Linggo, Disyembre 15, 2019

Kaysa tumanghod sa telebisyon buong maghapon

di ba't dapat nating ipaglaban ang karapatan
kaysa tumunganga lang lagi tayo sa kawalan
kaysa mangalumbaba't tumanghod sa telebisyon
kaysa manood lang ng kung anu-ano maghapon

di ba't wasto lamang maging bahagi ng kilusan
at nakikibaka upang mabago ang lipunan
kaysa nakatunganga na lang sa buong maghapon
kaysa mga parke't mga mall ay naglilimayon

di ba't magandang may niyakap tayong simulain
upang kaginhawahan ay kamtin ng bayan natin
kaysa naman nagpapalaki lang tayo ng bayag
kaysa nagbabate na lang sa maghapon, magdamag

di ba't mabuti pang kumikilos tayo't aktibo
inaaral natin ang sistemang kapitalismo
nagsusuri't kumikilos na bilang aktibista
ibabagsak ang mapangapi't mapagsamantala

kaysa tumanghod maghapon, lipuna'y pag-aralan
at maging kaisa sa pagbabago ng lipunan
halina't isulong natin ang diwang sosyalismo
at kumilos tayo upang lipunan ay mabago

- gregbituinjr.

Tanaga sa Karapatan

I
karapatang pantao
ay ipagtanggol natin
laban sa tuso, gago,
at sinumang salarin

II
karapatang pabahay
ay ating ipaglaban
demolisyon ay lumbay
para sa matamaan

III
bawat sinasalita
ay ating karapatan
anuman ang winika
puso man ay masaktan

IV
bawat pagpapahayag
ay ating karapatan
di dapat nilalabag
ninuman at saanman

V
tayo’y mag-organisa
at magtayo ng unyon
karapatan ng masa
ay ipagtanggol ngayon

VI
ang karapatan noon
ay kaparis din naman
ng karapatan ngayon
na dapat ipaglaban

VII
huwag kang mamamaril
ng walang paglilitis
huwag ka ring kikitil
may batas at due process

- gregbituinjr.
- Nalathala ang tulang ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2019, pahina 20

Sabado, Disyembre 14, 2019

Mabuhay ang Laban ng Masa (LnM)!

Laban ng Masa, palaban para sa pagbabago
ang bulok na sistema'y nais palitang totoo
nag-oorganisa't pinatitibay ang prinsipyo
at pinalalakas ang mamamayan at obrero
para sa nagkakaisang layuning sosyalismo

Laban ng Masa, nagtataguyod ng karapatan
ng mga inaapi't pinagsasamantalahan
misyon nitong ibagsak ang sistema ng gahaman
adhikain nito ang pagkakaisa ng bayan
simulain nito ang pagbabago ng lipunan

Mabuhay ang Laban ng Masa! Mabuhay! Mabuhay!
Mabuhay ang mga lider nitong pumapatnubay
sa mga diwa't prinsipyong tangan natin ay gabay!
Sa Laban ng Masa'y taas-kamaong pagpupugay!
Magpatuloy tayong kumilos hanggang sa tagumpay!

- gregbituinjr.
- nilikha at binasa sa get together ng Laban ng Masa na ginanap sa TriMoNa sa Anonas Ext., Lungsod ng Quezon, Disyembre 14, 2019 ng gabi

Ang awiting "Isang Kahig, Isang Tuka"

ANG AWITING "ISANG KAHIG, ISANG TUKA"
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inilarawan ng awiting "Isang Kahig, Isang Tuka" ni Freddie Aguilar ang buhay ng isang dukha. Halina't tunghayan natin ang awit:

Ako ay isang anak mahirap
Lagi na lang akong nagsusumikap
Ang buhay ko'y walang sigla
Puro na lang dusa
Paano na ngayon ang buhay ko

Sa akin ay walang tumatanggap
Mababa raw ang aking pinag-aralan
Grade one lang ang inabot ko
No read, no write pa ko
Paano na ngayon ang buhay ko

Koro:
Isang kahig, isang tuka
Ganyan kaming mga dukha
Isang kahig, isang tuka
Ganyan kaming mga dukha

Itinulad sa manok na isang kahig, isang tuka, ang buhay ng maralita. Gayuman, maganda ang liriko ng awit pagkat naglalarawan ng buhay. Siya'y anak-mahirap na laging nagsusumikap, subalit pulos dusa ang kanyang nararanasan. Walang tumanggap sa trabaho, dahil mababa ang pinag-aralan. Grade one lang ang inabot, gayong lagi siyang nagsusumikap. Tila patama naman ang liriko ng awiting "Doon Lang" ni Nonoy Zuñiga, nang simulan niya ang awitin sa:
"Kung natapos ko ang aking pag-aaral
Disin sana'y mayron na akong dangal..."

