Biyernes, Pebrero 17, 2023

300

300

tila kami mandirigmang langgam
tatlong daang kawal laban sa dam
naglalakad na ang tanging asam
ay di matuloy ang Kaliwa Dam

buhay ang taya kaya tumutol
lupang ninuno'y pinagtatanggol
laban sa imbi, kuhila't ulol
na bulsa lang ay pinabubukol

kaya patuloy ang aming hiyaw
ang pagtutol sa dam ay kaylinaw
pag natuloy, parang may balaraw
sa likod ang tumarak, lumitaw

sa lakaran, malinaw ang pakay
na sadyang napakalaking bagay
ipagtanggol ang bukas at buhay
iyan ang aming adhikang lantay

- gregoriovbituinjr.
02.17.2023
* kinatha sa pinagpahingahang simbahan sa Brgy. Llavac, Real, Quezon, kasama ang makatang gala sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam

Lugaw, sambalilo, tsinelas at kapote


LUGAW, SAMBALILO, TSINELAS AT KAPOTE

madaling araw ay nagising at umihi
ang lamig ng semento'y tagos ng masidhi
banig lang ang pagitan, ako'y hinahati
sakaling magkasakit ay di ko mawari

ikaanim ng umaga'y nais magkape
bago magkanin ay naglugaw muna kami
mayroong tsinelas, sambalilo't kapote
binigay nang maprotektahan ang sarili

ehersisyo muna sa Barangay Tignoan
doon sa covered court na aming tinuluyan
kaylakas ng hangin, talagang kabundukan
nilabhan nga nami'y natuyo agad naman

di ko alintana gaano man kahaba
ang kilo-kilometrong lalakaring sadya
mula General Nakar patungong Maynila
para sa isyu, ang pagod ay balewala

- gregoriovbituinjr.
02.17.2023
* kinatha sa umaga ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, ikapito ng umaga ay nag-umpisang muli ang lakaran

Layon ko


LAYON KO

naglakad ako para sa panitikan
isa iyan sa layon ko sa lakaran
sariling kayod para sa panulaan
na larangang aking pinagsisikapan

naglakad ako para sa katutubo
nang buhay at bukas nila'y di maglaho
naglakad din para sa lupang ninuno
dahil kapwa Pilipino at kadugo

tanto kong di ako magaling bumigkas
ng mga taludtod sa anyong madulas
ngunit sa mukha ko'y inyong mababakas
kung paano bang sa pagtula'y matimyas

totoo namang ako'y nagboluntaryo
upang makasama sa lakarang ito 
pagkat dama kong katutubo rin ako
at kaisa ng Dumagat-Remontado

sumama sa Lakad Laban sa Laiban Dam
na ilang taon na ang nakararaan;
sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam
ngayon ay sumama sa kanilang laban

nawa'y magtagumpay ang aming adhika
na Kaliwa Dam ay matutulang sadya
pagkat sa Kaliwa Dam ang mapapala
ay pawang ligalig, kamatayan, sigwa

- gregoriovbituinjr.
02.17.2023
* kinatha ng madaling araw sa aming tinulugang covered court sa Brgy. Tignoan, Real, Quezon
* kasama ang makatang gala sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam

Huwebes, Pebrero 16, 2023

Sa Tignoan

SA TIGNOAN

basketball court muli ang aming tinuluyan
malamig na semento'y muling tinulugan
bagamat may banig din naman sa pagitan
ngunit lamig ay tagos sa buto't kalamnan

kanina, dinaanan ang Departamento
ng Kalikasan ngunit tila walang tao
silang nakausap hinggil sana sa isyu
kaya napaaga sa destinasyong ito

tanong sa sarili'y ilang basketball court pa
sa siyam na araw ang tutulugan pa ba?
ngunit ito ang natanggap sa dami nila
ito ang binigay, sakripisyo talaga

tila kami mga mandirigmang Spartan
lalo't bilang namin ay nasa tatlong daan
siyam na lang para sa two hundred ninety one
na ektaryang masisira sa kabundukan

kung matutuloy ang dambuhalang proyekto
Sierra Madre'y lulubog sa dam na plano
lupang ninuno't katutubo'y apektado
sa kakulangan ng tubig, sagot ba'y ito?

