAyy

Ginisang kangkong

GINISANG KANGKONG

may natirang kangkong / si misis kagabi
ang dulong bahagi'y / matigas daw kasi
ayokong sayangin / at pinarti-parte
yaong tangkay upang / gisahing maigi

ibabasura na't / di ko na natiis
plano kong paggisa'y / di naman nagmintis
ang sahog ko'y bawang, / sibuyas, kamatis
tanghalian nitong / katawang manipis

maaari namang / itanim kong binhi
ang dulo ng kangkong, / magbakasakali
subalit naiba / ang isip ko't mithi
ginisa kong tunay / doon sa kawali

tara nang kumain, / ako'y saluhan n'yo
sa pananghaliang / luto kong totoo
kung sakali namang / mabubusog kayo
maraming salamat, / pinasaya ako

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

3,000 ektarya ng WPS, naangkin na ng China

3,000 EKTARYA NG WPS, NAANGKIN NA NG CHINA

isa iyong matinding balitang ating nakalap
tatlong libong ektarya natin ay naangking ganap
ng China, anong salitang iyong maaapuhap
pag ganyang balita'y nabasa mo, iyo bang tanggap?

ganyan daw kalaki ang inaangking teritoryo
ng China sa West Philippine Sea, gera na ba ito?
subalit ano nang gagawin ng ating gobyerno?
magpapadala ba roon ng pulis at sundalo?

Panganiban Reef, Mabini Reef, Subi Reef, sakop na
at pinagtayuan ng base militar ng Tsina
tatlo lang iyan, siyam ang EDCA ng Amerika
Pinas ay pinag-aagawan ng Oso't Agila

may kasaysayan ang Vietnam na dapat aralin
nang Pransya at Amerika ay kanilang talunin
mamamayan nila ang may misyon at adhikain
nang walang tulong ng dayuhan, na dayo'y gapiin

ganyan sana, sama-sama ang mamamayan, madla
na talunin ang U.S. at Tsina sa ating bansa
talunin din ang kababayang burgesya't kuhila
at itayo ang lipunan ng uring manggagawa

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ulat mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Miyerkules, Agosto 7, 2024

Miyerkules, Agosto 7, 2024

300 nagpakalbo, ihaharang ang buhok sa oil spill

300 NAGPAKALBO, IHAHARANG ANG BUHOK SA OIL SPILL

nais kong makiisa sa tatlong daang Spartan
o higit tatlong daang residente ng Bataan
na nagpakalbo upang buhok nila'y ipangharang
sa oil spill, langis na tumapon sa karagatan

sa labingsiyam na barangay kapitan po ninyo
at nagpakalbong taga-Bataan, saludo ako
nais kong tumulong at nais ko ring magpakalbo
ngunit paano madadala riyan ang buhok ko

kung may ganyang aktibidad din dito sa Maynila
agad akong pupunta't magboboluntaryo na nga
ibibigay ang buhok upang iharang na lubha
sa oil spill na sa laot ay nanalasang sadya

sa naunang nagpakalbo, sa inyo'y nagpupugay
sana sa misyon ninyo, ako'y makasamang tunay
higit pa sa ginawa ni Yulo ang inyong pakay
di man gintong medalya, gintong puso'y inyong taglay

- gregoriovbituinjr.
08.07.2024

* ulat mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang Pang-Masa, Agosto 7, 2024