Lunes, Nobyembre 11, 2019

Inhustisya

“Injustice anywhere is a threat to justice everywhere. We are caught in an inescapable network of mutuality, tied in a single garment of destiny. Whatever affects one directly, affects all indirectly.” ~ Martin Luther King Jr., Letter from the Birmingham Jail

ang kawalang hustisya saanmang panig ng mundo
ay banta sa hustisya sa iba pang lugar dito
kung may kawalan ng katarungan sa kapwa tao
apektado rin ang katarungang para sa iyo

binato ang langit, nang matamaan ay nagalit
binato kasing paitaas. at sadyang kaylupit
kaya sa mukha bumalik, umiyak parang paslit
nawa sa biktima, hustisya'y huwag ipagkait

leron, leron sinta, sa hustisya'y may nagbabanta
buhay daw ay barya lang, kaylupit ng pinagpala
bata, bata, isang perang muta, may bumulagta
kaya mahal sa buhay ay naroong lumuluha

kung may nabalitaang walang prosesong pinaslang
baka sa susunod, ikaw naman ang matamaan
kaya marapat lang, sa nangyayari'y makiramdam
huwag mong balewalain, dapat kang makialam

- gregbituinjr.

Linggo, Nobyembre 10, 2019

Lugi raw ang negosyo

lugi ang negosyo, ito ang laging bukambibig
ng mga kapitalistang animo'y masigasig
matiyagang durugin ang obrerong kapitbisig
at masipag posasan ang sa manggagawang tinig

lugi raw ang negosyo, di dahil lugi talaga
kundi di naabot ang tubong nasa plano nila
kung dalawampung milyong pisong tubo'y plano nila
lugi na kahit sampung milyong piso ang kinita

ang pinapakita ng kapitalista sa unyon
huwag magtaas ng sahod, pagkat di pa panahon
pangangatwiran ng kapitalista'y nakakahon
dahil magsasara raw ang kumpanya pag naglaon

kaya mumo lang kung sweldo ng obrero'y itaas
barya lang bawat araw dahil ito raw ang patas
ngunit para sa unyon, katwiran nito'y gasgas
magkaiba kasing uri't iba ang nilalandas

para sa kapitalista, pangunahin ang tubo
at gastos lang ang manggagawa, nakapanlulumo
di pantay na lagay sa pabrika'y dapat maglaho
at obrero sa adhika'y magtagumpay ng buo

- gregbituinjr.

Sa paglaya

kahit kami'y mga dating bilanggong pulitikal
ay pagsisilbi pa rin ang sa diwa'y nakakintal
lumaya't ang pagsasama pa rin ay nagtatagal
pagkat nagkakaisa pa rin sa prinsipyo't dangal

nais pa rin naming labanan ang bayang tiwali
at nais pa ring bulok na sistema'y matunggali
pag may problema ang bayan, di kami humihindi
patuloy na kikilos, di papayag maduhagi

aaralin pa rin bakit ganito ang lipunan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
bakit kayrami pa ring pinagsasamantalahan
bakit laksa'y naghihirap at maykaya'y iilan

nagkakaisa pa rin kami ng inaadhika
oorganisahin pa rin ang uring manggagawa
dedepensahan pa rin ang bayan at mga dukha
mula sa kuko ng mapagsamantala'y lalaya

- gregbituinjr.
* sinulat habang nagpupulong ang XD Initiative, Nobyembre 10, 2019

Sabado, Nobyembre 9, 2019

Ako'y Leninista, tagapagtaguyod ni Lenin

Ako'y Leninista, tagapagtaguyod ni Lenin
Pinag-aaralang mabuti ang kanyang sulatin
Kasaysayan niya sa kapwa'y tinuturo man din
Upang lider na ito'y mas kilalanin pa natin

Siya'y magaling na lider ng partidong Bolshevik
Mga nagawa sa rebolusyon ay natititik
Sa mga manggagawa't dukha'y duminig ng hibik
Tinulungan ang mga ito upang maghimagsik

Nagtagumpay ang mga Bolshevik sa rebolusyon
Kaya't aral ni Lenin ay inaaral din ngayon
Tinawag na Leninismo ang diwa niyang iyon
Kaya ang tagumpay nila't nagawa'y inspirasyon

Nais nating itayo ang lipunang manggagawa
Kaya aral ng Leninismo’y aralin nang kusa
Halina’t aralin ang kanyang mga halimbawa
At durugin na ang kapitalismong dala’y sigwa

Kaya manggagawa, halina’t maging sosyalista
At buuin ang mga Buklod sa bawat pabrika
Ang Marxismo’t Leninismo’y aralin sa tuwina
At tayo’y sumumpa bilang ganap na Leninista

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 8, 2019

Itago ko lang daw muna ang mga tula

ani  misis, itago ko lang daw ang mga tula
upang may mahuhugot kung magpapasa ng akda
ngunit karamiha'y tulang pulitikal ang likha
di pampasa sa paligsahan ang mga kinatha

kaya mga katha sa blog ko'y agad nilalagay
upang di mawala ang likhang aking napagnilay
upang balang araw, sakaling ako na'y mamatay
ang mga tula ko'y nariyan kahit nasa lumbay

salamat sakaling may magtitipon nitong tula
lalo't inaadhika niyang ito'y malathala
bilang makapal na aklat ng hininga ko't diwa
bilang librong mula sa puso ng abang makata

kaya tula'y paanong sa baul lang itatago
kung aanayin lang ito't ako'y masisiphayo
mabuting malagay sa blog bago ito maglaho
hayaang ibang henerasyon yaong makatagpo

- gregbituinjr.