o proyekto bang ito para sa ilan lang?
na pawang elitista ang makikinabang?
habang niluluray naman ang kalikasan
ah, isyung ito'y akin nang nakatulugan

- gregoriovbituinjr.
02.16.2023
* dapithapon kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, kasama siya sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam

15 Km. sa umaga

15 KM. SA UMAGA

umaga pa'y nakalabinlimang kilometro na
alas-sais pa lang, naglakad na kami, kay-aga
madaling araw nang umulan, kami'y nagising na
kaya nang magbukangliwayway ay agad lumarga

ilang beses kaming inulan sa dinaraanan
kaya basang-basa kami pati kagamitan
mabibilis ang lakad, matutulin bawat hakbang
narating ang basketball court ng Barangay Tignoan

may ilaw man ngunit walang saksakan ng kuryente
di maka-charge ng selpon, gayunman, ayos lang kami
di lang makapagpadala kay misis ng mensahe
at sabihing kami't nasa kalagayang mabuti

maagang nagpahinga, maaga kaming dumating
alas-dose pa lang, banig ay inilatag na rin
habang nadarama ang kaytinding hampas ng hangin
anong ginaw ng dapithapon, maging takipsilim

- gregoriovbituinjr.
02.16.2023
- kinatha manapos makapanghalian sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, nilakad ay mula Km 129 hanggang Km114

Balikwas

BALIKWAS

alas-dos ng madaling araw ay napabalikwas
sa basketball court, ulan ay bumagsak ng malakas
at agad kaming nagsibangon upang makaiwas
sa ulan at karamdamang maaaring lumabas

mahirap magkasakit, mahaba pa ang lakarin
lalo't may tangan kaming adhikain at layunin
kaunting idlip lang, alas-tres na'y naligo na rin
di na nakatulog, naging abala sa sulatin

nang tumingala'y tila maulap ang kalangitan
gayong may sumilip na bituing nagkikislapan
na tila nagsasabing di matutuloy ang ulan
na magandang senyales sa mahaba pang lakaran

sana nga sa landasin, ulan ay di sumalubong
gayunman, kahit umulan ay di kami uurong

- gregoriovbituinjr.
02.16.2023
* kinatha madaling araw ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Miyerkules, Pebrero 15, 2023

Pagtatasa

PAGTATASA

munting pagtatasa matapos ang hapunan
gamit ang megaphone ay nagkatalakayan
may mga mungkahi't ilang problema naman
mabuti't nagsabi, nabigyang kalutasan

sinabi ang nadama, walang hinanakit
malinaw naman ang adhikain kung bakit
kaya pang lumakad, paa man ay sumakit
dahil may paninindigang dapat igiit

mabubuti naman ang mga payo't puna
ang huwag tumawid sa kabilang kalsada
sakali mang may matapilok, magpahinga
alas-dos ng madaling araw, maligo na

maghanda na ng alaxan at gamot ngayon
mahaba pa ang lakad bukas at maghapon
ihanda rin ang sumbrero pati na payong
na minungkahi sa mga nais tumulong

naroon kaming nagkakaisang tumindig
upang sa madla'y ipakitang kapitbisig
simpatya ng publiko sa isyu'y mahamig
doon kami binigyan ng tigisang banig

may mga tsinelas din daw na ibibigay
huwag ding lumabas sa lubid, nasa hanay
sa mga senyor na pagod, pwedeng sumakay
ikasiyam ng gabi'y natapos itong tunay

- gregoriovbituinjr.
02.15.2023
* kinatha sa gabi ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Sa biglaang pag-ulan

