Biyernes, Abril 15, 2022

Nilay

NILAY

nang minsang naglakbay sa kaparangan ng salita
yaring diwa'y nagkatiyap ang atas at adhika
tungo sa lipunang patas at makamanggagawa
di na kalunos-lunos ang kalagayan ng dukha

minsan nga'y di makahuma pag nawatas ang nilay
sa paglusong sa bahang basura'y natutugaygay
para bang nasa karagatan ng lumot ng lumbay
o kaya'y nililipad sa hangin ang diwang tunay

payak na pangarap upang umahon sa kahapon
habang mga ibon sa punong mangga humahapon
nilay mula bukangliwayway hanggang dapithapon
habang binabasa'y digmaan ng bayan at Hapon

patuloy kong pinaglalaban ang malayang bukas
nakikibaka para sa isang lipunang patas
iyon man sa buhay na ito'y matupad ng wagas
ay masaya na ako sa misyong sa akin atas

- gregoriovbituinjr.
04.15.2022

KaLeWa

KALEWA

isang lider-manggagawa, KA LEody de Guzman
at WAlden Bello, propesor, aktibistang palaban
mahuhusay na lider, pambato ng sambayanan
silang ating kasangga, ipanalo sa halalan

di makakanan, KaLeWa - Ka Leody at Walden
na bagong pulitika naman ang dala sa atin
di trapo, di elitista, sila'y kauri natin
sistemang pantay, lipunang patas ang adhikain

baguhin ang sistemang bulok ang kanilang misyon
makakanang sistemang diktador, tapusin ngayon
kamtin ang hustisyang panlipunan ang nilalayon
wawakasan din ang salot na kontraktwalisasyon

wawakasan pati neoliberal na sistema
kung saan patuloy na bundat ang kapitalista
habang pahirap ng pahirap ang buhay ng masa
misyon ng KaLeWa ay dapat matupad talaga

para sa uri, para sa bayan, para sa bansa
para sa magsasaka, manininda, manggagawa
para sa kababaihan, kabataan, at dukha
tara, ating ipanalo ang tandem na KaLeWa

- gregoriovbituinjr.
04.16.2022

Huwebes, Abril 14, 2022

Ka Walden

KA WALDEN

numero dos si Ka Walden Bello
para sa pagka-Bise Pangulo
propesor, magaling, matalino
aktibista, palabang totoo

ah, kailangan siya ng bayan
adhika'y baguhin ang lipunan
walang mahirap, walang mayaman
sebisyo'y panlahat, di sa ilan

librong isinulat na'y kayrami
isyung pandaigdig, may sinabi
iba't takot makipag-debate
sa kanya, katwira'y matitindi

sa mali'y matinding bumatikos
di basta sumasama sa agos
kilala rin siyang anti-Marcos
siya ang kasangga nating lubos

ating kandidato, si Ka Walden
sa kanya, ang karapatan natin
ay ipinaglalabang mariin
tara, siya'y ipanalo natin

- gregoriovbituinjr.
04.14.2022

Kalbaryo ng pagmamahal

KALBARYO NG PAGMAMAHAL

mahal na araw, mahal na kuryente, pagmamahal
ng pangunahing bilihin, talagang nagmamahal
tila ba bulsa't sikmura ng masa'y binubuntal
ng matinding dagok ng kapitalistang garapal

ah, patuloy ang kalbaryong ito ng maralita,
ng konsyumer, ng mababang sahod na manggagawa
pagmamahalang ito'y di maipagkakaila
sa bawat konsyumer ng kuryente'y kasumpa-sumpa

doon sa tapat ng Meralco'y kayraming lumahok
sa Kalbaryo ng mga Konsyumer, kaytinding dagok
na pasan-pasan na talagang nakapagpalugmok
sa buhay ng masang ang ginhawa'y di na maarok