Siyang tunay. Sa panahong ito'y mas pinakikinggan ka pag ikaw ay may pinag-aralan, at mas pinahahalagahan ang pagkatao mo. Subalit kinikilala lang ba ang dangal kung ikaw ay may pinag-aralan? Igagalang ka lang ba dahil nakasuot ka ng barong o necktie?

Sabi nga ng isang tatay, hindi mo kasalanan ang ikaw ay maging mahirap. Kasalanan mo pag namatay kang mahirap. Kaya ang iba ay nagsusumikap makaahon sa kahirapan. Subalit hindi lahat ng mahirap ay nagnanais magbago ang buhay, tamad, palainom.

Sa totoo lang, ang kahirapan ay di lang dahil ipinanganak kang mahirap, kundi may mga nagpapahirap, may nag-aangkin ng yaman ng lipunan na dapat ay para sa lahat. Kailangan nating baguhin ang bulok na sistema ng lipunan. Maging aktibo tayo sa pagbabago ng ating kalagayan, at pagpawi ng pribadong pag-aaring dahilan ng kahirapan sa lipunan.

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2019, p. 15.

Biyernes, Disyembre 13, 2019

Kaginhawahan ng bayang tinubuan

"Kaya, O, mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan." ~ Gat Andres Bonifacio

kaginhawahan ng bayang tinubuan, pangarap
ng bayaning Gat Andres Bonifacio, na nangusap
sa mga kababayan habang sila'y nangangalap
ng sasapi sa Katipunan kahit mahihirap

kaginhawahan ng bayang tinubuan, layunin
ng Katipunan at mga Kastila'y patalsikin
sa tinubuang natigmak ng dugo kung isipin
Katipunang ginhawa ng bayan ang simulain

ibinukas nila sa atin ang pakikibaka
di pa tapos ang laban ni Bonifacio't ng masa
igugol ang ating lakas sa lubos na pag-asa
upang ginhawa ng bayan ay kamtin ng balana

mabuhay ka sa bilin mo, Gat Andres Bonifacio!
kung noon, nilabanan ninyo'y mapangaping dayo
kami naman ay nakikibakang taas-kamao
laban sa sistema at mapang-aping Pilipino

nilabanan ninyo noon ang mga dayong bugok
ang binabaka naman namin ay sistemang bulok
hangad na uring manggagawa'y ilagay sa tuktok
at ibagsak ang burgesya't elitistang dayukdok

- gregbituinjr.

Huwebes, Disyembre 12, 2019

Ang tula ni Procopio Bonifacio

ANG TULA NI PROCOPIO BONIFACIO
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makata rin pala ang ikatlong nakababatang kapatid ni Gat Andres Bonifacio na si Procopio, na kasama niyang napaslang sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Kapwa makata pala ang magkapatid na Bonifacio. Ayon sa pananaliksik, sampung taon ang tanda ni Andres kay Procopio, dahil 1873 ito ipinanganak, at kapwa sila namatay dahil sa pagpaslang sa kanila ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897.

May nalathalang mga sanaysay at tula si Gat Andres Bonifacio na naging pamana niya sa sambayanan. Nariyan ang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", salin ng tulang "Huling Paalam" ni Dr. Jose Rizal, "Ang mga Kasadores", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", at "Tapunan ng Lingap", at ang tula niya sa Kastilang "Mi Abanico". Nariyan din ang sanaysay niyang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan."

Subalit may tula rin palang naiwan si Procopio na tungkol din sa pagmamahal sa bayan. Isa lamang ang tulang iyon na nasaliksik, at marahil ay may iba pa subalit di pa natatagpuan. Nito lamang Disyembre 9, 2019, nang mabili ko ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, sa Popular Bookstore sa Timog Avenue sa Lungsod Quezon. At sa pagbabasa niyon sa bahay ay nakita ko ang pagbanggit ni Santos sa tula ni Procopio. Sa pahina 18 ng nasabing aklat ay ganito ang nakasulat:

"Isang tula ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas sa gubat, at ngayo'y sisipiin ko ng walang labis at walang kulang:"

   "Oh Inang Espanya, humihinging tawad
kaming Pilipino na iyong inanak,
panahon ay dumating na magkatiwatiwalag
sa di mo pagtupad, masamang paglingap.