SA BIGLAANG PAG-ULAN

habang naglalakad ay biglang bumuhos ang ulan 
ngunit wala kaming kapote o payong man lamang
basang-basa ang buong martsa't walang masilungan
sa Barangay Kiloloron na kami inabutan

ang mahabang manggas na polo ng aking katabi
ay binalabal sa akin ng matandang babae
marahil, akala'y katribu't sama-sama kami
sa sakripisyo upang maparating ang mensahe

balabal ay binalik ko nang inabot sa akin
ang isang dahon ng saging na ipinayong namin
isang babae'y nagbigay ng plastic bag na itim
upang aking sukbit na bag ay agad kong balutin

upang di mabasa ng ulan, hanggang sa tumila
dalawang katutubong talagang kahanga-hanga
dalawang may magagandang puso, sadyang dakila
salamat po, di ko malilimot ang inyong gawa

- gregoriovbituinjr.
02.15.2023
* kinatha sa gabi ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Simula ng lakad

SIMULA NG LAKAD

mula Sulok sa General Nakar na'y nag-umpisa
ang aming paglalakad, ikapito ng umaga
mga lider-katutubo ang siyang nangunguna
sa simbahan ng Nakar, dumalo muna ng misa

nagpatuloy ang lakad hanggang bayan ng Infanta
sa isang basketball court kami'y nagsitigil muna
umupo at nakinig sa inihandang programa
maiinit na talumpati'y sadyang madarama

matapos iyon, nananghalian na't nagpahinga
bandang alas-dos ng hapon muli kaming lumarga
tangan ang adhikaing magtatagumpay ang masa
na proyektong Kaliwa Dam ay matigil talaga

- gregoriovbituinjr.
02.15.2023
* kinatha sa gabi ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Madaling Araw sa Sulok

MADALING ARAW SA SULOK

naalimpungatan / sa madaling araw
doon sa aplaya'y / sadyang anong ginaw
ang papayang buwan / pala'y nakalitaw
tunay siyang gabay / sa amin tumanglaw

tila baga isang / payapang lakaran
ang kakaharapin / kundi man labanan
upang ipagtanggol / yaong kalupaan 
para sa kanila / ring kinabukasan

dinig ang ragasa / ng alon sa dagat
habang may ilan nang / gising at nagmulat
ramdam ang amihan / o baka habagat
tila nagbabadyang / tayo ay mag-ingat

kay-agang natulog / bandang alas-nwebe
alas-tres na'y gising, / kami na'y nagkape

- gregoriovbituinjr
02.15.2023 3:07am
* kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa Sitio Sulok

Martes, Pebrero 14, 2023

Pagdatal sa Sulok

PAGDATAL SA SULOK

ikawalo ng gabi nakarating ng Infanta
at agad nagtraysikel sa Sitio Sulok nagpunta
upang doon ay magsimula bukas sa aplaya
kaylayo ng tinakbo at lubak pa ang kalsada

ang Legarda hanggang Infanta'y tatlong daang piso
sa bus, higit isandaan tatlumpung kilometro
Infanta hanggang Sulok, tantyang kilometro'y pito
tatlong daan din sa traysikel, kaymahal din nito

at doon kayraming tao na ang aking dinatnan
sa maraming kubo sa aplaya, naghuhuntahan
may kani-kanilang gamit, kasama sa lakaran
talagang handa na sa lakaran kinabukasan

sa isang mahabang bangko roon ako naidlip
mahangin, maginaw,, habang pag-asa'y halukipkip
matagumpay na lakaran ang sa puso'y lumakip
at ang kalikasan at lupang ninuno'y masagip

- gregoriovbituinjr.
02.14.2023

* kinatha habang nagpapahinga sa  isang bangko
* litratong kuha ng makatang gala habang naghahanda para sa Alay-Lakad 

Sa bus

SA BUS

nakasakay na ako ng bus patungong Infanta
eksaktong ikalawa ng hapon ay umandar na
naglalakbay ako sa panahong kaaya-aya
upang sa isang dakilang layon ay makiisa

mula Legarda, pamasahe'y tatlong daang piso
mabuti't sa bulsa'y may natatagong isang libo
pagbaba'y magta-traysikel, iyon kaya'y magkano
papuntang General Nakar na kaylayong totoo

mula roon ay siyam na araw naming lakaran
na tawag ay Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam.
upang iparating ang mensahe sa sambayanan
na ayaw nila sa Kaliwa Dam, dapat tutulan

dahil ang kalikasan ay mawawasak na sadya
dahil ang kanilang lupang ninuno'y masisira
baka kinabukasan ng katutubo'y mawala
pag proyekto'y natayo, tahanan nila'y mawala

