Martes, Marso 21, 2023

Alay ngayong World Poetry Day

ALAY NGAYONG WORLD POETRY DAY

namumutawi dini sa dila
ang mga nilalaman ng diwa
ginagagap ang mga salita
na ilalangkap sa kinakatha

kayrami nang tulang nagsikalat
na talagang nakakapagmulat
talinghaga ma'y di madalumat
binibigkas nang may tugma't sukat

parang agila sa himpapawid
na kung makukuro'y mababatid
ngunit di ka basta padadagit
sa mga salitang matatamis

dakilang araw ng tula ngayon
at muling pagnilayan ang hamon
tula ng makata ng kahapon
ay basahin nitong henerasyon

habang kasalukuyang makata
ay nagpapatuloy sa pagkatha
habang pinauunlad ang wika
ay itinataguyod ang tula

sa lahat ng makata, MABUHAY!
kami'y taospusong nagpupugay!
ang inyong katha ng tuwa't lumbay
sa salinkahi'y pamanang tunay

- gregoriovbituinjr.
03.21.2023

Lunes, Marso 20, 2023

Pagdalo sa Rights of Nature General Assembly

PAGDALO SA RIGHTS OF NATURE GENERAL ASSEMBLY

dadaluhan ko'y Rights of Nature General Assembly
nang mabatid ito'y di na ako nag-atubili
kinontak sila't ako'y talagang agad nagsabi
dahil kahalagahan ng isyu'y aking namuni

dalawa't kalahating araw itong talakayan
mga tagapagsalita'y pakikinggang mataman
lalo sa usaping karapatan ng kalikasan
na noon pa'y nadama ko nang dapat pag-usapan

ang mga ilog nga'y di lang bagay pagkat may buhay
dumihan mo ito't maraming isdang mamamatay
tulad ng Ilog Pasig na basura'y nahalukay
at wala nang mga isdang doon ay nabubuhay

ang karagatan ay tinadtad ng basurang plastik
na napagkakamalang pagkain at sumisiksik
sa tiyan ng lamang dagat at isdang matitinik
di ba't ang kalikasan ay marunong ding humibik?

nariyan din ang bundok tulad ng Sierra Madre
na may karapatang manatili sa ating tabi
sumasangga sa kaylakas na unos, nagsisilbi
sa atin bilang kalasag sa bagyong matitindi

tapunan ba ng upos ng yosi ang mga sapa
ang mga katubigan ba'y tapunan ng basura
kinalbo ang mga bundok dahil sa pagmimina
hanggang kapaligiran nito'y tuluyang nagdusa

kaya sa pagtanggap sa akin, maraming salamat 
makakadalo rito't sa iba'y makapagmulat
Rights of Nature ay karapatang dapat madalumat
upang kalikasan ay mapangalagaang sukat

- gregoriovbituinjr.
03.20.2023

* Ang Rights of Nature General Assembly (RoN) ay gaganapin mula Marso 21 hanggang 23, 2023. Pinangungunahan ito ng Global Alliance for the Rights of Nature (GARN), NASSA/Caritas Philippines, Philippine Misereor Partnership, Inc. (PMPI), at Rights of Nature PH

Kaya ako nakasusulat

KAYA AKO NAKASUSULAT

tanong nila minsan, bakit ako nakasusulat
ng halos araw-gabi raw, ako ba'y nagpupuyat?
tanging nasabi ko'y may paksa kasing nadalumat
na sa utak ko'y kumislap kaya agad nagmulat

nakakasulat dahil din may ipinaglalaban
na kung wala iyon, wala akong paksang tuntungan
sinusulat ko rin anong nasa kapaligiran
isyu man iyon o mga bagay na karaniwan

nakakasulat dahil may nais maiparating
na mensahe, tulad ng katarungang adhikain
nakakatula sapagkat wala sa toreng garing
kundi nakikipamuhay sa obrero't dukha rin

kayraming nahahalukay na samutsaring paksa
halimbawa'y demolisyon ng bahay nitong dukha
o sa pagiging kontraktwal ng mga manggagawa
o hinggil sa kalikasa't karanasan sa sigwa

laksang paksa'y lumilitaw pag naglalaba ako
o kaya'y pag naghuhugas ng pinggan sa lababo
o magwalis ng bakuran, o daang sementado
o pagluluto ng isda't kangkong na inadobo

akala nga nila'y di trabaho ang pagtunganga
dahil tinatamad ako't wala raw ginagawa
gayong nahabi-habi ko na ang kwento ko't tula
na ititipa na lang sa kompyuter maya-maya

