Huwebes, Abril 9, 2020

Pagpupugay sa magigiting


Pagpupugay sa magigiting

Araw ng kagitingan sa kasaysayan ng bansa
Rebelyon laban sa mananakop at pagbabanta
Araw ng pagbagsak ng Bataan at mandirigma
Wari'y larangan sa dugo ng Pinoy ay nagbaha

Nakibaka sila, nakibakang mga bayani
Ginawa ang wasto, naglingkod, sa bayan nagsilbi
Kalayaan ang adhikain, di nag-atubili
Ang nangalugmok sa digma'y dapat ipagmalaki

Gising ang bayan, lumaban para sa kalayaan
Inisip ang kinabukasan ng mahal na bayan
Tumimo ang aral nito sa ating kabataan
Ipaglaban ang laya mula sa tuso't dayuhan

Nag-alay ng buhay ang bunying henerasyon nila
Grupong Huk, kawal Pilipino, lumaban sa gera
Ang sakripisyo nila'y pasalamatan tuwina
Nagpapasalamat kami sa mga nakibaka

- gregbituinjr.
04.09.2020

Miyerkules, Abril 8, 2020

Ang sipag sa paggawa


ANG SIPAG SA PAGGAWA

"Ang sipag sa paggawa na iyong ikabubuhay ay siyang tunay na sanhi ng pag-ibig, pagmamahal sa sarili, sa iyong asawa't mga anak, sa iyong kapatid at mga kababayan." ~ bilang ikasiyam (IX) ng Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan (Dekalogong sinulat ni Andres Bonifacio)

mabuhay ang lahat ng nagtatrabaho't dalita
dahil sa inyong sipag, daigdig ay pinagpala
nilikha ng manggagawa'y ekonomya ng bansa
dukha'y kaysipag ngunit isang kahig, isang tuka

mag-ipon, magtipid, isang aral ng COVID-19
umibig, magmahal, kahit community quarantine
huwag lang umasa sa sahod, maging malikhain
habang ginagabayan ng prinsipyo't adhikain

magtanim ng kamote, talbos man nito'y pang-ulam
masisipag ang manggagawa, tulad din ng langgam
ika nga, hirap natitiis, dusa'y napaparam
maaabot pa rin ang pangarap na inaasam

kolektibong magkaisa, makipagkapitbisig
sa bawat manggagawa't maralitang makakabig
upang itayo ang lipunang lahat ay may tinig
at di pinagsasamantalahan ng mapanlupig

itatatag ang isang pantay-pantay na lipunan
para sa sambayanan at tuluyang wawakasan
ang pribadong pag-aaring ugat ng kahirapan
at kapitalismong ugat ng laksang kasamaan

- gregbituinjr.

Bahaginan ang kapwa sa panahon ng lockdown

Bahaginan ang kapwa sa panahon ng lockdown 

"Bahaginan mo ng iyong makakayanan ang sino mang mahirap at kapus-palad." ~ bilang ikawalo (VIII) ng Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan (Dekalogong sinulat ni Andres Bonifacio)

prinsipyo palang taglay ng dakilang Katipunan
na yaong nagdaralita'y atin ding bahaginan
ng anupamang mayroon tayo'y makakayanan
ito nga'y tunay na pakikipagkapwa sa bayan

lalo na ngayong lockdown pa't nasa bahay lang tayo
dahil nananalasa ang COVID-19 na ito
basahin natin ang Dekalogo ni Bonifacio
tiyak na may bagong aral na mapupulot tayo

luma man ang mensahe, bago sa ating panahon
habang naka-kwarantina't kayraming nagugutom
maralita'y panay ang paghihigpit ng sinturon
kahit panggitnang uri'y nauubusan din ngayon

gawin nang minimum wage ang sahod ng kongresista
senador, ehekutibo, sundalo't huwes, sana
ay mangyari't makaahon ang ating ekonomya
tigilan na nilang negosyohin ang pulitika

pagpupugay sa Sanlakas at Bulig Pilipinas
nangalap ng pondo, nagluto ng ulam at bigas
at namigay ng pagkain sa dukhang nasa labas
sa iba't ibang lungsod na gutom ang dinaranas

halimbawa nila'y tunay na magandang hangarin
sa ganyan nakikita ang tapat na adhikain
bilin ni Gat Andres na magbahaginan ay gawin
upang kapwa natin, pati dukha'y makaraos din

- gregbituinjr.