O, Meralco, hanggang kailan mo pahihihirapan
sa mahal mong kuryente ang kawawang mamamayan
O, mamamayan, magkapitbisig tayo't labanan
ang ganitong kasakiman sa tubo ng iilan

- gregoriovbituinjr.
04.14.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa tapat ng tanggapan ng Meralco sa Ortigas, 04.13.2022

Di nagbabakasyon ang pagtula

DI NAGBABAKASYON ANG PAGTULA

di nagbabakasyon ang pagtula
ito ang aking munting panata
sa bayang irog, sa buong madla
patuloy lang akong kumakatha

kayraming paksang dapat isulat
mga isyung dapat pang masulat
ang makata'y di dapat malingat
sa layon niyang makapagmulat

basta sa pagkatha'y patuloy lang
kahit na minsan ay naglilibang
ibubulgar ang hunyango't hunghang
sinong tuso't trapong mapanlamang

tungong asam na lipunang patas
na bawat isa'y pumaparehas
sa pagninilay ko'y nakakatas
ang panlipunang hustisyang atas

di nagbabakasyon ang pagtula
patuloy lang ang nilay at katha
alay ko sa dukha't manggagawa
pagkat ito'y adhikang dakila

- gregoriovbituinjr.
04.14.2022

Miyerkules, Abril 13, 2022

Hibik sa Meralco

HIBIK SA MERALCO

aba'y kaytindi't mayroon na namang dagdag-singil
ang Meralco, aray ko po, ngayong buwan ng Abril
kada kilowatt-hour, higit limampung sentimo
kaya mamamayan talaga'y napapa-aray ko
di magkandaugaga, kaybaba naman ng sahod
kulang na lang yata'y magmakaawa't manikluhod
huwag kayong ganyan, dupang kayong kapitalista
bundat na kayo'y pinahihirapan pa ang masa
kandakuba na para may pambayad lang sa inyo
e, di naman tumataas ang sahod ng obrero
O, Meralco, babaan n'yo ang singil sa kuryente
parang masa'y lagi na lang ninyong sinasalbahe
O, mamamayan, galit nati'y ipakita naman
at ganyang bulok na sistema'y dapat nang palitan

- gregoriovbituinjr.
04.13.2022

* isyu batay sa balita sa Inquirer na may pamagat na:
Meralco rate hike in April biggest so far this year

Huwag magpabudol sa mandarambong

HUWAG MAGPABUDOL SA MANDARAMBONG

huwag hayaan sa kamay ng mandarambong
ang kinabukasan ng ating mga anak
pakatandaan natin kung nais isulong
ang magandang bukas ng ating mga anak

Budol-Budol Muli? aba'y maawa kayo
sa kakarampot na ayudang ibibigay
limang kilong bigas o limang daang piso
boto n'yo'y sa mandarambong pa iaalay

pera'y tanggapin ngunit iboto ang tama
para sa kaaya-ayang kinabukasan
huwag padala sa pangako ng kuhila
na paulit-ulit lamang tuwing halalan

ang pagboto sa trapo'y punong walang lilim
kahirapan ng bayan ay di nilulutas
pagboto sa mandarambong, kapara'y lagim
huwag magpabudol sa mga talipandas

tama na, sobra na ang mga trapong salot
huwag hayaan sa kamay ng mandarambong
ang bukas ng mga anak, nakakatakot
kung mabubudol muli ng mga ulupong