   Paalam na akong Espanyang pinopoon,
kaming Pilipino humihiwalay na ngayon
ang bandera namin dulo ng talibong
ipakikilala sa lahat ng nasyon.

   Lakad, aba tayo, titigisa ang hirap
tunguhin ang bundok, kaluwangan ng gubat
gamitin ang gulok at sampu ng sibat
ipagtanggol ngayon Inang Pilipinas.

   Paalam na ako, bayang tinubuan
bayang masagana sa init ng araw
oh maligayang araw na nakasisilaw
kaloob ng Diyos at Poong Maykapal."

"Ang mga huling talata ng tulang ito na ngayon lamang mahahayag ay nahahawig sa mga huling talata ng huling paalam ni Dr. Jose Rizal. Ang tulang ito ay buong-buong nasasaulo ni Ginang Espiridiona na siyang nagkaloob sa akin ng salin. Itinutugma nila ito sa isang namomodang tugtugin nang panahong iyon, kaya't ang pagkakatula'y hindi husto ang mga pantig o silaba."

Sinusundo ko si Misis sa kanyang pinasukan

sinusundo ko si Misis sa kanyang pinasukan
dahil sabik akong siya'y muli kong masilayan
tila siya diwata sa laot ng karagatan
siya ang aking sangre sa malayong kagubatan
siya ang tagahawi ng ulap sa kalangitan

pag nakita siya, buhay ko'y umaaliwalas
ang anumang kalungkutan ay di mo mababakas
magkatuwang kami sa pangarap na nilalandas
maganda niyang ngiti'y nakakawala ng banas
kung ako'y maysakit, ang bawat haplos niya'y lunas

pangako sa sarili'y lagi siyang susunduin
uuwi kaming magkasabay sa tahanan namin
kung kailangan, aatupagin ko ang labahin
tagagayat ng sibuyas at ibang lulutuin
higit sa lahat, patuloy kami sa simulain

- gregbituinjr.

Miyerkules, Disyembre 11, 2019

Ibasura ang E.O. 70

E.O. 70 ay dapat lang ipawalangbisa
dahil aktibista'y di naman kaaway ng madla
sila'y kumilos bilang tapat na lingkod ng dukha
aktibista'y naglilingkod sa uring manggagawa

kung kasalanan ang paglilingkod sa sambayanan
di ba't mas kasalanan ang patakarang patayan
ng pamahalaan laban sa dukhang mamamayan
kahit na walang proseso't wala pang kasalanan

kaya di makatarungan iyang E.O. 70
nang mawalan ng kalaban ang rehimeng DoDirty
nang mapulbos ang kilusang sa masa'y nagsisilbi
nang walang tutuligsa sa patayan araw-gabi

ang aktibista'y para sa panlipunang hustisya
tinutuligsa ang gobyernong bastos, palamura
lipunang makatao ang hangad ng aktibista
na di kayang gawin ng ganid at tusong burgesya

dapat lang ipawalangbisa ang E.O. 70
dahil ito'y sandata ng sistemang mapang-api
laban sa mga samahang may layuning mabuti
ang dapat ay ibagsak na ang rehimeng DoDirty!

- gregbituinjr.

Hindi krimen ang aktibismo

aktibista'y katulad ng mga Katipunero
sila'y may simulain at niyakap na prinsipyo
itinataguyod ang pakikipagkapwa-tao,
katarungan at pagkakapantay-pantay sa mundo

isang lipunang makatao ang pangarap nila
isang lipunang walang ganid na kapitalista
lipunang umiiral ang panlipunang hustisya
lipunang walang pang-aapi't pagsasamantala

aktibista'y kumikilos para sa karapatan
ng tao at para sa katarungang panlipunan
nais nilang mawala na ang tiwali't gahaman
upang magkaroon ng ginhawa't kapanatagan

kinakalaban ng aktibista ang mga sakim
sa kapangyarihan at nagdudulot ng panimdim
kinakalaban nila ang diktadurang malagim
na ang puso't isipan ng namumuno'y madilim

kaya di krimen ang may prinsipyo't ang aktibismo!
ang kriminal ay yaong mga negosyanteng tuso
na nanghuhuthot sa lakas-paggawa ng obrero
at palakad sa pamahalaan ay tiraniko

sa gobyerno'y kriminal ang pinunong tuso't tunggak
na sa elitistang naghahari pumapalakpak
kriminal ang pinunong pagpaslang ang nasa utak
kaya dapat lang ang mga tulad nila'y ibagsak!