Sa saliw ng awiting "Always Somewhere"

Sa saliw ng awiting "Always Somewhere"

nagninilay habang "Always Somewhere" ang inaawit
na sa balikat ay tatu ng makatang marikit
na saanman, adhika'y tumulong sa maliliit
na maunawaan ang sistemang dulot ay ngitngit

tumitindi ang galit sa sistemang mapanghusga
na akala ito'y daigdig lang ng elitista
na sa maliliit ay laging nagsasamantala
uring api'y dapat ang sistemang ito't mapurga

aangkinin ang lugar, magsasaka'y mawawalan
magdedemolis, dukha'y mawawalan ng tahanan
pribadong pag-aari'y pinauso ng iilan
imbes na kolektibong pangasiwaan ng bayan

always somewhere, kahit saan daw nakikita ako
dahil organisador ng maralita't obrero
matapos lang ang lockdown, patuloy ang labang ito
kikilos at itatayo'y lipunang makatao

"Always somewhere" ika nga, "I'll be back to love you again!"
babalik-balikan pa rin ang prinsipyo't layunin
habang nabubuhay pa, pakikibaka'y gagawin
hanggang sa huling sandali'y gagampan ng tungkulin

- gregbituinjr.

Social distancing din muna kahit sa mag-asawa

Social distancing din muna kahit sa mag-asawa

social distancing din muna kahit sa mag-asawa
dapat daw ay isang metrong distansya o higit pa
pag kumain nga kami, tigisa kaming lamesa
at pag natulog, ako'y sa banig, siya'y sa kama

kung maglalakad sa lansangan, may social distancing
bawal din ang paghalik, ngipin muna'y sipilyuhin
ang tinga'y alisin, loob ng bibig ay linisin
pag hininga'y mabaho pa rin, mag-social distancing

bawal yumakap lalo'y ilang araw walang ligo
kapos pa sa tubig, punas muna ng bimpo't panyo
di muna nag-ahit, bigote't balbas na'y kaylago
mag-aahit lang pag kwarantinang ito'y naglaho

social distancing din habang nasa labas ng bahay
ganyan din habang sa Enkantadia'y nakaantabay
at kumakatha pa rin ang diwang di mapalagay
dahil sa kwarantinang nagpapatuloy pang tunay

- gregbituinjr.

Di ako tumambay sa kabila ng lockdown

Di ako tumambay sa kabila ng lockdown

oo, lagi lamang kaming nasa loob ng bahay
ngunit sa kabila ng lockdown, di ako tumambay
nagtrabaho pa rin kahit maghapong nagninilay
nililikha ang samutsaring kathang binulay-bulay

nitong lockdown nga, tatlo, apat, anim, pitong tula
ang sa isang araw pa lang ay aking nagagawa
na istrikto kong kinakatha'y may sukat at tugma
ilan ma'y walang sesura, piling-pili ang paksa

sinimulan kong kathain ang mga simpleng bagay
mula sa paligid, eskinita, lansangan, tambay
tinidor, kutsara, sinelas, COVID, nininilay
upang sa nakararami, tulang ito'y ialay

madaling araw pa lang ay gising na yaring diwa
nasa panaginip ang mga paksang kinakatha
nasa guniguni ang mga manggagawa't dukha
nasa balintataw ang umagang anong dakila

matapos ang gawaing bahay, isang tula muna
matapos magluto ng agahan, isang tula pa
habang nasa kubeta'y nagsusulat pa ng isa
nagbibilang ng pantig, katha'y lumbay at pag-asa

kahit na anong paksang nasa ilalim ng araw
magnilay, diwa'y patalasin tulad ng balaraw
hanggang hatinggabi, may paksang nasa balintataw
tatlo pa't limang tula sa diwa'y biglang lilitaw

- gregbituinjr.