- gregoriovbituinjr.
04.13.2022

Martes, Abril 12, 2022

Sa Pulang Araw ng Paggawa

SA PULANG ARAW NG PAGGAWA

dalawang linggo pa ang Pulang Araw ng Paggawa
halina't papulahin itong araw na dakila
pula nating kamiseta ay atin nang ihanda
pulang araw na ito'y ipagdiwang nating sadya

ang Mayo Uno'y pulang araw na makasaysayan
kung saan manggagawa'y nagkaisang ipaglaban
ang paggawang otso-oras sa mga bayan-bayan
at pangarap na ito'y naipagwaging tuluyan

dati'y labing-anim na oras o katorse oras
dose oras na paggawa, na nakitang di patas
tulog lang ang pahinga, wala kasi noong batas
hinggil sa pagtatrabaho kung hanggang ilang oras

sa Haymarket Square, malaking rali sa Chicago
Mayo Uno nang simulan upang maipanalo
ang walong oras na paggawang nais ng obrero
hanggang hiling na otso-oras ay maipanalo

kaya pag Mayo Uno, manggagawa'y nakapula
dahil sa panalong dakila'y naging tradisyon na
sa Pulang Araw ng Paggawa, halina't magpula
kasaysayan itong dapat nating ipaalala

- gregoriovbituinjr.
04.12.2022

Lunes, Abril 11, 2022

Panayam hinggil sa pagsasalin

PANAYAM HINGGIL SA PAGSASALIN

Pito silang mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa kursong Hospitality Management na nag-aaral hinggil sa Tourism ang aking nakasalamuha kaninang umaga, Abril 11, 2022. Layunin nilang kapanayamin ako hinggil sa gawaing pagsasalin o pag-translate ng English tungo sa wikang Filipino. 

Nagkita kami sa harapan ng PLM sa ganap na ikasampu ng umaga, at naghanap ng lugar kung saan kami magkakausap. Nais nilang sa isang kainan upang may mga upuan, hanggang makita namin ang isang plasa na may mga upuan, sa Memorare - Manila 1945, sa loob pa rin ng Intramuros. Sabi ko'y kabisado ko ang Intramuros dahil sa lugar na iyon ako nag-high school.

Isang tula ni Robert Frost ang may tatlong magkakaibang salin ang kanilang ipinabasa sa akin upang magbigay ako ng komento. Ang tula ay The Road Not Taken. Pinakita ko naman sa kanila ang sarili kong salin ng The Road Not Taken, pati ang pagkasalin ko ng ilang tula ng mga makatang sina Shakespeare, Petrarch, Poe, Marx, Nick Joaquin, Pablo Neruda, at iba pa. Subalit mas tumutok ang talakayan hinggil sa tatlong magkakaibang salin ng tula ni Robert Frost.

Maganda ang naging talakayan. Marami silang tanong na sinagot ko naman. Pinuna ko rin ang ilang maling pagkakasalin ng tula, tulad ng "both" na sa isang salin ay "isa", hindi kapwa o pareho. Nagbigay rin ako ng ilang payo sa gawaing pagsasalin, tulad ng kung tula iyon, basahing maigi dahil minsan ay literal tayong nagsasalin, subalit dapat unawain natin na magkakaiba tayo ng lengguwahe, ang wikang Ingles at Filipino. Naitanong din nila kung paano natin matitiyak na tama ang salin ng Ingles mula sa wikang Italyano, tulad ng salin ng tula ng Italyanong makatang si Petrarch sa Ingles na isinalin ko sa wikang Filipino. Kumbaga, ako ang pangatlong salin, subalit hindi mula sa orihinal na wikang Italyano kundi mula na sa salin din sa Ingles.

Itinuro ko rin sa kanila ang tugma't sukat sa wikang Filipino, kaya ang pagkakasalin ko ng The Road Not Taken ay tiniyak kong labing-anim na pantig bawat taludtod. Iyon ang hindi raw nila napansin, ang tugma't sukat, dahil marahil hindi pa naman nila napag-aralan iyon. Natutunan ko nga lang iyon sa isang espesyal na kurso labas sa eskwelahan, sa poetry clinic ni Rio Alma, sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo). Kaya ibinahagi ko ang ilang kaalaman sa pagsusulat ng may tugma't sukat at pagsasalin na ginagamit din ang tugma't sukat.