- gregbituinjr.

Martes, Disyembre 10, 2019

Tutulan, labanan ang salot na E.O. 70

E.O. 70 ay pananabas sa karapatan
na mithi'y durugin yaong lehitimong samahan
patakarang nais takutin itong mamamayan
at ituring pa tayong kaaway ng sambayanan

E.O. 70 ay patakaran ng pandarahas
na mismong karapatang pantao ang tinatabas
ito'y patakarang mismong gobyerno ang nagbasbas
nang samahan ay ituring na kalaban ng batas

tutulan, labanan ang patakarang E.O. 70
tutulan, labanan ang panonokhang araw-gabi
tutulan, labanan, sistemang bulok, mapang-api
tutulan at wakasan na ang rehimeng DoDirty

- gregbituinjr.
* ang tula ay nilikha at binasa ng makata sa rali ng grupong IDefend sa harap ng tanggapan ng National Housing Authority (NHA), hapon ng Disyembre 10, 2019, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao

Human Rights Walk sa ikaapat na pagkakataon

Human Rights Walk sa ikaapat na pagkakataon
Upang itaguyod ang karapatan natin ngayon
Muli ay naglakad pagkat ito ang aming tugon
At layon upang ilantad ang laksang kabulukan
Ng sistemang tokhang na mithiin lang ay patayan.
Rinig mo rin ba ang hikbi't daing ng namatayan
Itong paglalakad mula C.H.R. hanggang Mendiola'y
Ginagawang sadya laban sa bulok na sistema
Humahakbang na para sa panlipunang hustisya!
Titiyakin nating sa tokhang ay may mananagot
Susulong tayo upang karahasan ay malagot
Walang iwanan hangga't hustisya'y di pa maabot!
Ating ipagpatuloy ang taunang Human Rights Walk
Lalo't nais nating tokhang at tiwali'y ilugmok
Kumilos tayo at ibagsak ang sistemang bulok!
- gregbituinjr.

* ang tula ay nilikha at binasa ng makata sa rali ng BMP-SANLAKAS-PLM, umaga sa tulay ng Mendiola sa Maynila, Disyembre 10, 2019, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao

* Pasasalamat sa lahat ng sumama at sumuporta sa ikaapat na Human Rights Walk! Mabuhay kayo!









Lunes, Disyembre 9, 2019

Buwis-buhay sa trabaho

kinunan ko ng larawan ang isang manggagawa
siya'y nagtatrabaho ngunit peligrosong lubha
nasa tuktok ng gusaling sadyang nakalulula
malapit kay kamatayang tila di alintana

isang bahagi ng gusali'y pinipinturahan
at buwis-buhay ang gawaing kinakailangan
malakas ang loob sa trabahong dapat gampanan
mabuti't di siya nahulog sa kinalalagyan

sa pagka-stuntman kaya, obrero ba'y sinanay?
na gagawin ang trabaho kahit na buwis-buhay?
di na ba naisip na isang paa'y nasa hukay?
na sakaling magka-aksidente siya'y mamatay?

mataas yaong gusali kung iyong tatanawin
na dapat mong pag-ingatan kung iyong aakyatin
sa tayog ng gusali't init ng araw gagawin
trabaho'y ginawa para sa munting sasahurin

nawa sa baywang ay may tali siyang nakabigkis
na makasasagip sakaling sakuna'y gumahis
mabuhay ang obrerong buhay na'y ibinubuwis
kahit na sa kakarampot na sweldo'y nagtitiis

- gregbituinjr.