Martes, Abril 7, 2020

Mayo Uno ang bagong simula

MAYO UNO ANG BAGONG SIMULA

community quarantine ay magpapatuloy pa nga
extended hanggang bisperas ng Araw ng Paggawa
bagong anunsyo ito ng gobyernong may ginawa
subalit ubos na raw ang pondo, kahanga-hanga
mga tao raw ang sa pagkain nila'y bahala

paano na kikita sa harap ng kwarantina
kung bahala nang maghanap ng pagkain ang masa
bakit hinuli pa ang mga vendors na nagtinda
kung nakakulong lang sa bahay, di sila kikita
mga hinuling nagtindang vendors, palayain na!

nauubos din ang ipon at sahod ng obrero
kung sa bahay lang, kikita ba kung walang trabaho
panahong lockdown, konting pagkain, mag-aayuno
upang makatipid sa dinaranas na delubyo
gayunman, kakayanin pa ba ang dalawang linggo

magkita-kita sa Mayo Uno, bagong simula
at bagong pagbaka laban sa sistemang kuhila
muling magkakapitbisig ang uring manggagawa
upang magkaisa, mag-usap, magplano't magtakda
upang ibagsak na ang sistemang kasumpa-sumpa

- gregbituinjr.
04.07.2020 (World Health Day)

Pasasalamat sa Bulig Pilipinas

Pasasalamat sa Bulig Pilipinas

Bulig Pilipinas, kayo'y sadyang kahanga-hanga
Umpisa pa lang, tumulong agad sa walang-wala
Laging handang umalalay sa mga api't dukha
Inisip agad ang kapakanan ng abang madla.

Ginawa'y naghanda ng pagkain, at nagpakain
Pinuntahan ang mga dukhang nabahaginan din
Ito'y panahong lockdown o community quarantine
Lubusan po kayong pinasasalamatan namin.

Inisip ang kapakanan ng kapwang nagugutom
Pagpapakatao, pag-ibig, prinsipyo, pagbangon
Ito'y sakripisyo, kawanggawa, dakilang layon
Na imbes sa bahay lang kayo, ginawa ang misyon!

Ang inyong halimbawa'y dapat purihing totoo
Salamat po, Bulig Pilipinas! Mabuhay kayo!

- gregbituinjr.
04.07.2020 (World Health Day)

Salamat sa mga frontliners ngayong World Health Day



Salamat sa mga frontliners ngayong World Health Day

ngayong World Health Day, taospuso pong pasasalamat
sa mga frontliners sa inyong tungkuling kaybigat
kaharap n'yo'y sakit na di makita o masalat
naririyan pa rin kayong ginagawa ang lahat
anong tindi ng nakaatang sa inyong balikat

sa inyong frontliners, salamat po ng buong puso
kayraming kwento ng doktor, nars, iba't ibang tagpo
reporter, basurero, obrerong loob ay buo
maraming doktor na'y nawala, buhay ay naglaho
nalagas ang maraming buhay, nakapanlulumo

dahil sa lockdown, mamamayan ay sa bahay muna
mabagal man, gobyerno'y may pakimkim sa pamilya
kayo'y nakaharap sa sakit na nananalasa
dahil sa kwarantina, pamilya'y di makasama
sa kabila nito, frontliners kayong mahalaga

O, frontliners, nawa'y di kayo dapuan ng sakit
tumutulong sa di kilala, nagpapakasakit
salamat sa sakripisyo n'yo't pagmamalasakit
ang wish namin sa World Health Day, di kayo magkasakit
pasasalamat namin sa inyo'y paulit-ulit

- gregbituinjr.
04.07.2020

Tula sa World Health Day

Tula sa World Health Day

Walang sinumang lalabas kapag naka-quarantine
Oo, ito'y sabi ng gobyerno't dapat daw sundin
Rinig mo ang sabi, pag lumabag ka'y papatayin!
Lagot ka! Mahirap na't baka paglamayan ka rin!