- gregoriovbituinjr.
02.14.2023
* selfie bago sumakay ng bus patungong Infanta, Quezon, sa Legarda, Maynila

Paggayak para sa mahabang lakaran

PAGGAYAK PARA SA MAHABANG LAKARAN

O, kaytagal kong naghintay ng mahabang lakaran
at may magandang pagkakataong dapat alayan
ng prinsipyo upang ipaglaban ang karapatan
sasama sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam

matapos sumama mahigit nang isang dekada
sa Lakad Laban sa Laiban Dam muling nakiisa
upang lupang ninuno't katutubo'y madepensa
ngayon, sa isyung Kaliwa Dam naman ay sasama

sa paglalakad ay muling tutula't mag-uulat
mabatid ang kaibuturan at maisiwalat
noon, Lakad Laban sa Laiban Dam ay sinaaklat
ngayon, sa Kaliwa Dam ay muling gagawing sukat

ngayon ay naggagayak na sa mahabang lakaran
tsinelas, twalya, sipilyo, susuutin, kalamnan
makakain, inumin, kwaderno, bolpen, isipan
halina't sa paglalakad, kami'y inyong samahan

- gregoriovbituinjr.
02.14.2023
* ang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam ay magsisimula ng Pebrero 15-23, 2023 mula General Nakar sa Quezon Province hanggang sa Malakanyang
* ang litrato ay ang pabalat ng aklat na Lakad Laban sa Laiban Dam na nalathala noong 2009
* subaybayan ang facebook page na Earth Walker para sa ilang balita at tula habang naglalakbay

Sa anibersaryo ng kasal

SA ANIBERSARYO NG KASAL

ikaw ang sa puso'y sinisinta
sapagkat tangi kitang ligaya
nagkaniig, nagkaisa kita
sa hirap man laging magkasama

sa anibersaryo niring kasal
sa isip ko ngayon ay kumintal
na ating pag-ibig ay imortal
sa tuwa't dusa man ay tatagal

at ngayong Araw ng mga Puso
ay patuloy akong nanunuyo
ikaw lamang ang nirarahuyo
lalamunan man ay nanunuyo

anumang danas na kalagayan
dalawang pusong nag-unawaan
ay naging isa sa kalaunan
dahil sa matimyas na ibigan

- gregoriovbituinjr.
02.14.2023
* Pebrero 14, 2018 nang ikinasal kami sa kasalang bayan sa harap ng Mayor ng Tanay, Rizal, kung saan 59 na pares ang ikinasal.

Lunes, Pebrero 13, 2023

Pagpunta sa presscon

PAGPUNTA SA PRESSCON

paglalakad muli laban sa dam
ang paksa ng presscon at nagpasya
sasama ako't ipapaalam
ang isyu sa mayorya ng masa

naglakad na kasi ako noon
yaong Lakad Laban sa Laiban Dam
isang dekada higit na iyon
na pagtutol sa dam ang inasam

tagos sa puso ang unang binhi
at sa pangalawa'y sasama rin
pinakinggan ko ang mga sanhi
maraming bayang palulubugin

narinig ang mga katutubo
sa talumpati nila sa presscon
kalikasan at lupang ninuno
ay sisirain ng dam na iyon

kaya ako'y agad nang nagpasya
na sasama muli sa lakaran
ang marinig ko sila'y sapat na
upang samahan sila sa laban

- gregoriovbituinjr.
02.13.2023
* ang litrato'y kuha ng makatang gala sa nasabing presscon

