Huwebes, Agosto 20, 2020

Pag nakikita mo akong minsan nakatunganga

pag nakikita mo akong minsan nakatunganga
di nangangahulugang ako'y walang ginagawa
abalang-abala ako, tambak ang nasa diwa
maya-maya lang, kukunin na ang pluma't kakatha

dahil pagtunganga'y isa ring malaking trabaho
lalo't manunulat ako't makatang proletaryo
ang pagtunganga ko'y di katamaran ang simbolo
kundi kasipagang balangkasin ang tula't kwento

nakatitig sa kisame, nagninilay na naman
kongkretong sinusuri ang kongkretong kalagayan
habang tulalang nakatitig doon sa kawalan
ang kinakatha'y samutsaring paksa sa lipunan

pagtunganga'y isa lang proseso sa pagsusulat
pagtunganga'y pagtugaygay din sa paksang nagkalat
habang pinagninilayan anumang mabulatlat
na maaaring magamit sa akda't pagmumulat

kaya minsan, hayaan mo akong nakatunganga
masipag lang nagtatrabaho ang iwi kong diwa
iyan ako, nagsusulat, akala mo'y tulala
sipag ko'y di sa pagbubuhat, kundi sa pagkatha

- gregbituinjr.

Miyerkules, Agosto 19, 2020

Aba'y may matematika rin kahit sa pagsinta

aba'y may matematika rin kahit sa pagsinta
na kapansin-pansin pag ikaw na'y nagkapamilya
pupunta sa nililigawan, mamamasahe ka
magastos man ngunit mag-iwan ng barya sa bulsa

huwag kang manligaw kung walang pambili ng rosas
iba na ngayon, inaasam ang mabuting bukas
at pag sinagot ka'y pag-isipan na ring madalas
huwag pakasal kung wala kang pambili ng bigas

isipin magkano ang lingguhang gatas ni beybi
maglalakad ka na lang ba kung walang pamasahe
o, pagsintang labis ang kapangyarihang maghele
hinehele si beybi sa umaga hanggang gabi

ang matematika'y kaakibat ng ating buhay
pagkat bawat kibot, pera'y bibilangin mong husay
sahod mo'y pagkakasyahin, magtitipid kang tunay
numero'y kasa-kasama na kahit humingalay

kaya bata pa lang, matematika na'y aralin
huwag itong katakutan bagkus ito'y alamin
tulad ng chess, matematika'y kaysarap namnamin
pagkat ito nama'y bahagi na ng buhay natin

- gregbituinjr.

Ako ba'y namamalikmata't sa Mars daw nagpunta

ako ba'y namamalikmata't sa Mars daw nagpunta
doon daw ay di pa uso ang pagsasamantala
wala pang ipaglalabang panlipunang hustisya
pagkat doon ay nakikipagkapwa bawat isa

ngunit sabi ng mga tibak, "There is no Planet B!"
kaya planetang Earth pa rin ang tahanang sarili
ngunit dito'y may pagsasamantala't pang-aapi
at mga trapo'y sa sarili lamang nagsisilbi

manggagawa'y lumilikha ng yaman ng lipunan
magsasaka ang nagpapakain sa sambayanan
bakit silang kaysisipag ang walang-wala naman
ang kapitalista't asindero'y nagbubundatan

namamalikmata lang ba akong sa Mars nagtungo
kung saan wala pang pang-aapi't pagkasiphayo
lipunang makatao ba'y doon maitatayo
ewan, sa balintataw ko'y agad itong naglaho

- gregbituinjr.

Martes, Agosto 18, 2020

Minsan nga'y maging kompositor ang aking naisip

minsan nga'y maging kompositor ang aking naisip
tila ako'y himbing na himbing pa't nananaginip
pagkat may paksang sa diwa't puso ko'y halukipkip
na nais ipahayag subalit di ko malirip

minsan, naisip kong gawing awit ang kathang tula
bakasakaling dito'y magtagumpay na ring pawa
marahil, mag-ensayo nang maggitara't tumipa
lagyan ng tono ang tulang pinagbuntis ng diwa

ngayong nasa kwarantina'y naisip kong gagawin
dapat nang kumilos, di ko man itulak-kabigin
upang tula'y di mo na lang sa aklat babasahin
kundi maririnig bilang awit sa papawirin

maglilingkod sa masa ang mga awit na ito
na tatalakay din sa buhay ng dukha't obrero
aawitin ang paksa ng lipunang makatao
ah, dapat nang simulan, sa gitara'y mag-ensayo

- gregbituinjr.

