Miyerkules, Marso 24, 2021

Utang

UTANG

huwag mong gawing makasanayan ko ang pag-utang
dahil sa kapritso mong maraming ari-arian
dahil sa bisyo mong bili nito at bili niyan
dahil sa iyong nasang umalpas sa kahirapan

ayos lang kung nais mong sa buhay ay guminhawa
kung ito'y wastong proseso't pagsisikap na sadya
ngunit kung pulos sa utang naman ito nagmula
upang makapagpasikat, anong ating napala?

iyan ba ang buhay? iyan ba ang dapat na buhay?
trabaho ng trabaho dahil dapat makabayad
sa mga pinagkakautangan hanggang mamatay?
ganitong buhay bang pulos utang ang ating hangad?

pinagkakasya ko lamang kung anong naririto
pinagkakasya ko lamang kung anong meron ako
pinagkakasya lamang kung anong mayroon tayo
kaysa mangutang na di naman mabayaran ito

ayokong mabuhay upang magbayad lang ng utang
kaya nga di ko na inugali ang pangungutang
nais ko'y buhay na makabuluhan, di masayang
kaya huwag mo na akong asahang mangungutang

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Martes, Marso 23, 2021

Soneto sa lockdown

Soneto sa lockdown

Lockdown na naman, at tahimik ang mga lansangan
Ah, sana ganito'y hindi na panahon ng tokhang
Kundi panahon ng pagninilay sa kaligtasan
Dumungaw man sa bintana'y walang nag-iiyakan
Alam ko, sapagkat wala nang pinaglalamayan
Walang lalabas kahit anong init sa tahanan
Nawa'y hulihin lang ang lalabag, walang pagpaslang

Nais kong itulog na lang bawat alalahanin
At managinip habang di pa maarok ang lalim
Ng laot nitong samutsaring pangamba't panindim
Alagatain ang mutya habang narito't gising
Mutyang diwatang naninilay sa gabing madilim
Ah, may curfew na, dapat na ring maging matiisin
Ngunit nais kong lumabas, bibili ng pagkain.

- gregoriovbituinjr.

Tulad ko'y bihirang magtaksi

Tulad ko'y bihirang magtaksi

aba, mga tulad ko kasi'y hindi nagtataksi
sabihin mo nang ako'y di sosyal, dukha, o pobre
mabuti pang mag-dyip, mag-bus, o kaya'y mag-L.R.T.
o kung may araw pa'y maglakad lang sa tabi-tabi

kaymahal ng taksi, pag-upo pa lang ay singkwenta
tumaas na ng sampung piso ang dating kwarenta
sa dyip, ang minimum na pasahe'y nasa nwebe pa
sa bus ay onse, mura sa transportasyong pangmasa

karaniwan, naglalakad lang ako't ehersisyo
lalo't malapit lang, nasa apat na kilometro
lalo't kayhaba ng pila sa L.R.T., ay naku
sa nadaanan nga'y nakakakuha ng litrato

buti pang maglakad o maipit ng trapik sa dyip
ang dama ko'y mas ligtas, lumilipad man ang isip
at nagsusulat sa diwa ng kathang halukipkip
mag-ingat lamang sa pagtawid upang di mahagip

- gregbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Lunes, Marso 22, 2021

Pahabol sa World Poetry Day 2021: Ang makatang Andres Bonifacio

Pahabol sa World Poetry Day 2021: 
Ang makatang Andres Bonifacio

sa Supremo't Makata, ako'y nagpapasalamat
sapagkat siya'y may angking galing din sa pagsulat
tula'y lalabingdalawahing pantig, tugma't sukat
isang tula sa Kastila, isang salin, at apat

salin ng Huling Paalam ni Rizal, Katapusang 
Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya, at ang
Mi Abanico sa Espanyol, pati ang Tapunan 
ng Lingap, Ang mga Cazadores, na kainaman

sa Supremo, at kaytalim ng pananalinghaga
nariyan din ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa 
bayani, makata, manunulat, at manggagawa
pinaglaban ang kalayaan, tunay na dakila

pakasuriin natin ang kanyang mga sanaysay:
Mararahas na Mga Anak ng Bayan, Mabuhay!
Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog, magnilay
ang mga gintong aral niya'y tunay na may saysay!

mabuhay ka, O, Supremo, Gat Andres Bonifacio
sa iba't ibang sanaysay at tulang pamana mo
kami'y nagpupugay sa ambag mo sa bayang ito
sa World Poetry Day, tulang ito'y alay sa iyo