Linggo, Pebrero 12, 2023

Dalawang Araw ng Puso


DALAWANG ARAW NG PUSO

Pebrero Katorse, Araw ng mga Puso
Setyembre Bente Nwebe, Araw din ng Puso
Una'y hinggil sa ating pagsinta't pagsuyo
Sunod, puso'y alagaan nang di maglaho

Una'y araw ng mga pusong nagniniig
Kung saan nadarama'y pintig ng pag-ibig
Sunod, pusong alaga'y di basta mayanig
Ng cardiac arrest kaya buhay pa'y lalawig

Di lamang pag-ibig kundi pangangatawan
Ang alalahanin nati't pangalagaan
Una'y batid bago pa magkaasawahan
Ikalwa'y pag nagsama na sa katandaan

Buhay pa rin tayo kapag puso'y nasawi
Sa atake sa puso'y dami nang nasawi

- gregoriovbituinjr.
02.12.2023

* February 14 is Valentine's Day
* September 29 is World Heart ❤️ Day
* litrato mula sa google

Sabado, Pebrero 11, 2023

Sipnayan

SIPNAYAN

dapat pa ring di maging bantulot
sa aritmetika pag sumagot
at bakasakaling may mahugot
na iskemang sa diwa sumulpot

may numerong nakatagong sukat
kaya di maisiwa-siwalat
ngunit kung atin lang madalumat
ay parang babasaging may lamat

naririnig ko ang bawat hikbi
ng mga numerong inaglahi
di batid sila ba'y ngumingiti
sa kabila ng nadamang hapdi

ngunit sila ba'y numero lamang
gayong sipnayan ay nililinang
ang bilang nila'y di na mabilang
kapara'y gumagapang na langgam

- gregoriovbituinjr.
02.11.2023
* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 11, 2023, pahina 7

Pagninilay

PAGNINILAY

kaytahimik ng kapaligiran
may punong walang kadahon-dahon
tila nasa malayong silangan
alapaap ay paalon-alon

buti't nababahaw na ang sugat
habang sa kawalan nakatingin
ninais ko nang maisiwalat
ang pangyayaring di pa mapansin

hanging sariwa ang dumadampi
sa pisngi ko't pangang naninigas
tila nawala ang damang hapdi
ng loob kong nais nang mag-aklas

tahimik ngunit di pa payapa
pagkat loob pa'y tigib ng luha

- gregoriovbituinjr.
02.11.2023

Pagkalos

PAGKALOS

di man dalumat ang pangungusap
pagkat klima't sigwa ang kaharap
madadalumat din ang pangarap
kung pag-uusapan nating ganap

bakit patuloy ang pagdurusa
sa ating lipunan ng mayorya
wala bang magawa sa burgesya
at sa mga mapagsamantala

halina't dapat tayong magbuklod
upang pagbabago'y itaguyod
mag-usap, huwag basta susugod
mag-isip kung paano sasakyod

sa sistemang bulok na lumumpo
sa ating karapatang pantao;
maghanda sa pagsuong sa bagyo
at kalusin na ang mga tuso

na nagpapakabundat ngang sadya
sa binarat na lakas-paggawa
na di binabayaran ng tama
bundat silang talagang kuhila

dapat nang tayo'y magkapitbisig
at panawagan ay isatinig
upang ang mga tuso'y mausig
upang mga kuhila'y malupig

- gregoriovbituinjr.
02.11.2023

Biyernes, Pebrero 10, 2023

Liwayway

LIWAYWAY

kaysarap makatunghay
ng nobela, sanaysay
kwento'y mabasang tunay
sa magasing Liwayway

pagkat nananariwa
ang aking pagkabata
nahalina sa tula
at ngayon kumakatha

buti't may babasahin
tulad nitong magasin
na binibigyang-pansin
ang pagkamalikhain

dati ay linggo-linggo
bente pesos ang presyo
kada buwan na ito
at isangdaang piso

kahit na nagmahalan
ay sinusuportahan
pagkat ito'y lagakan
ng ating panitikan

baya'y di nagsasalat
kapag may nag-iingat
ng panitikang mulat
sa haraya'y dalumat

- gregoriovbituinjr.
02.10.2023