- gregoriovbituinjr.
03.20.2023

Sampiyad

SAMPIYAD

ang kahulugan pala ng sampiyad ay "pagpunta
sa isang lugar nang walang tiyak na layunin", ah
ayon sa Salit-Salitaan, diksyunaryong kilala
sa internet, taguyod ang ating wika sa masa

at sa U.P. Diksiyonaryong Filipino naman
ay "lagalag" na nag-iisa nitong kahulugan
na kung susuriin, pareho ba o iba iyan?
pagtungo sa lugar, walang layon o katiyakan?

di ko masabi na minsan, ako'y isang sampiyad
dahil may adhikain ako saanman mapadpad
bagamat ako'y lagalag, laging palakad-lakad
kung saan-saan, habang isip ay lilipad-lipad

litrato'y tingnan, "for World Nomads" ang nasulat doon
na mga lagalag ang inilalarawan niyon
tumutungo sa lugar nang walang tiyak na layon?
o may sariling layon? di na natin sakop iyon

may lagalag tulad kong may layon dahil makata
na lumilipad man ang isip ay nakakatula
subalit di ako sampiyad na walang adhika
madalas mang tulala't sa langit nakatingala

- gregoriovbituinjr.
03.20.2023

sampiyad (pangngalan): Pagpunta sa isang lugar na walang tiyak na layunin, mula sa kwfdiksiyonaryo.ph
sampiyad (pang-uri): lagalag, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1094

Palaisipan

PALAISIPAN

inaalmusal ko kadalasan
ang pagsagot ng palaisipan
agad bibili ng pahayagan
pag nagising kinaumagahan

o kaya'y palaisipang aklat
ang aking agahan pagkamulat
gawain ito bago magsulat
ng anumang paksang madalumat

sasagot ng titik o numero
hanap-salita man o sudoku
aritmerik man o krosword ito
pampasaya't libangang totoo

sa isipan ay nakabubusog
pagkain din itong pampalusog
gayong tiyan ay di bumibintog
umaga'y sa ganyan umiinog

sa ganito ko man nasasagip
ang nalulunod na di malirip
palaisipang di man masilip
sa puso ko't diwa'y halukipkip

mamaya'y magluluto ng kanin
upang pamilya ay makakain
ulam man ay simple't mumurahin
sila naman ang pasasayahin

- gregoriovbituinjr.
03.20.2023

Linggo, Marso 19, 2023

Maling tanong, kaya walang tamang sagot

MALING TANONG, KAYA WALANG TAMANG SAGOT
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa nakaraang palaisipang Aritmetik, petsang Marso 18, 2023, Sabado, pahina 7, sa pahayagang Pang-Masa, nahirapan akong sagutin ang isang katanungan, na sa kalaunan ay wala palang kasagutan. Sa palaisipang Aritmetik, may apat na kahon sa tatlong linya, kung saan ang ikalawa at ikatlong kahon ay magkadikit. Doon ilalagay ang dalawang integer, mga factor (multiplier times multiplicand) at ang dalawang addends, kung saan ang unang kahon ay product, at sa ikaapat na kahon ay sum o total ng nasabing ikalawa at ikatlong kahon.

Madaling masagot ang una, ikalima at ikawalo, dahil idi-divide lang o ima-minus ang isang integer ay masasagutan mo na nang walang gamit na calculator, kundi sa isip lang. Subalit sa ayos ng ikalawa, ikatlo, ikaapat, ikaanim at ikapitong puzzle, kailangan talaga ng matamang pag-iisip upang makuha mo ang tamang factor o addends.

Halimbawa, sa ikatlo at ikaapat ay parehong 17 ang sum o total, subalit magkaiba ang product, 60 at 72. Ang sagot sa ikatlo ay 12 at 5. 
12 + 5 = 17
12 x 5 = 60

Sa ikaapat naman ay 9 at 8.
9 + 8 = 17
9 x 8 = 72

Subalit sa ikaanim na tanong, ang product ay 56 at ang sum o total ay 13. Walang tamang sagot na lalapat sa product at sum. Integer dapat ang sagot o whole number, hindi fraction. Kaya hindi ko na hinanapan ng sagot na fraction.