Dapat tutukan nila'y ang sakit, di ang pasaway
Hanap lang nitong dukha'y pagkain, gutom ngang tunay
E, bakit lalabas pa? Nais ba nilang mapatay?
Aba'y magugutom ang pamilya't di mapalagay!

Lagi dapat igalang ang karapatang pantao
Tulad din ng karapatan ng dalita't obrero
Hintayin lang nating matapos ang lockdown na ito
Dahil masa'y maniningil sa palpak na serbisyo

At sa World Health Day, alalahanin ang kalusugan
Yugto itong di dapat balewalain ninuman

- gregbituinjr.
04.07.2020

Sa World Health Day: FREE MASS TESTING NOW!

Sa World Health Day: FREE MASS TESTING NOW!

World Health Day, pandaigdigang araw ng kalusugan
Oo, araw upang suriin ang pangangatawan
Ramdam mo ba kung sumasakit ang iyong kalamnan
Lalo't nananalasa ang COVID-19 sa bayan.

Dinggin natin at alamin ang nangyayari't ulat
Habang may kwarantina'y anong isinisiwalat
Eksperto'y anong sabi nang di mahawa ang lahat
Ano pang gagawin upang sakit ay di kumalat.

Lockdown o community quarantine pansamantala
Tayo'y manatili sa bahay, ayon sa kanila
Habang masa'y nagugutom, naghahanap ng pera
Dahil puno ng pangambang magutom ang pamilya.

At ngayong World Health Day, sabay-sabay nating isigaw:
Yamang ang araw na ito'y atin: FREE MASS TESTING NOW!

- gregbituinjr.
04.07.2020

Soneto sa World Health Day

Soneto sa World Health Day

World Health Day, pandaigdigang araw ng kalusugan
Organisadong araw para sa pangangatawan
Ramdam mo ba kung may sakit kang dapat malunasan
Lockdown pa't baka walang masakyan pag kailangan

Damhin mo ang kalamnan, pulso, ulo, dibdib, panga
Haplusin ang kutis, puso't katawan ba'y okey pa?
Espesyalista ba'y nahan, kilala mo ba sila?
At pag kailangan na, sila'y matatawagan ba?

Laging kalusugan mo't ng pamilya'y isipin din
Tingnan ang katawan, sila ba'y namamayat na rin
Habang malakas pa, kalusuga'y asikasuhin
Dahil mahirap magkasakit, maging alagain

Ating kalusugan ay lagi nating alagaan
Yamang ito'y kayamanang di dapat pabayaan

- gregbituinjr.
04.07.2020

Mga unipormadong utak-hazing

Mga unipormadong utak-hazing

matindi ang nangyari sa mga taga-San Roque
na nilahad sa panayam ng isang residente
aniya, "Dumating 'yung mga naka-uniporme"
walang awa, pinagpapalo ang mga lalake."

bakit agad silang namamalo, sino ba sila?
dahil ba hazing ang natutunan sa akademya?
hazing pa ba ang paraan nila ng disiplina?
ngunit di sa kanilang kadete kundi sa masa

karamihan sa naroo'y di makapagtrabaho
dahil sa lockdown, walang pera ang dukha't obrero
saan kukuha ng pagkain, isip ay paano
kung pamilya ba'y magkasakit, tutulong ba'y sino

karumal-dumal, sadista ang kanilang gawain
bakit ang gutom ng dukha'y di nila unawain
kahiya-hiya na sila, awtoridad pa man din
dahil inaral lang yata'y kung paano mang-hazing

naging animal dahil may baril, kapangyarihan
gayong di kriminal ang masang nagugutom lamang
karapatang pantao'y dapat nilang matutunan
kung kailangan, magbalik sila sa paaralan

- gregbituinjr.