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Tutuban, sa Divisoria, Maynila

Linggo, Marso 21, 2021

Panambitan sa World Poetry Day

PANAMBITAN SA WORLD POETRY DAY

ngayong World Poetry Day, Marso Dalawampu't Isa
taos-pusong pasasalamat sa obrero't masa
salamat sapagkat wala ako kung wala sila
salamat sapagkat walang tula kung wala sila

panlipunang hustisya ang karaniwan kong paksa
pang-aapi't pagsasamantala sa mga dukha
pakikibaka ng kapitbisig na manggagawa
isyu nila't problema ang aking itinutula

sapagkat ako'y makatang wala sa toreng garing
wala sa palasyo ng hari't burgesyang balimbing
ako'y nasa digma't sa pagtula'y di nahihimbing
na kung pumanaw, tula'y di kasamang malilibing

sa bawat tulang nalathala'y dukha ang katuwang
nakaapák at sa tulay na kahoy naninimbang
kasama roon sa pagdidilig ng lupang tigang
pagtatamnan nang may mapitas kahit manibalang

salamat sa tula't nabubuhay ng may pangarap
kasama ng maralitang kaagapay sa hirap
salamat sa kapwa makata sa inyong pagtanggap
lalo't kayrami n'yong kathang tunay na mapaglingap

kaya ngayong World Poetry Day, Marso Bente Uno
katuwang ang karaniwang masa, dukha't obrero
naririyan man ang balitaktakan at diskurso
panata'y magpatuloy sa pagtulang may prinsipyo

- gregoriovbituinjr.03.21.2121

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad sa UP Diliman

Sabado, Marso 20, 2021

Tula laban sa rasismo

Tula laban sa rasismo

tumitindi ang pananakit sa mga Asyano
at inaatake sila sa ngalan ng rasismo
mga "hate crimes" nga raw ang mga nangyayaring ito
tinuring ba silang virus ng mga tarantado?

anang ulat, naganap sa panahon ng pandemya
ang napakaraming kaso nitong di masawata
bakit galit sa ibang kulay, ibang lahi sila
para lang ba sa puti iyang bansang Amerika

sa akdang Liwanag at Dilim, Jacinto'y nagsulat
ng ganito, "Iisa ang pagkatao ng lahat!"
anong ganda nito, talagang nakapagmumulat
ginintuang diwang ito sa kapwa'y ipakalat

rasismo'y laos na't sa pagpapakatao'y labag
rasismo'y mala-Hitler na dapat lamang matibag
tanging sa pagpapakatao natin masisinag
na kapwa'y kapatid, diwa't puso'y mapapanatag

- gregoriovbituinjr.

* mga litrato mula sa google

Anong lupit, rasismo'y walang pagpapakatao

Anong lupit, rasismo'y walang pagpapakatao

anong lupit, rasismo'y walang pagpapakatao
babanatan ka na dahil iba lang ang kulay mo
anong bangis ng gumawa't nagtataguyod nito
mas superyor ba sila kaysa migranteng narito

tila rasismo'y kadenang nakatali sa leeg
na di nila makalag, sa utak nila'y lumupig
sa kanilang sala, nawa budhi'y umusig
laban sa rasismong ito, tayo'y magkapitbisig

kasumpa-sumpa ang rasismong wala sa katwiran
na wala nang paggalang sa pantaong karapatan
rasismong ala-Hitler ay di nila matakasan
imbes ituring na kapatid, ang kapwa'y kalaban

nawa rasismo'y tabunan ng pakikipagkapwa
rasismo sana'y mawala't magmahalan ang kapwa

- gregoriovbituinjr.

* mga litrato mula sa google

Biyernes, Marso 19, 2021

Sa ika-31 taon ng Kamayan Forum

Inihanda at ibinidyo ng inyong lingkod para sa zoom meeting ng Kamayan Forum,  sa hapon ng Marso 19, 2021. Naka-upload ang video sa facebook.

Magandang hapon po sa ating lahat, ako po'y magbabasa ng tula para sa ika-31 taon ng Kamayan Forum na nagsimula noong March 1990.