Tiningnan ko ang factor ng 56. Ito ay 7 x 2 x 2 x 2.
7 x 8 = 56
4 x 14 = 56
2 x 28 = 56

Nag-manual solution ako. Dapat ang addends at factor ay 1 hanggang 16, at hindi na lalampas doon dahil 17 ang sum o total.
1 + 12 = 13; 1 x 12 = 12
2 + 11 = 13; 2 x 11 = 22
3 + 10 = 13; 3 x 10 = 30
4 + 9 = 13; 4 x 9 = 32
5 + 8 = 13; 5 x 8 = 40
6 + 7 = 13; 6 x 7 = 42
and vice versa.

Walang sagot, dahil hindi nga umabot sa 56 ang product. Kaya mukhang may mali sa tanong. Kaya iniwan kong blangko ang puzzle.

Marso 19, 2023, Linggo, tiningnan ko kung anong sagot. Aba'y mali nga ang given problem. Ang sagot: 8 at 7. Ang factor ng 56: 8 x 7 = 56. Tama! Subalit mali ang addends na 8 at 7, dahil 8 + 7 = 15 at hindi 13.

Kaya mali ang puzzle, na-puzzle ako kung anong tamang factor at addends, subalit mali pala ang tanong. Dapat ay 56 sa product at 15 sa sum o total. Sana'y ni-rebyu muna ng gumawa ng puzzle ang kanyang puzzle o may ibang magri-rebyu. Kumbaga sa assembly line, dapat may quality control bago ilabas ang produkto. Kumbaga sa diyaryo, dapat nasala rin ito ng editor.

Gayunman, nakakatuwa na nakita natin ang mali sa given puzzle, dahil hindi natin makita ang solusyon. Na kung may solusyon pala sa nasabing puzzle ay bakit hindi natin nakita gayong ginawa na natin ang factoring at iba pang mekanismo upang masolusyunan ang given problem.

MALING TANONG, KAYA WALANG TAMANG SAGOT

di ko naisip na may mali sa palaisipan
na pilit kong hinanapan ng tamang kasagutan
nalaman ko na lamang sa dyaryo kinabukasan
isa sa dalawang numero'y mali pala naman

ngalan ng palaisipang iyon ay Aritmetik
na pag sinagutan mo'y pawang numero ang salik
bukod sa Sudoku, sasagutan kong buong sabik
na sa isipan ay ehersisyo't pampatalisik

ang puzzle ay nasa apat na kahon, tatlong linya 
produkto ng dalawang integer, sagot sa una
factor at addend ang ikalawa't ikatlong kaha
kung saan sa ikaapat na kahon yaong suma

pinagsisikapang sagutin, sadyang nagsisikhay
masagutan lahat iyon ang masaya kong pakay
ngunit may mali sa palaisipang naibigay
na sa sagot kinabukasan nabatid na tunay

di ko nasagutan bagamat nagbakasakali
gayunman, maraming salamat, nakita ang mali
sa tanong, kumbaga sa pasahe'y kulang ang sukli
buti na lamang, ang pluma'y di nagkabakli-bakli

Biyernes, Marso 17, 2023

Pagsukat, pagsulat, pagmulat

PAGSUKAT, PAGSULAT, PAGMULAT

di ko sukat akalaing maisusulat
ang loob kong tingnan mo't nagkasugat-sugat
tingni ang langib, balantukan na ang pilat
subalit bakit ito yaong nadalumat

dahil sa paghahanap sa wastong kataga
habang talinghaga'y di agad maunawa
bubulwak ba kung saan ang tamang salita
kahit naritong tigib ng lumbay at luha

paano ba nila sinusukat ang lalim
ng talinghagang minsan ay di mo masimsim
tulad ng tanghaling tapat na nagdidilim
may banta ng unos, ulap ay nangingitim

patuloy kong tatanganan ang aking pluma
salita'y lulutuin sa tamang panlasa
sa anumang panahon, payapa o gera
ay maglilingkod pa rin sa uri't sa masa

- gregoriovbituinjr.
03.17.2023

Huwebes, Marso 16, 2023

Dahon ng sibuyas at kamatis

DAHON NG SIBUYAS AT KAMATIS

nagmura na ang isang tali ng sibuyas
kaya kamatis at dahon nito'y almusal
inulam ito sa kanin, di panghimagas
pampalakas, sa takbo'y di basta hihingal

ginayat kong malilit ang mga dahon
ng sibuyas, pati nag-iisang kamatis
bagamat nag-iisa lang sa bahay ngayon
nag-agahan ng masarap bago umalis

kaytagal ko nang iniwasan iyang karne
kaya madalas, ulam na'y isda at gulay
upang makapagpatuloy sa pagsisilbi
sa bayan, sa masa, kina nanay at tatay

payak na pamumuhay, puspusang pagbaka
di pansarili, layon ay pangkalahatan
iyan ang buhay ng makatang makamasa
nasa'y itayo ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
03.16.2023

Linggo, Marso 12, 2023

Para kanino nga ba ang pag-unlad?