* mula sa balita ng Rappler.com, Abril 1, 2020, na may pamagat na "Quezon city residents demanding help amid lockdown arrested by police"

Lunes, Abril 6, 2020

Donasyon sa lockdown

Donasyon sa lockdown

sa panahon ng lockdown, may natanggap ka bang tulong?
nakakakain ka pa ba kahit adobong kangkong?
o pulos delata't noodles sa iyong barungbarong
ang natanggap mo? buti't di ka nagkaka-kurikong

mabilis ba ang serbisyo ng mga pulitiko?
o sa binigay nila, may pangalan sila rito?
sa donasyon ba'y kaylaki ng pangalan ng trapo?
eleksyon ba'y malapit na't nais nang maiboto?

malaki daw ang pondo ng gobyernong inilaan
upang may makain ang na-lockdown na taumbayan
bilyong perang aprubado ng mga kinatawan
bilyon-bilyong pisong sana'y di kunin ng kawatan

karapatan nating kunin ang donasyong pagkain
mahirap man o mayaman, may donasyon sa atin
may nakaimbak ang mayaman, at mauubos din
walang naimbak ang mahirap kaya gugutumin

- gregbituinjr.

Anila, "Stay at home"

ANILA, "STAY AT HOME"

panawagan ngayong / lockdown, "Stay at home."
basta may pagkain / upang di magutom
sundin lamang ito / sa panahong lockdown
dapat kung mayroon / tayong malalamon.

"Stay at home" ngayong / naka-kwarantina
subalit pamilya'y / may makakain ba?
dapat tiyaking may / pagkain sa mesa
nang di magkasakit / ang buong pamilya.

mayroon ba kayong / pambili ng bigas?
tigil sa trabaho, / paano na bukas?
paano rin naman / kung walang lalabas?
sinong magbibigay / ng ulam at prutas?

"Stay at home" muna / kahit walang pera
"Stay at home" ka lang, / bukas, bahala na...
tutulong ba sila / pag nagkasakit ka?
o pag nagka-virus, / magagamot ka ba?

- gregbituinjr.

Tuyong hawot at dilis na naman ang ulam namin


Tuyong hawot at dilis na naman ang ulam namin

tuyong hawot at dilis na naman ang ulam namin
kahapon ay noodles at may pinitas na gulayin
walang karneng baka't baboy na masarap ulamin
purga na ang tiyan sa ulam na ulit-ulit din

di pa namumunga ang itinanim na kamatis
wala pa ring bunga ang kalumpit at aratilis
sa panahong ito, tayo muna'y magtiis-tiis
basta sa pagkain ay huwag tayong magmimintis

sana'y may mabilhan na ng kamatis at sibuyas
at makapaggisa ngunit sarado pa sa labas
dahil sa lockdown, tindahan din ay may takdang oras
alas-nuwebe hanggang ala-una lang ang bukas

ano nang dapat gawin sa ganitong kalagayan
mag-ipon na ng ulam para sa kinabukasan
tulad ng langgam, nagtitipid para sa tag-ulan
at tayo'y nagtitipid din dahil sa lockdown naman

- gregbituinjr.

Kay-agang gumising

Kay-agang gumising

hatinggabing pusikit na nang magpasyang humimbing
bago magbukangliwayway, kay-aga kong nagising
pakiramdam ko'y nagugutom at agad nagsaing
tuyo'y pinrito habang hinihintay ang sinaing

dahil sa kwarantina, karaniwang tanghali na
ang gising namin sa bahay, ngunit ako'y kay-aga
babangon lagi alas-sais pa lang ng umaga
tila body clock ko'y di sumabay sa kwarantina

nagutom yata ako dahil konti ang kinain
dahil sa lockdown, dalawang beses na lang ang kain
kaya kanina'y hinarap agad ang lulutuin
naglaga ng tubig na may dahon upang inumin

pagkakain ng almusal ay agad kong hinarap
ang pagkatha ng puna, lumbay, pag-asa't pangarap
maaanghang na salita'y pilit inaapuhap
may matamis na salitang di sana mapagpanggap

pulos sulat, di naman makagawa ng nobela
tula rin ng tula sa entablado ng protesta
nasa isip ay alalahanin at alaala
na madalas pagtahian ng salita tuwina

- gregbituinjr.