Sa ganang akin naman, personal kong pagninilay, muling nabuhay ang interes ko sa pagsasalin, at ang mga nabinbin kong proyektong salin ay nais kong ipagpatuloy. At mismong ako'y nakita kong dapat kong rebyuhin ang aking mga isinalin, dahil may nakita rin akong tingin ko'y maling salin, tulad ng wood, na di lang kahoy, kundi kakahuyan o kagubatan, depende sa iyong pagkaunawa sa mismong taludtod, o sa tula. 

Nakita rin nila ang sticker ni Ka Leody de Guzman na nakakabit sa aking folder ng mga tula, kaya sinabi nilang kilala nila si Ka Leody, kaya binigyan ko sila ng sticker nina Ka Leody at Atty. Luke Espiritu. Kilala rin daw nila si Atty. Luke, kaya nagpakuha rin kami ng picture sa tarp ni Ka Leody habang tangan naman nila ang sticker na Atty. Luke Espiritu.

Bago kami umalis ay ibinigay ko sa kanila ang kopya ng salin ko ng Invictus ni Hensley, salin ko ng limang haiku ng Japanese poet na si Matsuo Basho, at iba pa. At naghiwa-hiwalay na kami sa tapat ng aking alma mater, habang patungo naman sila sa isa pang taong nais din nilang kapanayamin, na nasa Sampaloc, Maynila.

Taospusong pasasalamat kina Aivee Jen, Elijah Christopher, Rea Jean, Camille, Sarah, Matthew James, at JM. Nawa'y makapasa kayo sa inyong kurso, maka-graduate with honors at maging ganap na manggagawa sa turismo. Dahil dito ay naigawa ko sila ng munting tula.

PASASALAMAT

sa inyo ako'y taospusong nagpapasalamat
kayong mga estudyante'y nakadaupangpalad
dahil napili ninyong imbitahan akong sukat
upang aral sa pagsasalin, aking mailahad

ang talakayan natin ay malusog at maganda
bagamat halos isang oras lang iyon kanina
kaysarap ng pagtatalakay sa inyo talaga
tila ako'y talagang guro, at guro ng masa

kayo'y inspirasyon upang ituloy ang gawain
ng pagsasalin ng pampanitikang babasahin
nawa nakapagbigay ako ng payo't gabay din
upang makapasa kayo sa kurso n'yo't aralin

at muli, ako'y nagpapasalamat ngang totoo
kung may tanong sa pagsalin o tula, handa ako
sinumang estudyante ang makatalakayan ko
ay buong puso kong sasagutin ang mga ito

- gregoriovbituinjr.
04.11.2022

Pagkilos

PAGKILOS

ako'y narito lang, / hinahamong muli
ng ilang pulutong / sa pagmamadali
paano na lamang / kapag hati-hati
mas maigi sana / yaong bati-bati

sinisilip namin / ang mga katwiran
bakit mga trapo / ay dapat labanan
upang di manalo / ang mga kawatan
dahil sa kanila'y / kawawa ang bayan

ninanais namin / at inaadhika
na maipagwagi'y / lider-manggagawa
kailan pa kaya / kundi ngayon na nga
tuloy ang pagkilos / naming maglulupa

ako'y narito mang / katawan ay pagod
mga kalamnan ma'y / laging hinahagod
ang bawat gawain / ay sadyang may lugod
aming kinakaya / kaya sumusugod

- gregoriovbituinjr.
04.11.2022

Bawat hakbang

BAWAT HAKBANG

ayokong magtampisaw sa taginting ng salapi
kundi gamitin iyon upang makamtan ang mithi
gawin ang marapat upang baha'y di abot-binti
sa mga ginto't lipanang tukso'y kayang humindi

gagawin ito dahil sa niyakap na prinsipyo
na karapatang pantao'y dapat nirerespeto
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
ugat ng kahirapan ay pag-aaring pribado

kaginhawaan ng lahat, di lamang ng sarili
iyan ang prinsipyong yakap na talagang matindi
makasaysayang pag-irog sa bayan ay may ganti
tungo sa payapang buhay, sa mayorya'y may silbi

aanhin ang kayamanang di madadalang pilit
sa hukay upang suhulan si San Pedro sa langit
bawat hakbang ko'y prinsipyong pangmasang ginigiit
ang hustisya't karapatan sa bayang ginigipit

magtampisaw ka na sa matatamong kalayaan
mula sa masamang budhi't layaw lang ng katawan
bulok na sistema'y winawasak upang palitan
upang lipunang makatao ang matayo naman