PARA KANINO NGA BA ANG PAG-UNLAD?

"Hindi nga masama ang pag-unlad
Kung hindi nakakasira ng kalikasan"
- mula sa walang kamatayang awiting Masdan Mo Ang Kapaligiran ng bandang ASIN

patuloy ang kaunlaran ng ating kabihasnan
mga gusali't kondominyum ay nagtatayugan
mga bagong tulay na ginawa'y naghahabaan
habang pinapatag naman ang mga kabundukan

ginamit ang fossil fuel para raw sa pag-unlad
sangkaterbang coal plants pa ang itinayo't hinangad
kinalbong bundok at gubat ay talagang nalantad
habang buhay ng tao'y patuloy na sumasadsad

sinemento ang mga bakong lansangan sa lungsod
pati mga daan upang maging farm-to-market road
ang mga tiwangwang na lupa'y nilagyan ng bakod
bumundat ang kapitalistang nambarat sa sahod!

lumikha ng mga eroplano't barkong pandigma
nagpataasan ng ihi ang iba't ibang bansa
sinugod pa ng Rusya ang Ukraine, nakakabigla
sa isyung klima, Annex 1 countries ang nagpalala

di raw masama ang pag-unlad, lagi nilang sambit
kung di sisira sa kalikasan, dagdag ng awit
pag-unlad ba'y para kanino? tanong na malimit
para sa iilan? di kasama ang maliliit?

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

Sa lilim ng puno

SA LILIM NG PUNO

kaysarap magsulat sa lilim ng puno ng duhat
lalo't dinibdib ang kwento't paksang nadadalumat
tilad-tilarin ang usaping nakakapagmulat
natipong akda balang araw ay maisaaklat

nakakatula sa lilim ng puno ng kalumpit
napagninilay ang kalagayan ng mga paslit
nailalarawan ang buhay ng dukhang ginipit
ng mga imbi't tiwali na talagang kaylupit

may naaakda sa lilim ng puno ng apitong
bakasakaling may maibahagi sa pagsulong
ng bayan habang nasa gitna ng mga paglusong
upang mahuli ang alimangong pakitong-kitong

kaygandang kumatha sa lilim ng puno ng nara
kung bakit inaasam ang panlipunang hustisya
kung paano daw ba pagkakaisahin ang masa
upang matamo ang nasang tunay na demokrasya

nakakapagkwento sa lilim ng puno ng niyog
hinggil sa bayan-bayan at lalawigang kanugnog
paano ba ginagawa ang alak na lambanog
at anong pagkain ng diwa ang nakabubusog

kwentong kaligtasan sa lilim ng puno ng dita
nang dumaluyong ang Ondoy, buhay ay nangawala
iba'y nangunyapit sa dita't naligtas sa sigwa
kayraming lumuha ng buong bayan na'y binaha

naakda'y sanaysay sa lilim ng puno ng dapdap
kung paano ba kamtin ang asam nila't pangarap
kung paano ba isatitik ang mga hinagap
ano ang simuno't panaguri sa pangungusap

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

Ngiti

NGITI

kayganda ng umaga
animo'y sumisinta
may ngiti't anong saya
batid mong may pag-asa

sana'y ganyan palagi
nang makamit ang mithi
punong-puno ng ngiti
sa ating mga labi

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

* litrato mula sa pinta sa pader ng ZOTO DayCare Center sa Towerville, SFDM, Bulacan

Ina, anak, ama

INA, ANAK, AMA

noong bata pa'y akay ako nina ina't ama
upang maglakad-lakad at mamasyal sa Luneta
pinakain, pinaaral, at inaruga nila
sa ating paglaki, magulang ang gabay tuwina

ngayong matanda na sila'y ako namang aakay
hanggang huling sandali ng kanilang pamumuhay
anumang kailangan, basta mayroon, ibigay
tulad noong ako'y bata pa't sila ang patnubay

dahil inugit iyon ng tungkulin at pag-ibig
inalagaan kang mabuti't kinarga sa bisig
umunlad ang isip, narinig ang tinig mo't tindig
ang kinabukasan mo'y inihanda sa daigdig

inasikaso kang tunay mula ika'y isilang
hanggang lumaki ka na't magtapos sa pamantasan
nagtrabaho, sumahod, bukas ay pinag-ipunan
tatakbo ang panahon, sasapit ang katandaan

huwag kalimutan silang nag-aruga sa atin
anak man tayo ng bayan at di nila maangkin
pagpapakatao't kabutihan ang pairalin
ganyan ang siklo ng buhay kung pakakaisipin