Lunes, Agosto 17, 2020

Sa akung ika-26 na anibersaryo

pangdalawampu't anim na taong anibersaryo
nang ganap kong niyakap ang sinumpaang prinsipyo
na ipaglaban ang isang lipunang makatao
na para sa adhika, buhay ay isakripisyo

ako'y aktibistang may adhika't paninindigan
upang kamtin ng bayan ang hustisyang panlipunan
upang maggalangan ang bawat nating mamamayan
karapatang pantao't dignidad ay ipaglaban

kaya ngayon ay naritong payapang nagninilay
ninanamnam, anong lasa ng esensya ng buhay
puspusang nakikibaka't may simpleng pamumuhay
sa rebolusyong yakap ko'y buhay ang inaalay

kaya sa aking pangdalawampu't anim na taon
ng pagiging kasapi ng bunying organisasyon
naririto pa ring kumikilos para sa layon
hanggang mamatay na tutupdin ang inangking misyon

- gregbituinjr.
08.17.2020

Itulog muna ang nararamdaman

minsan, ayaw ko nang mag-isip, ayaw nang kumatha
minsan, nais ko nang biglang mawalang parang bula
ang panahon ng kwarantina'y nakakatulala
animo'y digmaang ang patay ay kabi-kabila

nais ko nang matulog kahit labinglimang taon
at gigising lang sa ikalabing-anim na taon
maglalakbay doon sa malayo, maglilimayon
magmumulat na lang ng mata sa ibang panahon

ah, depresyon na ba itong aking nararamdaman
ay, di pa tapos ang laban, di ba? walang ayawan!
nagsusulat pa rin ako't nagsisilbi sa bayan
patuloy ang pagkatha't kumakatha sa kawalan

hungkag ba ang buhay sa panahon ng kwarantina?
buhay ba sa mundo'y anong esensya, ang halaga?
marahil kailangan ko itong itulog muna
at baka bukas masalubong ang bagong umaga

- gregbituinjr.

Linggo, Agosto 16, 2020

Pagbabasa ng mga kwentong katatakutan

ang korni ko raw, nagbabasa ng katatakutan
ngunit tinutunghayan ko ito bilang aliwan
di upang takutin ang sarili kundi malaman
ang epekto ng maikling kwentong ito sa bayan

binabasa ko rin ito upang matutunan ko
kung anong simula, gitna't wakas ng bawat kwento
kung paano't bakit sinulat ng may-akda ito
layunin ba niyang manakot ay naabot nito

sinu-sino ang karakter, anong istorya, banghay
matatakot ka ba kung ang kwento'y tungkol sa bangkay
paano kung may aninong sa iyo'y nakabantay
likhang isip lang ba ang kwento, saan nakabatay

aba'y kaysarap magbasa't magpalipas ng oras
lalo na't kwarantina, walang magandang palabas
mabuti nang magbasa, kontrolado mo ang dahas
kaysa tunay na buhay, na labanan ay di patas

- gregbituinjr.

Paalala sa karatula

basa-basahin ang nakasabit na karatula
baka dahil dito'y makaligtas ka sa sakuna
"watch out, falling debris", di ito isang pelikula
"watch out", tingnan, "falling debris", baka mahulugan ka

sa lugar ng konstruksyon, "safety first" lagi ang una
dapat may proteksyon ang manggagawa, helmet, bota,
gwantes, at iba pang dapat upang di madisgrasya
kayhirap maaksidente't kawawa ang pamilya

maging alisto, "safety first" lagi'y pakaisipin
noong manggagawa pa ako'y sinabi sa akin
bilang machine operator ay tinanggap kong bilin
upang di madale ng makinang tinanganan din

may sensor man ang makina'y baka ka malusutan
mahirap nang masaktan, may daliring maputulan
saanman mapunta, "safety first" ay laging tandaan
idagdag pa ang "presence of mind", huwag kalimutan

- gregbituinjr.

Kung walang tulo sa gripo

sa gripo'y malalaman mo kung bukas o sarado
kung gamit mo'y makabago o ibang klaseng gripo
tandaan lang, three-o'clock bukas, six-o'clock sarado
nang walang tubig na masayang at makasiguro

ayos ito ng orasan, kung sakaling matanong
kung bukas ba o sarado ang gripo tulad ngayon
gripo'y walang tulo, gamitin ang imahinasyon
at kung sakaling magkatubig, di ito matapon

kung alam mong walang tubig sa bahay, aalis ka
laging tandaang ang gripo'y iwan mong nakasara
o kaya'y ang kuntador ang isara mo tuwina
kung hindi, baka pagdating mo, tubig ay awas na

isara lagi ang gripo kung di mo ginagamit
kung walang tubig, huwag iwang bukas kahit saglit
three o'clock bukas, six o'clock sarado'y aking hirit
upang walang maaksayang tubig, di ka magipit

at sa muli, ayos ito ng orasan, di oras
ayos ito ng gripo kung sarado ba o bukas
sa ganito man lang ay madali mo nang nalutas
kung gripo'y sara o bukas, tubig nga'y di nawaldas

- gregbituinjr.