Sa ika-31 taon ng Kamayan Forum

maalab na pagbati ang aking pinaaabot
sa Kamayan Forum sa kabutihang idinulot
sa kalikasan kaya marami ngayong naabot
at tumugon sa mga isyu't ngayon nakisangkot

ikalimang taon nito'y akin nang dinaluhan
na ang grupong CLEAR ang una nitong pangasiwaan
nakilala ko ang pangulo nitong si Vic Milan
ang bise'y si Butch Nava na nakita ko lang minsan

sekretaryo heneral ay si Ed Aurelio Reyes
o Sir Ding para sa marami, nakikipagtagis
ng talino sa sinumang ang opinyon ay labis;
siya'y magalang, sa talakayan man ay mabangis

wala na silang nagsimula nitong talakayan
dahil sa gintong adhika'y nagpatuloy pa naman
tatlong dekada'y nagdaan, forum pa ri'y nariyan
lalo na't ang Green Convergence ang bagong pamunuan

maraming samahang nabuo sa Kamayan Forum
tulad ng SALIKA na naririyan pa rin ngayon
salamat si Triple V, dumadalo'y di nagutom
Triple V na nag-isponsor ng mahabang panahon

sa bumubuo po ng Kamayan Forum, Mabuhay!
sa inyong lahat, taas noo kaming nagpupugay
sa inyong sa kalikasan ay nagsisilbing tunay
nawa'y magpatuloy pa tayong magkaugnay-ugnay

- gregoriovbituinjr.
03.19.21

Huwebes, Marso 18, 2021

Dapat, Lapat, Sapat, Tapat

DAPAT, LAPAT, SAPAT, TAPAT

DAPAT magsama-sama sa bawat pakikibaka
DAPAT kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
DAPAT sa pag-unlad ng bansa, lahat ay kasama
DAPAT walang maiiwan, kahit dukha pa sila

LAPAT sa mamamayan ang bawat nilang solusyon
LAPAT sa lupa ang bawat plano nila't kongklusyon
LAPAT sa masa bawat presyo ng bilihin ngayon
LAPAT sa katwiran ang bayan upang makabangon

SAPAT na pagkain sa hapag-kainan ng dukha
SAPAT na sahod at di kontraktwal ang manggagawa
SAPAT na proteksyon sa kababaihan at bata
SAPAT na pagkilala sa karapatan ng madla

TAPAT na pamumuno't batas di binabaluktot
TAPAT na paglilingkod, namumuno'y di kurakot
TAPAT na pangangasiwa, masa'y di tinatakot
TAPAT na pagsisilbi, lider ng bansa'y di buktot

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad sa Pasig

Ang babala sa istiker ng dyip

Ang babala sa istiker ng dyip

sarkastikong istiker iyong talagang babala
sa mga kababaihan nitong namamasada
animo'y kaytindi ng libog sa kanyang konsensya
na di na iniisip ang magiging konsengkwensya

totoo ang pamagat, isa ngang babala yaon
pag babae'y di nag-ingat, baka siya'y ibaon
ng libag at libog ng kanilang mga ilusyon
mas matindi pa sa basta driver, sweet lover iyon

"Babala: sexy lang pwedeng sumakay" ang nasipat
di ito komedya, huwag ipagkibit-balikat
di ito patawa, ito'y banta, kaya mag-ingat
ito'y babala, kaya huwag kayong malilingat

sa pagsakay sa ganitong dyip, mag-ingat ang seksi
pag may nangyari sa kanya'y sinong magiging saksi

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa unahan ng dyip

Ibaba ang presyo ng bilihin

Ibaba ang presyo ng bilihin

kaytagal nang hiyaw: "Presyo ng Bilihin, Ibaba!"
ng mga kababaihan, di pa rin humuhupa
lehitimong kahilingan lalo ng mga dukha
sa mayayayamang nasa pamahalaang kuhila

"Sahod Itaas! Presyo Ibaba!" naman ang sigaw
ng mga manggagawa, kahilingan ngang kaylinaw
wasto ang panawagan lalo na't kayod kalabaw
pinagkakasya ang sweldong karampot kada araw

halina't suriin at pag-aralan ang lipunan
bakit laksa'y naghihirap, mayaman ay iilan
bakit presyo nitong bilihin ay nagtataasan
bakit may tiwali't kurakot sa kaban ng bayan

masyado nang api ang masa sa kapitalismo
ganitong sistemang bulok ay dapat nang mabago

- gregoriovbituinjr.