Linggo, Disyembre 8, 2019

Huwag hayaang mangibabaw ang pamahiin

sariling kultura nila'y dapat nating igalang
habang nakikita natin alin ang mas matimbang:
ang pamahiin ng matatandang sa masa'y hadlang
o batayang agham ang ating isaalang-alang

dahil lumaki sila sa mundo ng pamahiin
iba ang kinalakihan nila't alituntunin
sa ganoong aspeto'y dapat silang respetuhin
ngunit paniwala nila'y huwag nating gayahin

pamahiin ba nila'y paniwalang di maparam
sapagkat di maipaliwanag ang agam-agam
pamahiin ba'y dahil sa takot o pakiramdam
o pamahiin ay walang paliwanag ng agham

pamahiin ba'y mula sa mga sariling kutob
na dahil walang mga paliwanag na marubdob
ay gumawa ng kuro-kuro't tinanggap ng loob
kaya sa katanghalian ay dilim ang sumaklob

tayong nakakakita'y dapat nagsusuri naman
upang makuro ang takbo ng kanilang isipan
tayong nakakakita'y may sariling panuntunan:
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

sa kanilang daigdig ay huwag tayong pumasok
at baka aswang at manananggal ang yumukayok
sa pamahiin nila'y huwag tayong palulugmok
kundi ibagsak natin ang sistema nilang bulok

- gregbituinjr.

Sabado, Disyembre 7, 2019

Pagyakap sa simpleng pamumuhay

kabataang tibak pa lang ako'y sumumpang tunay
sa pagyakap sa prinsipyo ng simpleng pamumuhay
hindi magpayaman, hindi magpahinga-hingalay
pagkat buhay ay sa pakikibaka na inalay

ako'y tibak na lipunang makatao'y pangarap
nakikibaka upang masa ginhawa'y malasap
pagkat tulad ko'y Katipunerong yakap ang hirap
walang panahon upang sa buhay ay magpasarap

nagsisikap itayo ang lipunang makatao
habang binabaka ang salot na kapitalismo
isinasabuhay ang Marxismo at Leninismo
pati diwa ng Kartilya'y itinataguyod ko

simpleng pamumuhay ang niyakap ko bilang tibak
ito ang panuntunan ng prinsipyo't tinatahak
handa pa rin sa pagkilos, gumapang man sa lusak
hanggang ang sistemang bulok ay ating maibagsak

- gregbituinjr.

Biyernes, Disyembre 6, 2019

Tinitingala ko ang kalangitang walang malay

tinitingala ko ang kalangitang walang malay
ngunit kung pakatitigan mo'y sakbibi ng lumbay
diyata't hanggang ngayon ay di ako mapalagay
nasaan ang nawawala naming mahal sa buhay?
siya ba'y ipiniit o iwinala nang tunay?

sumasayaw ang ningas ng kandila sa kawalan
mamaya'y unti-unting mauupos sa karimlan
dama ko'y tikatik ng ambon at ambang pag-ulan
habang inaabangan ang hustisyang panlipunan
na ibubulwak ng nakaninong sinapupunan

nanoot ang poot sa kabulukan ng sistema
kumukurot sa puso ang inhustisya sa masa
kaya ito'y dapat baguhin, anang aktibista
ngunit kayraming winala nang sila'y nakibaka
para sa mga nangawala'y panlipunang hustisya

nawa'y mabago na ang sistemang tadtad ng bulok
nawa'y mawala na ang mga tiwali at bugok
nawa'y uring manggagawa ang malagay sa tuktok
nawa'y matinong lipunan na'y ating mailuklok
nawa'y makita na silang sa dilim inilugmok

- gregbituinjr.

Huwebes, Disyembre 5, 2019

Kumikilos tayo, hindi para sa pera

kumikilos tayo, hindi para sa pera
kundi para sa pagbabago ng sistema
para makamit ang panlipunang hustisya
at para paglingkuran ang uri't ang masa

kumikilos tayo upang magkapitbisig
ang uring manggagawang ating kapanalig
babakahin natin ang sanhi ng ligalig
at ang mapagsamantala'y ating mausig

kumikilos tayo, hindi para sa sweldo
gayong hindi naman tayo swelduhan dito
kumikilos tayo para sa pagbabago
walang sahod kundi talagang boluntaryo

ang pagkilos ay dahil sa prinsipyong taglay
lalo na't niyakap ay simulaing tunay
pagbabago ng lipunan ang aming pakay
upang kamtin ang ginhawa't magandang buhay

- gregbituinjr.