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

* litrato mula sa google

Sabado, Marso 11, 2023

Tinik

TINIK

"Ang lumakad ng marahan, kung matinik ay mababaw. 
Ang lumakad ng matulin, kung matinik ay malalim."
~ salawikaing Pilipino

madalas, kapag tayo'y natinik
wala nang ingat, wala pang imik
nawala ang pagiging matinik
o maging listong kapara'y lintik

sa gubat ay dapat na mamalas
ang kasukalan mong nilalandas
mag-ingat ka sa tinik at ahas
baka may kasamang manghuhudas

tandaan mong doon sa masukal
na gubat, maglakad ng mabagal
at ingatan ding huwag mapigtal
ang tsinelas upang makatagal

dahan-dahan, matinik ang isda
baka bikig ang iyong mapala
may halamang matinik, madagta
tulad ng rosas sa minumutya

sakaling matinik ng malalim
yaong dugo'y agad na ampatin
katawan muna'y pagpahingahin
gamutin agad kung kakayanin

- gregoriovbituinjr.
03.11.2023

Hustisya sa namatay sa hazing


HUSTISYA SA NAMATAY SA HAZING

pagkamatay ng anak mo'y nakagagalit
lalo't mula sa kapatirang nagmalupit
sino silang buhay ng anak mo'y inilit
kapatid sa kapatiran yaong ginilit

di man sinasadya ay may dapat managot
pagkamatay ng anak mo'y nakapopoot
nang mabatid mo ito'y bigla kang nanlambot
anong sala niya't ganoon ang inabot

mababahaw pa ba ang pusong nagnanaknak
dahil sa sugat ng pagkawala ng anak
puso maging ng sampung ama ay nabiyak
ilan na bang sa fraternity napahamak

hanap na anak ay isa na palang bangkay
ginawa sa kanya'y di makataong tunay
mabuti'y may nakonsensya't di mapalagay
dahil naging saksi sa nasabing namatay

sa sakit, parang pinatay din yaong ama
ramdam ng buong pamilya ang pagdurusa
sa maagang pagkawala ng anak nila
nawa'y kamtin nila ang sigaw na: HUSTISYA!

- gregoriovbituinjr.
03.11.2023

Biyernes, Marso 10, 2023

Ang dagat ng karunungan

ANG DAGAT NG KARUNUNGAN

habang may buhay, patuloy ang pag-aaral
karanasan man, guro na itong kaytagal
sinisipat ang samutsaring naitanghal
sa kultural, pulitikal, ekonomikal
karunungang di basta-basta matatanggal

may natututunan, kahit tumanda tayo
nag-aaral, dumami man ang mga apo
anumang dunong na ipapasa sa iyo
ay tanggapin, di ipagdamot sa kapwa mo
lalo't ang itinuro'y pagpapakatao

minsan, magbuklat ng aklat, magbasa-basa
di lang upang matuto kundi ang sumaya
maganda mo nang pamana ang pagbabasa
sa mga anak, sa apo, at sa pamilya
dunong na di maagaw sa inyo ng iba

karunungang nais ay kaygandang mabingwit
galunggong man o alimasag na may sipit
maging pating mang saan-saan sumisingit
malalim man ang laot, katapat ay langit
ang nabingwit nating dunong ay mabibitbit

mabuting guro ang dagat ng karunungan
lalo't ito'y pa rin sa kinabukasan
ng susunod na salinlahi't kabataan
para rin sa ikabubuti ng lipunan
mahalaga, ito'y di para sa iilan

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

* litrato mula sa google

Sa pag-ugit ng kinabukasan

SA PAG-UGIT NG KINABUKASAN

mula sa pangangarap ng landas
ay inuugit natin ang bukas

kung nais kong maging manananggol
sa edukasyon ay gumugugol

kung nais ko namang maging doktor
pagsisikap ko ang siyang motor

kung nais kong medalya'y mabingwit
ay sadyang pagbubutihing pilit

kahit na nagtitimon ng bangka
anak man ako ng mangingisda

uugitin ang kinabukasan
tungong pinapangarap sa bayan

tutulungan ng mahal na nanay
at ni tatay na aking patnubay

ako ang uugit nitong buhay
at bukas ko hanggang magtagumpay

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Bunga

BUNGA

sadyang binabato ang punong namumunga
bakasakaling malaglag ito't makuha
upang may maipansalubong sa pamilya
lalo na't sila'y kakain ng sama-sama