Linggo, Abril 5, 2020

Pagkatha't pagtatanim sa panahon ng lockdown


Pagkatha't pagtatanim sa panahon ng lockdown

sarili'y inabala ko sa pagkatha ng tula
habang nasa kwarantina pa't minsan ay tulala
habang sa kisameng may butiki'y nakatunganga
habang kung anu-ano na lang ang pinaggagawa

magtanim na muna kaya ng gulay sa bakuran
upang balang araw may gulay kang maani naman
pagtatanim sa ngayon ay sagot sa kagutuman
di na mall ang mahalaga kundi ang kabukiran

sa panahon ng lockdown, halina't tayo'y magtanim
upang sa kalaunan, sa bunga'y makakatikim
magtanim-tanim upang maiwasan ang panindim
lalo na kung ang kasalukuyan ay dumidilim

kaya tutulain muna'y tanim at kalikasan
kailangang maghanda para sa kinabukasan
magtanim kahit sa kaunting lupa sa bakuran
lagyan ng lupa't tamnan din ang latang walang laman

- gregbituinjr.

Isabuhay ang Kartilya ng Katipunan


ISABUHAY ANG KARTILYA NG KATIPUNAN

hangad namin ay kaginhawahan ng ating bayan
hangad din ito ng makasaysayang Katipunan
marangal na layunin at adhikang sinimulan
kaya misyong ito'y dapat mahusay na gampanan

Kartilya ng Katipunan ay isinasapuso
labanan ang pang-aapi, dugo man ay mabubo
pagsasamantala sa kapwa'y dapat nang maglaho
makibaka nang lipunang makatao'y matayo

ang buhay na di ginugol sa malaking dahilan
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag
ang pagkakawanggawa ang tunay na kabanalan
sa taong may hiya, salita'y panunumpa naman

karapatang pantao'y ating itinataguyod
aralin natin ang Kartilya at sa puso'y ibuod
pagpapakatao'y yakapin, sa bayan maglingkod
labanan ang mga mali kahit uugod-ugod

"Kaginhawahan", nasa sulatin ni Bonifacio
"Iisa ang pagkatao ng lahat" kay Jacinto
tunay nga silang bayani ng bansa nating ito
aral nila't Kartilya'y isabuhay ngang totoo

- gregbituinjr.

Ano ang rali?

Ano ang rali?

ang rali'y gawaing magpahayag ng sabay-sabay
madalas kasi'y di pakinggan kung mag-isang tunay
nagrarali ka dahil sa isyu'y di mapalagay
kaysa di magrali't sarili'y hayaang mamatay

mabuting maglahad kaysa sikilin ang damdamin
mabuting magsalita kaysa tumahimik lang din
ang gutom na di matiis, sa sigaw mo lunurin
kung mag-isa ka lang, sino ang sa iyo papansin

sabay-sabay na pagpapahayag ng mamamayan
ang rali dahil kung mag-isa ka'y di pakikinggan
ayusin ang pagkilos upang maparating naman
ang mensaheng dapat dinggin ng kinauukulan

kung di marinig, isulat sa plakard ang mensahe
nang makita ng madla ang tindig mo't sinasabi
paraan ng pagpahayag, huwag mag-atubuli
sabayang pagpapahayag ang esensya ng rali

nag-iisip din ang dukhang di na kaya ang gutom
nangangalampag sila sa mga utak-marunong
na nasa poder, na ibinoto rin nila noon
sakaling sa hinaing nila'y agad na tumugon 

rali'y pagdulog din ng problema sa mga paham
matugunan ang isyu't dapat silang makialam
at maabot din ang publikong dapat makaalam
upang isyu'y pag-usapan nang ito'y matugunan

- gregbituinjr.