- gregoriovbituinjr.
04.11.2022

Linggo, Abril 10, 2022

Atty. Luke para Senador

ATTY. LUKE PARA SENADOR

kasangga ng dukha't obrero
si Attorney Luke Espiritu
palaban man ay makatao
ilagay natin sa Senado

abogado ng manggagawa
at kakampi ng maralita
lider-obrerong may adhika
para sa bayan at sa madla

makatarungan ang mithiin
para sa manggagawa natin
manpower agencies, buwagin
sapagkat linta lang sa atin

anong buti ng nilalayon
upang obrero'y makabangon
salot na kontraktwalisasyon
ay tuluyang wakasan ngayon

ang manggagawa'y nagtitiis
sa lintang manpower agencies
nanipsip ng kanilang pawis
na dapat talagang maalis

kaya pag siya ay nanalo
katapusan ng lintang ito
iboto, Ka Luke Espiritu
ilagay natin sa Senado

- gregoriovbituinjr.
04.10.2022

Ako'y simpleng tibak

AKO'Y SIMPLENG TIBAK

ako'y simpleng tibak na patuloy na lumalaban
upang kamtin ng bayan ang hustisyang panlipunan
at kumikilos para sa pantaong karapatan
upang respetuhin ang dignidad ng mamamayan

ako'y simpleng tibak na gumagampan ng tungkulin
upang asam na makataong lipunan ay kamtin
upang manggagawa bilang uri'y pagkaisahin
upang sa bulok na sistema, bayan ay sagipin

ako'y simpleng tibak na asam ay lipunang patas
kung saan walang inhustisya't gawaing marahas
kung saan ang pamamalakad sa tao'y parehas
kung saan di umiiral ang trapo't balasubas

ako'y simpleng tibak na may prinsipyong dala-dala
para sa uring manggagawa, sa bayan, sa masa
mithi'y makataong sistema kaya nakibaka
tara, ako'y samahan kung saan ako pupunta

- gregoriovbituinjr.
04.10.2022

Ang pangatlo kong radyo

ANG PANGATLO KONG RADYO

bumili akong muli, pangatlong radyo na ito
nasira na kasi ang naunang dalawang radyo
una'y sa kasal sa huwes, regalo ng tatay ko
sunod na radyo'y binili nang magpandemya rito

parang pag bumili ng radyo'y ikalawang taon
radyong nagbibigay-kasiyahan sa akin ngayon
nakaka-relax ng isip, nagiging mahinahon
ramdam ko'y ginhawa, puso't diwa'y nakakabangon

mula sa bahay, radyo'y dinala sa opisina
upang doon mapakinggan ang ulat at musika
habang nagninilay ng isyu't usaping pangmasa
habang kumakatha ng tulang asam ay hustisya

salamat sa radyong nakaliliwanag ng isip
musika'y hinehele akong tila nanaginip
sa instrumental na tugtog, kayraming nalilirip
tila sa matarik na bangin ako'y sinasagip

- gregoriovbituinjr.
04.10.2022

Sinong iboboto mo?