Ang babaeng may hawak na plakard

kaylakas ng dating ng babaeng plakard ang hawak
doon sa rali habang pawis ay tumatagaktak
kulang na lang ay bigyan mo ng rosas na bulaklak
ang totoo, sila'y naroong may pusong busilak

sapagkat ipinaglalaban nila'y karapatang
pantao, dignidad, at katarungang panlipunan
sa plakard nila'y nasusulat ang daing ng bayan
nakatitik sa plakard ang kanilang panawagan

mataba man o payat, may kurikong man o wala
pagtangan lang niya ng plakard ay kahanga-hanga
mga bunying aktibistang nagtatanggol sa madla
nakikibakang kasama ang dukha't manggagawa

bilib ako sa kanila kaysa babaeng pa-sweet
na ayaw sumamang ipagtanggol ang maliliit
kung manliligaw ka, piliin ang may malasakit
sa bayan, ligawan mo'y tibak kahit di marikit

hanapin mo kung sinong handang humawak ng plakard
may prinsipyo't handang sumama sa mahabang lakad
tungong Mendiola, sa araw ay di takot mabilad
na tulad ko'y lipunang makatao rin ang hangad

- gregbituinjr.

Sabado, Agosto 15, 2020

Ang kaliwang kamao ng kapamilya

nagtataas na rin sila ng kaliwang kamao
patunay lang ng pagkamulat sa sistemang ito
na may mga mapanupil na naupo sa pwesto
na kaysa paglilingkod, mas matingkad ang negosyo
na pinaglalaruan lang ang buhay ng obrero

simbolo ng pakikibaka ang kamaong kuyom
upang sa problema ng bayan, tayo'y makatugon
sagisag rin ng pakikibaka laban sa gutom
at paglaban sa bulok na sistema'y ating tugon
laban sa paniniil, kaliwang kamao'y kuyom

sa inyong nakakuyom na ang kaliwang kamao
nakikiisa kami sa ipinaglalaban n'yo
marangal na hanapbuhay, patuloy na trabaho
sikmurang gutom, pamilya, karapatang pantao
pakikibaka, katarungan, at wastong proseso

magsama-sama tayo sa paglaban, Kapamilya
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
halina't lumahok din sa pakikibakang masa
at sama-samang baguhin ang bulok na sistema
magkapitbisig tayo tungo sa bagong umaga

- gregbituinjr.

* ang litrato ay mula kay Minda Castro sa https://www.facebook.com/photo?fbid=1229353260749266&set=pcb.4653281721348937


Tanaga sa dalita

Tanaga sa dalita

I

pinaslang si Echanis
chairman ng Anakpawis
dugo niya'y tumigis
sa lupa ng hinagpis

tinangay pa ng pulis
ang bangkay ni Echanis
ngipin mo'y magtatagis
sa ginawang kaybilis

mga kamag-anakan
niya'y kuyom, luhaan
panawagan ng bayan
hustisyang panlipunan

II

Anti-Terrorism Act
sa marami'y pahamak
ito'y sadyang panindak
ng gobyernong bulagsak

ito ba'y instrumento?
upang supilin tayo?
manahimik lang dito?
at huwag magkritiko?

III

O, maralitang lungsod
atin nang itaguyod
tunay na paglilingkod
pagkat nakalulugod

karapatang pantao'y
ipaglabang totoo
pati wastong proseso'y
tiyaking sigurado

- gregbituinjr.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2020, pahina 20.

Nais kong balikan ang daigdig na nagisnan ko

nais kong balikan ang daigdig na nagisnan ko
kung saan doon ay may silbi ako bilang tao
di sa ibang bayang tila ako'y isang multo
lalo sa kwarantinang nawala ang pagkatao

pagkat doon ay kumikilos ako't naglilingkod
sa bayan, sa uring manggagawa, nakalulugod
sa bawat rali'y nasa unahan, sugod ng sugod
sa bawat pagsulat ng katha'y nagpapakapagod

pagkat doon, nagagawa kong lubusan ang layon
bilang sekretaryo heneral ng organisasyon
dito sa malayo, sa kompyuter lang tumutugon
animo'y arm chair revolutionary ako ngayon

masakit isipin ang gayon, ngunit may pandemya
sa pagsusulat lang ng akda nagkakapag-asa
sarili'y inihahanda kung kailanganin na
sa anumang pag-aaklas ang buo kong presensya

pagkat ako'y aktibistang lingkod ng sambayanan
ng uring manggagawa't naghihirap sa lipunan
handa kong ialay ang talino ko't kakayahan
sa prinsipyong niyakap ng buo kong katapatan

- gregbituinjr.