- litratong kuha ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Miyerkules, Marso 17, 2021

Dahil lang ayaw makisangkot

Dahil lang ayaw makisangkot

1
dahil lamang ayaw makisangkot ng iba
sa mga panlipunang isyu at problema
kaya magdasal na lang ang alibi nila
magdasal ang sagot sa problema't trahedya

bahala na si lord, magdasal ka na lamang
kaysa makisangkot sa isyung panlipunan
kapwa'y bahalang gumawa ng kalutasan
basta sila'y magdasal ng magdasal na lang

2
sabi ng pari sa mga lumad o katutubo
pumikit kayo't magdasal pag may dusa't siphayo
pagmulat nila'y wala na ang lupaing ninuno
ari na ng simbahang sa kanila'y nagpayuko

katutubo'y naitaboy sa kanilang lupain
dati nilang lupa'y pinatag at tinayuan din
ng gusali't simbahan ng mga dayong nag-angkin
saka nagnegosyo, nagsamantala't nang-alipin

manalangin ang sagot sa kanilang kaapihan
magdasal na lang kaysa karapata'y ipaglaban
ngayon, katutubo'y naitaboy sa kabundukan
dahil di nila kaya ang espada ng simbahan

magdasal lang at manahimik, buhay pa'y payapa
hustisya't karapatan man ay binabalewala
yumukod na lang sa mapagsamantalang kuhila
magdasal at tumunganga, dumaan man ang sigwa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Martes, Marso 16, 2021

Kwento ng isang utangero

Kwento ng isang utangero

ayokong buhay ko'y gugulin sa pagbabayad lang
ng noong kabataan ko'y kung anu-anong utang 
kaya pinanindigan ko nang huwag mangungutang
kung di tiyak na sa takdang oras ay mabayaran

dahil nakasalang sa utang ay mismong dignidad
at ang iyong salita kung di ka makapagbayad
tiyak na sa kahihiyan, sarili'y malalantad
higit pa sa katawang katanghalian binilad

talagang kayod kalabaw, trabaho ng trabaho
sa pagbabayad ng utang nakatuon ang ulo
pinapatay ang katawan mabayaran lang ito
di na madama ang esensya ng buhay sa mundo

limang taon, sampung taon, di pa bayad ang utang
pakiramdam niya, buhay niya'y palutang-lutang
nabubuhay lang siya sa pagbabayad ng utang
pulos pagtitipid hanggang bumigay ang katawan

sino na ngayong magbabayad ng kanyang inutang?
ang kanyang asawa't anak bang walang kinalaman?
paano sila kung kunin siya ni Kamatayan?
ang ganitong trahedya'y paano maiiwasan?

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Sa likod ng bawat ilusyon ay katotohanan

Sa likod ng bawat ilusyon ay katotohanan

sa likod ng bawat ilusyon ay katotohanan
lalo't may tagapagligtas ang tingin sa halalan
lalo't may idolong ang tingin nila'y kasagutan
sa mga hinaing ng masa, dusa't kahirapan

may katotohanan sa likod ng bawat ilusyon
na di pala tagapagligtas ang nanalong iyon
kundi berdugo, uhaw sa dugo, idolong maton
na pinauso ang patayan, takot, ngunit pikon

isang mapanganib na pinunong sadyang salbahe
isang pula ang hasang na di mo basta makanti
isang sigang tila kaaway lagi ang babae
isang ilusyon sa masang sa burgesya nga'y api

dapat nang pawiin ang usok ng ilusyong ito
ang totoo'y uhaw pala sa dugo ang idolo
kung tatakbo pa ang anak at ito'y mananalo
bansa'y lalong kawawa, dapat lamang ilampaso

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa isang lugar niyang napuntahan

Lunes, Marso 15, 2021

Dahil ako'y makata ng sambayanan

Dahil ako'y makata ng sambayanan

di ako makata ng pag-ibig, inaamin ko
makata ng lumbay, ngayon, makata ng obrero
pangarap kong maitayo'y lipunang makatao
sapagkat ako'y panig sa kapwa proletaryado

ito'y isang tungkuling malaon ko nang niyakap
ito'y isang gawaing kaytagal ko nang tinanggap
di ito hangarin upang makaahon sa hirap
kundi masa'y pukawin, itaguyod ang pangarap

huwag akong usigin sa minsang pagkatulala
panahon iyon ng tuwinang trabaho't pagkatha
huwag mo akong patigilin sa aking pagtula
laksang panahon ang ginugugol ko sa pag-akda