Miyerkules, Disyembre 4, 2019

Katarungan ba'y saang balon natin masasalok?

tagtuyot na ba sa hustisya ang ating lipunan
kaya di umaambon ng hustisyang panlipunan
hahayaang bang humalakhak ang may kasalanan?
at tatawa-tawa lang sa kanilang kalayaan

ang konsepto ba ng hustisya'y ating naaarok?
tingin ba natin sa krimen nila'y pawang pagsubok"
sa tagtuyot na katarungan ba'y may malalagok?
katarungan ba'y saang balon natin masasalok?

maraming biktima ng walang proseso, pinaslang
di man lang nilitis kung ang mga bituka'y halang
di man lang pinatunayan kung may mga paratang
sinong mga salarin, sinong mga salanggapang

kung may mapag-iigibang balon o posonegro
tiyak maraming biktima ang nakapila rito
tiyak maraming salarin ang makakalaboso
ngunit nahan ang balon ng hustisya sa bayan ko

- gregbituinjr.

Martes, Disyembre 3, 2019

Igalang ang paniniwala nila, ngunit huwag paniwalaan

may paniniwala silang dapat nating igalang
igalang lang natin ngunit di paniniwalaan
pagkat tayo'y tibak na may sariling panuntunan:
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

igalang natin ang pamahiin ng matatanda
igalang natin ngunit huwag tayong maniwala
sa pagsusuri't agham tayo dapat mabihasa
aba'y wala na tayo sa panahong makaluma

bawal magwalis sa gabi't aalis daw ang swerte
katumbas pala ng iyong swerte'y ang mga dumi
pusang itim daw ay malas, huwag kang magpagabi
ang mga ita't baluga ba'y malas din sa tabi

materyalismo diyalektika'y ating prinsipyo
kung may mga batayan lang maniniwala tayo
pamahiin na'y di uso sa lipunang moderno
metapisika'y kaagapay ng kapitalismo

kaya dapat tayong magsuri, magsuri, magsuri
kung nais nating ang uring manggagawa'y magwagi
dapat tayong magwagi sa tunggalian ng uri
at ating ibagsak ang elitistang paghahari

- gregbituinjr.

Lunes, Disyembre 2, 2019

Ang Pinduteros Award mula sa HRonline.ph

Pinduteros Award, ito'y mabunying gantimpala
Isang pagkilalang may maganda kang nagagawa
Nababasa ng mamamayan ang iyong inakda
Dahil karapatan ay ipinagtanggol mong kusa
Upang panlipunang hustisya'y makamit ng madla

Tunay na pagkilalang di dapat maisantabi
Edukasyon din ito para sa nakararami
Ramdam mo bang ang karapatan ng madla'y umigi
O karapata'y tinotokhang sa dilim ng gabi
Saksi ang award sa pakikibakang anong tindi

Ang Pinduteros Award, may prinsipyo't pakinabang
Walang anumang karapatang dapat tinotokhang
At walang sinumang tao ang dapat pinapaslang
Rimarim ng inhustisya'y dapat lamang maparam
Daan ang award upang karapatan ay igalang.

- gregbituinjr.
* nilikha ang tula sa ika-9 na Pinduteros Awards Night at binasa ng makata matapos siyang magawaran ng nasabing award sa kategoryang blogsite.

Maraming salamat kay Bb. Jenny Linares, na isa ring pinduteros, sa mga sumusunod na litrato:
Ito ang kategoryang blogsite, kung saan kapwa kami nanalo rito ni Rodne Galicha.




Pumasok pa sa ibang kategorya ang pangalan ng inyong lingkod.
Maraming salamat kay Ate Nanette Castillo sa mga litratong ito:




Linggo, Disyembre 1, 2019

Pagtatasa

di raw naman makararating sa paroroonan
ang di raw marunong lumingon sa pinanggalingan
kaya pagtatasa sa nangyayari'y kailangan
tasahin anong nagaganap sa kasalukuyan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

dapat itong gawin sa pang-araw-araw na buhay
habang nagpapahinga'y isabay ang pagninilay
bago mananghalian ay maghinaw ka ng kamay
minsan, dapat magsuri kahit nadarama'y lumbay
upang umalwan ang loob at isipan nang sabay

ano ang mga isyu't problemang kinakaharap?
balakid na ba iyan sa mga pinapangarap?
paano pakikitunguhan ang mga kausap?
kung sila sa tingin mo'y pawang mga mapagpanggap?
baka tugon sa isyu't problema'y aandap-andap?

walang mahirap na pagtatasa kung magtatasa
pagkat may kalutasan ang bawat isyu't problema
huwag maging maligalig sa pag-aanalisa
batid mo kung saan ka nagmula't saan pupunta
kaya anumang sulirani'y iyong makakaya

- gregbituinjr.