SINONG IBOBOTO MO?

sinong iBoBoto Mo? ang tanong nila sa akin
syempre, 'yung di mandarambong o sa bayan, may krimen
di mula sa pamilya ng pahirap na rehimen
syempre, 'yung magaling, at sa masa'y may pusong angkin

syempre, pulang manggagawa, di pulang magnanakaw
syempre, 'yung kasangga ng magsasaka araw-araw
ng mga manggagawang talagang kayod-kalabaw
ng mga dukhang sa dusa't hirap na'y sumisigaw

syempre, 'yung karapatang pantao'y nirerespeto
at hustisyang panlipunan ay kakamting totoo
syempre, 'yung di mayabang, palamura, barumbado
at di rin mandarambong, hunyango, gahaman, trapo

kailangan natin ng pangulong di pumapatay
ng inosenteng tao't kabataang walang malay
pangulong matino, pamamalakad ay mahusay
kapakanan ng masa ang sa kanya'y unang tunay

may pambihirang pagkakataon sa kasaysayan
na di trapo yaong tumatakbo sa panguluhan
kundi lider-manggagawa, Ka Leody de Guzman
ngayon na ang tamang panahon, Manggagawa Naman!

- gregoriovbituinjr.
04.10.2022

Sabado, Abril 9, 2022

Manpower agencies ay mga parasite

MANPOWER AGENCIES AY MGA PARASITE

kay Ka Luke Espiritu, priority legislation
pag nanalong Senador sa halalang ito ngayon
buwagin lahat ng manpower agencies na iyon
extra layer lang itong walang silbi sa produksyon

tinawag niyang mga parasayt ito o linta
pagkat kontraktwal ay mananatiling kontraktwal nga
sa ahensya kunwa ang trabaho ng manggagawa
di sa kumpanyang kaytagal pinagsilbihang sadya

parasayt o linta ang mga manpower agencies
na nabubuhay lang sa pagsagpang sa ibang pawis
ang trilateral work arrangement ay iskemang daplis
na sa kontraktwalisasyon, obrero'y nagtitiis

mga manpower agencies ay bakit nga ba linta?
dahil nagkukunwaring employer ng manggagawa
pag nagtanggal, sasabihin ng kumpanyang kuhila
di nila trabahador ang nasabing manggagawa

sinagkaan ang employer-employee relationship
nang dugo't pawis ng obrero'y kanilang masipsip
manpower agencies ay lintang walang kahulilip
sa salot na ito, manggagawa'y dapat masagip

manpower agencies ay walang ambag sa produksyon
kundi manipsip ng dugo ng paggawa ang layon
ang pagbuwag sa manpower agencies ang solusyon
upang wakasan ang salot na kontraktwalisasyon

kung manalo sa Senado si Ka Luke Espiritu
isusulong niya ang Security of Tenure Law
mga manggagawa'y maging regular sa trabaho
may disenteng sahod, karapatang demokratiko

- gregoriovbituinjr.
04.09.2022

* panoorin ang sinabi ni Ka Luke Espiritu kaharap ang iba pang senatoriables sa

Mahal na tubig

MAHAL NA TUBIG

nagmamahal na ang tubig ngayon
dahil na rin sa pribatisasyon
anong ating dapat maging aksyon
upang taas ng presyo'y may tugon

nais ng ating mga pambato
sa halalan kung sila'y manalo
tanggalin sa kamay ng pribado
iyang serbisyong para sa tao

pamurahin ang presyo ng tubig
upang masa'y di naman mabikig
sa presyong sa madla'y mapanglupig
kita ng kapitalista'y liglig

kitang siksik, liglig, umaapaw
masa'y tinarakan ng balaraw
kaymahal ng tubig araw-araw
mga negosyante'y tubong lugaw

tapusin na iyang kamahalan
at paglingkuran naman ang bayan
iboto, Ka Leody de Guzman
bilang Pangulo, ating sandigan

buong line-up nila'y ipagwagi
ipanalo sila'y ating mithi
upang sistemang bulok ay hindi
na mamayagpag o manatili