Biyernes, Agosto 14, 2020

Istorya ng isang torpe

tila sa panaginip lang ako di mahiyain
ngunit sa totoo'y dungo, kiming di unawain
napipipi sa diwatang nais kong kausapin
walang masabi sa harap ng sinasambang birhen

tila ang ganda niya'y kapara ni Ara Mina
na magandang artistang pinangarap ko noon pa
kaysarap halikan, nangungusap ang mga mata
kayhirap maging kimi, bibig ay di maibuka

sobra akong mahiyain, tawag nga nila'y torpe
nanginginig, napipipi sa harap ng babae
minsan, nagkunwari akong maton, isang salbahe
subalit di umubra hanggang ako'y pinagkape

nangangain ba ang mutyang di naman manananggal
bakit pag kaharap siya, tuhod ko'y nangangatal
maginoo naman ako't nagbibihis marangal
ngunit ako'y torpe, napapaso't di makatagal

hanggang makatulog na ako't muling nanaginip
ang aking mutya'y sa patibong ay dapat masagip
tinangay siya ng halimaw na di ko mahagip
ako'y nagising na siya pa rin ang nasa isip

- gregbituinjr.

Huwebes, Agosto 13, 2020

Bugtong sa hayop

tila ba iyon ay bastong di mahawak-hawakan
o kaya'y sinturong baka ikaw ay puluputan
pausad-usad sa puno o kaya'y sa damuhan
dala-dala'y kamandag kaya kinatatakutan

kulisap yaong malaki ang mata kaysa ulo
sa kabukiran nga ito'y paroon at parito
kahit di lumilipad ay di maitiklop nito
ang pakpak na kung lumipad ay parang eroplano

animo'y sastre itong kung manahi'y nagbabaging
sa gitna'y tumitigil, doon nagbahay sa lilim
subalit walang bubong o haliging itinanim
sa ibang kulisap nga, gawang bahay nito'y lagim

pagmasdan mo't sa kalupaan ay kukupad-kupad
ngunit pag nasa tubig na'y kaybilis ng pag-usad
laging usong ang bahay kaya kaybagal lumakad
ngunit pag bahay na'y binangka, tila may pag-unlad

- gregbituinjr.

Ang pagngata ng hilaw na bawang

hilaw na bawang sa umaga'y aking nginangata
kaya raw pala bumabaho ang aking bunganga
matapos kong ngatain ay magsisipilyong kusa
maamoy man ang bawang, pampalakas namang sadya

minsan nga'y isasama ko ang bawang sa kamatis
upang iulam, kunwari'y inulam ay matamis
nakasanayan ko na ang ganito't pampaalis
umano ng sakit, at ang ngipin mo pa'y lilinis

anila, bawang ay pambugaw ng gaway o kulam
ngunit sa akin, sa kalusugan ito'y mainam
katutubong lunas daw sa anumang dinaramdam
pamimitig, ubo't sakit ng ulo ko'y naparam

sa mahahabang lakaran nga'y tatagal kang tunay
titibay ang resistensya't di basta mangangalay
marahil bawang sa ngipin ko rin ay pampatibay
pampaalis na ng umay, pantanggal pa ng lumbay

- gregbituinjr.

Miyerkules, Agosto 12, 2020

Planado o palyado ang tugon sa pandemya

planado o palyado ang ginawa sa pandemya?
ito'y katanungan, pagsusuri, o pagtatasa
kung nangyaring pandemya'y nilulutas ba talaga?
pasaway na agad ang gutom na gutom na masa

kapag walang facemask, bigyan ng facemask, di ginawa
hinuli pa't ikinulong ang dukhang walang-wala
imbes doktor, pulis at militar ang nangasiwa
imbes medikal, serbisyong militar ang ginawa

parang War on Drugs na gusto agad nilang matokhang
ang coronavirus na di nakikitang kalaban
subalit imbes na coronavirus ang kalaban
ang mga nakawawa'y karaniwang mamamayan

ang karapatang pantao't dignidad ba'y biktima?
A.B.S.-C.B.N., sinara; hinuli si Ressa
Anti-Terrorism Act ang kanilang ipinasa
at parusang bitay nga'y nais nilang ibalik pa