sapagkat ito ako, makata ng sambayanan
ilayo ako sa tungkuling ito'y kamatayan

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Marso 14, 2021

Ang langit at alapaap

ang langit at alapaap
ay nariyang lumilingap
ang diwata at bulaklak
ay naroroon sa lambak

bakit laging hinahanap
ang di naman mahagilap
iiyak ba o hahalakhak
ang umiinom ng alak

pinagmasdan ko ang ulap
habang tila nangangarap
alagaan ang pinitak
para sa bukas ng anak

buhay ma'y aandap-andap
huwag sanang mapahamak
atin kayang magagagap
na puputi rin ang uwak

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Sabado, Marso 13, 2021

Kwento ng makatang hangal

kwento ng makatang hangal:
sa umaga'y nag-almusal
sa tanghali'y nagpakasal
sa hapon ay isinakdal
sa gabi'y nagpatiwakal

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Biyernes, Marso 12, 2021

Papanagutin ang utak ng patayan

Papanagutin ang utak ng patayan

kultura ng kamatayan ang kanilang dinala
na nang maupo sa pwesto'y binalingan ang masa
kabi-kabila ang ibinubuwal sa kalsada
ngingisi-ngisi lang ang burgesya't kapitalista

nadarama natin sa labas ang LAMIG ng gabi
lalo na't sinisinta ang kaulayaw, katabi
maagang umuwi't iwasan ang LAGIM ng gabi
na kayrami nang itinimbuwang sa tabi-tabi

pagpaslang, alam nating lahat na mali ang gayon
subalit tuwang-tuwa ang halimaw nilang poon
pumayapa na raw ang laot ng kutya't linggatong
nabawasan daw ang krimen sa magdamag, maghapon

walang anumang proseso o pang-uusig man din
basta napagdiskitahan ka'y agad papatayin
may utak sa patayan ay dapat lamang usigin
silang berdugong uhaw sa dugo'y papanagutin

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Black Friday Protest, 03.12.21

Uhaw sa dugo

UHAW SA DUGO

uhaw sa dugo, walang pakundangan
yaong mga salarin kung pumaslang
kayrami nang sa lupa'y tumimbuwang
kayrami nang tinimbuwang ng bu-ang

kaybilis kumalabit ng gatilyo
dahil atas ng teroristang amo
dugo'y pinabaha, parang delubyo
dahil atas ng bu-ang na pangulo

nakalulungkot ang mga nangyari
nadadamay na pati inosente
nakagagalit bawat insidente
masahol sila sa hayop, kaytindi

di na sapat ang sigaw ng hustisya
hangga't may utos ay nakaupo pa
sa pwesto nga'y dapat patalsikin na
ang utak, ang tunay na terorista

- gregoriovbituinjr.

* kinatha para sa Black Friday Protest, 03.12.21; binasa't binidyo ng ilang kasama nang binigkas
* kuhang litrato ng makatang gala sa tapat ng NHA

Huwebes, Marso 11, 2021

G, GA, GARA, GARAPA, GARAPATA

G, GA, GARA, GARAPA, GARAPATA

G
lagi kong nakikita lalo na't may kaugnayan
umpisang letra ng Gregorio, Gorio, aking ngalan
malalaking simbolo ito: Ground Floor, Globe, Gmail man
at doble G kapag galunggong ang nasa isipan

GA
minsan, iyan ang tawag ko sa tangi kong palangga
pagkat iniibig ko't sa akin nag-aalaga
lalo't sa dambana ng magigiting ay sumumpa
magsasama sa hirap, ginhawa, ligaya't luha

GARA
isang salitang tumutukoy sa magandang ayos
ng ilang bagay-bagay sa natatanaw nang lubos
sa mata'y humahalina, sa puso'y tumatagos 
pagod man, pag may magara, dama'y nakakaraos

GARAPA
maliliit na bote itong sinisigaw nila
"bote, dyaryo, garapa" yaong hiyaw sa kalsada
kung mayroon ka niyan, sa kanila na'y ibenta
pagkat ireresiklo, may pera nga sa basura

GARAPATA
sa likod ng aso ang garapata'y gumagapang 
kaya kamot ng kamot ang asong di na malibang
pag ang alaga mong aso'y iyong pinaliguan
laking ginhawa niya't kaysarap ng pakiramdam

- gregoriovbituinjr.