binabato rin yaong mga mahuhusay
na sa bayan ay nakakatulong na tunay
pilit binabagsak, pababang tinatangay
subalit nagpapatuloy, di bumibigay

buti't namunga ang tinanim nang kaytagal
at nagbunga rin ang kanilang pagpapagal
ngunit pag nakita ito ng mga hangal
ay tiyak kukuhanin upang ikalakal

barya-barya ang bayad sa mga nagtanim,
naglinang, nagpalago, at nag-alaga rin
habang mura lamang sa kanilang bibilhin
ng nagnenegosyong isip ay tutubuin

iyan lang ba ang bunga ng pinagpaguran
ng mga magsasakang kaysisipag naman
nauto ng negosyanteng namumuhunan
sistema'y di makatao, bakit ba ganyan?

basta sa pera'y walang nagpapakatao
upang makapanlamang sa pagnenegosyo
dudurugin ng tuso ang karibal nito
nang sila'y manguna't makopo ang merkado

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Dahongpalay

DAHONGPALAY

"Saanmang gubat ay may ahas." ~ salawikaing Pilipino

"Kung ang isalubong sa iyong pagdating.
Ay masayang mukha’t may pakitang giliw,
Lalong pag-ingata’t kaaway na lihim,
Siyang isaisip na kakabakahin."
~ Taludtod 246 ng Florante at Laura

ngiti man yaong isalubong ni Konde Adolfo
kay Florante'y dapat siyang mag-ingat na totoo
silang magkaeskwela, na animo'y magkatoto
na kaeskwela rin ng magiting na si Menandro

may kasabihan ngang "saanmang gubat ay may ahas"
kaya dapat alisto sa tinatahak na landas
kahit sa magkatoto, minsan ay may naghuhudas
kaytagal mong kasama, ikaw pala'y idarahas

sa mga pananim gumagapang ang dahongpalay
di agad mapansin pagkat luntian din ang kulay
akala mo'y pananim ding naroroon sa uhay
nadama mong natuklaw ka pag ikaw na'y umaray

kung pinagpalit ka sa tatlumpung pirasong pilak
di siya katoto pagkat ikaw ay pinahamak
anong klaseng ninong iyan ng iyong mga anak
kung matagal na katoto'y sa likod nananaksak

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Kalikasan

KALIKASAN

huwag sirain ang kalikasan
huwag dumhan ang kapaligiran
nang bata pa't kabilin-bilinan
at tinuro pa sa paaralan

mauunawaan naman ito
dahil nasa sariling wika mo
ngunit kung wala sa puso't ulo
wala ring pakialam sa mundo

tapon na dito, tapon pa roon
basura dito, basura roon
sa ganito tao'y nagugumon
para bang sila'y mga patapon

mabuti pang maging magsasaka
na nag-aararo sa tuwina
upang may makakain ang masa
pag nag-ani ng palay at bunga

halina't damhin mo ang daigdig
ramdam mo rin ba ang kanyang pintig
sinumang manira't manligalig
sa kanya'y mausig at malupig

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Huwebes, Marso 9, 2023

Dahil di sumuko si misis

DAHIL DI SUMUKO SA MISIS

salamat kay misis sa lahat ng kanyang nagawa
kung wala siya'y wala sa aking mag-aaruga
noong ako'y nagkasakit, talagang putlang-putla
noong kaytindi ng covid at maraming nawala

dalawa kong pinsan at tiya'y namatay sa covid
sambuwan lang ang pagitan, luha'y muling nangilid
nang biyenan ko't hipag ay nawala rin sa covid
ngunit si misis, inasikaso ako sa silid

di siya sumuko sa kabila ng nangyayari
pati na pagkain namin, siya ang umintindi
samantalang ako'y may covid, parang walang silbi
nasa silid, walang labasan, doon nakapirmi

makalipas ang isang buwan, ako'y nagpahangin
di lumalayo, sa labas lang ng tahanan namin
habang si misis ang nag-aasikaso sa amin
pati na sa nagkasakit ding dalawang pamangkin

maraming salamat kay misis, di siya sumuko
at unti-unting lumakas, di kami iginupo
ng covid na yaong kayrami nang taong sinundo
salamat kay misis at buhay nami'y di naglaho

- gregoriovbituinjr.
03.09.2023