imbes na free mass testing, sa paglutas ay kinapos
shoot them dead sa pasaway, ang pangulo ang nag-utos
kaya apat na kawal sa Sulu, si Winston Ragos
ay pinaslang, imbes kalaban ay coronavirus

galing sa Wuhan ang COVID-19, oo, sa Tsina
pinagmulan ay di hinarang noong una sana
baka pandemya'y di lumala, ngunit iba pala
pangulo'y nais tayong maging probinsya ng Tsina

planado o palyado, di tayo ang prayoridad
ng administrasyong tila iba ang hinahangad
mabilis sa tokhang, mapagtripan nga'y patay agad
ngunit sa serbisyo sa bayan ay bakit kaykupad?

- gregbituinjr.
08.12.2020

Martes, Agosto 11, 2020

Mumunting libretong pampanitikan

di ko na nasisilayan ang munti kong aklatan
doon sa lungsod kung saan ako naninirahan
dahil sa kwarantina'y naipit sa lalawigan
biniling aklat sana'y babasahin kong mataman

subalit wala ang mga iyon sa aking piling
parang sayang ang gintong panahong tumataginting
magbabasa ng literatura bago humimbing
itutuloy naman ang pagbabasa pagkagising

soneto ni Shakespeare nga'y sinimulan kong isalin
ilang tula ni Edgar Allan Poe'y naisalin din
nang makalabas, bumili ng ilang babasahin
mumurahin mang libreto'y pampanitikan pa rin

binili'y hinggil sa mitolohiyang Pilipino
may hinggil sa bugtong, bagong alamat, at epiko
may parabula hinggil sa buhay-buhay ng tao
may balagtasan, dati'y gumagawa ng bukrebyu

may palaisipan din, kinse pesos bawat isa
sa isang upuan nga, isa nito'y tapos ko na
subalit magagandang kumiliti ng ideya
pagkat may natutunang bago sa mga nabasa

mitolohiya't epiko'y sa isip sumariwa
palaisipan, balagtasan, bugtong, parabula
na sa iwing isipan ko'y sadyang nakahahasa
maraming ideyang magagawan ng bagong tula

- gregbituinjr.

Lunes, Agosto 10, 2020

Alagaan natin ang planetang Earth

paano ba dapat alagaan ang kalikasan
kung asal natin ay magtapon lang kung saan-saan
basura'y nagkalat sa lansangan at karagatan
daigdig nating tahanan ay naging basurahan

anong kinabukasan ang maibibigay natin
sa ating mga anak kung ganito ang gawain
minina pati kabundukan kaya kalbo na rin
at plantang coal ay hinayaang magdumi sa hangin

paano natin inunawa ang ekolohiya
paano naintindihan ang nagbabagong klima
ugali lang ba natin ang dahilan o sistema
paano alagaan ang nag-iisang planeta

sabi ng kapwa aktibista, "There is no Planet B!"
bakit natin sinisira ang planetang sarili
alternatibo na ba ang Mars, sa balita'y sabi
kaya Earth ay hinahayaang kainin ng bwitre

"There is no Planet B!", alagaan ang kalikasan
ito'y pamana natin para sa kinabukasan
huwag gawing basurahan ang Earth nating tahanan
gawin natin ang marapat para sa daigdigan

- gregbituinjr.

Muli akong mageekobrik

maglalakad ako upang mamulot ng basura
lalo't na't mga plastik na pwedeng iekobrik pa
mag-iikot sa bayan nang may magawa tuwina
kaysa nakatunganga sa panahong kwarantina

ang mga balutang plastik ay basta itinapon
istro, baso, at boteng plastik ang nais maipon
habang naglalakad, nag-iisip, naglilimayon
anong paksa ang itutula buong maghapon

di ko naman tinutularan si Samwel Bilibid
nakakulong sa paglalakad at ligid ng ligid
kung may dagat lang, lalanguyin ko ito"t sisisid
ngunit ngayon para sa paksa'y magmamasid-masid

di maaaring aktibista ka'y nakatunganga
maaari akong tumunganga pagkat makata
sa imahinasyon ay kinakatha na ang akda
at sinusulat sa kwaderno upang di mawala

sana'y makarami ng plastik na ieekobrik
gugupiting maliliit ang napulot na plastik
at sa boteng plastik nga'y muli akong magsisiksik
patitigasin ko itong parang hollow block o brick

ngayong lockdown, ganyan akong animo'y isang hangal
mabuti't di ko pa naiisip magpatiwakal
nais ko pa kasing makibaka para sa dangal
ng dukha laban sa namumunong utak-pusakal

- gregbituinjr.