- gregoriovbituinjr.
04.09.2022

Biyernes, Abril 8, 2022

Kuryenteng mahal

KURYENTENG MAHAL

presyo ng kuryente sa bansa'y talagang kaytaas
sa Asya, pangalawa'y Japan, una'y Pilipinas
paano ba natin ito agarang malulutas
yumayaman lang ang kapitalistang balasubas

masa'y kawawa sa mahal na presyo ng kuryente
anong ginawa ng gobyernong parang walang silbi
di ba nila ramdam? ang bayan na'y sinasalbahe
negosyante ng kuryente pa ang kinukunsinti

kumikita ba ang gobyerno sa kuryenteng mahal
kaya walang magawa, masa man ay umatungal
labis-labis na ang kamahalang nakasasakal
para bang dibdib ng masa'y tinarakan ng punyal

tama na, sobra na, presyo ng kuryente'y ibaba
upang di masyadong mabigatan ang maralita
kung magpapatuloy ang ganito, kawawang bansa
pagkat ang gobyerno palang ito'y walang magawa

dapat na magsilbi kang tunay, O, pamahalaan
pamurahin ang kuryenteng gamit ng sambayanan
kaming mga konsyumer dapat ninyong protektahan
price control sa kuryente'y inyong ipatupad naman

- gregoriovbituinjr.
04.08.2022
* binasa't binigkas ng makatang gala sa pagkilos sa harap ng tanggapan ng ERC (Energy Regulatory Commission)

Pluma bira

PLUMA BIRA

ang sabi ko, walang sisinuhin ang aking pluma
kung sakaling matamaan ka, hingi ko'y pasensya
dapat ko lang kasing ilabas ang nasa konsensya
baka tiyan ko'y kumulo sa kawalang hustisya

walang diyaryo ang sa sulatin ko'y maglathala
sa midya sosyal lang naibabahagi ang katha
subalit sinisikap birahin ang mali't sala
nagmamasid sa paligid, naghahanap ng paksa

kaya pag may nakitang mali'y aking susuriin
anong puno't dulo'y aralin bago batikusin
pag may nakitang mali, magsisimulang kathain
ang tula ng batikos, akin silang bibirahin

sinumpaang tungkulin ng manunulang tulad ko
pasaknong at pataludtod ay bibirang totoo
upang panlipunang hustisya'y makamit ng tao
pasensya na pag sa bira ko'y natamaan kayo

kung sa akin sana'y may maglathalang pahayagan
araw-gabi'y sisipagan ko ang pagkathang iyan
nang maiparating sa madla't kinauukulan
ang nangyayaring katiwalian at kabulukan

- gregoriovbituinjr.
04.08.2022

Munting radyo

MUNTING RADYO

aking binili'y munting radyo, munting kasiyahan
nang mga balita't musika'y aking mapakinggan
mga ulat sa nangyayari sa kapaligiran
isyung panlipunan, klima, daigdig, talakayan

iniuwi sa bahay na lugod ang nadarama
di muna ako nag-A.M., hanap muna'y musika
magi-A.M. lang para sa balita sa umaga
gabi, pinihit ang F.M., pulos awitan muna

maya-maya lang, musika'y natapos, pulos kwento
talakayan ng anchor, ang masa'y iniinterbyu
hanggang dumating si misis na galing sa trabaho
nainis, ayaw marinig ang pinakikinggan ko

aba'y ang sakit naman ng agad niyang reaksyon
bago kong radyo't pinakikinggan ay ayaw niyon
radyo'y pinatay, nasok sa silid, natulog doon
at ngayong madaling araw lamang ako bumangon

nagpasya ako, dadalhin ko na sa opisina
ang munti kong radyong sa puso'y nagbibigay-saya
kung iuwi ko man sa bahay ay kung wala siya
kung sa bahay ang trabaho sa kompyuter tuwina

munti kong karanasan iyan sa radyong nabili
na sa munting kasiyahan lang naman ay mawili
pag si misis ay umuwi na, saka itatabi
itatago sa bag kong may ngiti sa guniguni

- gregoriovbituinjr.
04.08.2022