Pagninilay sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda

ang masa'y tigib pa rin ng panawagang hustisya
sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda
di pa rin nababalik sa dati ang buhay nila
at wala pa ring bahay ang maraming nasalanta

may mga ginagawa pa ba ang pamahalaan?
upang mapanumbalik ang buhay ng taumbayan
anong ginagawang tulong sa mga namatayan?
upang dinaranas ng kanilang puso'y maibsan

lilitaw pa rin sa silangan ang magandang bukas
ngunit sa mga nasalanta'y di ito mabakas
tanging paghanap ng katarungan ang binibigkas
at baka may hustisya sa tinatahak na landas

hibik ng mga nasalanta ni Yolanda'y dinggin
at matitinong programa sana ang maihain
huwag lamang pagtulong ay lagi lang bibigkasin
kundi tunay na pagkilos ang nararapat gawin

- gregbituinjr.

Bawal na raw ang plastik, anang pangulo

mga plastik daw ay ipagbabawal na ni Digong
sino pang makakausap niya sa kanyang kampon?
pagbabawal ba niyang ito'y isa lang patibong?
ang tumutuligsa sa kanya'y maging mahinahon?

ngunit sa paligid, kayraming naglipanang plastik
plastik na pulitiko ba'y kaya pang i-ekobrik
paano na siya pag pinagbawal na ang plastik?
ang aklat ng kasaysaya'y paano itititik?

ang pangulo na ba'y naging makakalikasan na?
lalo't napuno ang dagat ng plastik na basura?
patunayan niyang makakalikasan na siya
di lang plastik kundi Kaliwa Dam ay tigilan na!

sa isyung pangkalikasan, siya na'y nakialam
ngunit taumbayan ay dapat pa ring makiramdam
walang mga plastik, walang proyektong Kaliwa Dam
ngunit sa ngayon, mga ito'y pawang agam-agam

- gregbituinjr.

Huwebes, Nobyembre 7, 2019

Sanggol na isang taong gulang, ina pa ang pumaslang

kasuklam-suklam ang ginawa ng ina sa anak!
bata'y pinatay dahil lang nairita sa iyak!
anong nangyari't nagkaganito ang kanyang utak?
at sarili pa niyang dugo itong pinahamak?

isang taong gulang ang sanggol, isang taong gulang
ngunit sarili pang ina ang sa kanya'y pumaslang
nasiraan na ba ng bait ang kawawang ginang?
bakit sariling anak ang sa dugo'y pinalutang?

humiwalay na ba ang puso sa ulo ng ina?
at walang awang tinaga ang mismong anak niya?
tama bang pumaslang kung sa iyak lang nairita?
o nadamay ang bata sa iba niyang problema?

habambuhay niyang pagsisisihan ang nangyari
baka tuluyang mabaliw, di na makapagsisi!
biktima rin ba siya ng lipunang mapang-api
kaya bumigay ang utak at gayon ang nangyari?

katarungan sa batang pinaslang ng walang awa
hustisya sa batang sariling ina ang tumaga 
baliw na ina'y ikulong sa rehas at isumpa
hayaan siya roong araw-gabi'y lumuluha

gregbituinjr.
* ang tula'y batay sa headline sa pahayagang Bulgar, na may pamagat na "1 yr. old baby kinatay, ginilitan ni Mommy", Nobyembre 7, 2019

Si Lenin, ang Dakilang Bolshevik

Si Vladimir Lenin ay isang dakilang Bolshevik
Na dapat nating aralin ang kanyang hinimagsik
Anong pamana niya upang madurog ang lintik
Na kaaway ng bayang masa’y nilublob sa putik

Bayani si Lenin para sa uring manggagawa
At isang inspirasyon ang kanyang mga nagawa
Obrero’y mulatin para sa sosyalistang diwa 
At sa rebolusyon, manggagawa’y ating ihanda 

Sa pagkilala kay Lenin, ang rebolusyonaryo
Ating itaguyod ang kapakanan ng obrero
Ibagsak ang bulok na sistema sa ating mundo
Pagkaisahin ang masa para sa sosyalismo

Aral ni Lenin at ng Bolshevik ay inspirasyon
Sa bulok na sistema’y huwag tayong magpakahon
Halina’t makibaka, sa hirap tayo’y aahon
Aral ng Leninismo’y aralin na natin ngayon

- gregbituinjr.

* Ang tula'y nilikha kasama sa powerpoint presentation hinggil sa Talambuhay ni Lenin na inihanda ng may-akda para sa pagsisimula ng Lenin 150 Seminar Series, kasabay ng ika-102 anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre.

Bitin pa rin ako sa aking mga ginagawa

bitin pa rin ako sa aking mga ginagawa
animo'y dumaan ang sigwang di pa humuhupa
problemang nakikita'y tila baga lumalala
ulan ay di tumitila, baha'y di bumababa

bakit ba sa mga aktibista'y naiinis ka
anong aming ginawa upang ikaw ay magdusa
wala, kundi patuloy lang kaming nakikibaka
upang palitan na ang nabubulok na sistema

dapat ko nang matapos ang mga ginagawa ko
pagkat presentasyon sa klase'y mamaya na ito
handa na kaya ako, di kaya ito magulo
di pwedeng bahala na, nais kong maging pasado

mamaya na ito kaya gawin ang dapat gawin
kung puyat, pahinga konti, ngunit dapat tapusin
gayunpaman, ang kalusugan ay alalahanin
marami pang gagawin, lipunan pa'y babaguhin

- gregbituinjr.

Palaisipan, ehersisyo sa isipan

bumili na naman daw ako ng palaisipan
pagkain ng utak, imbes na pagkain ng tiyan
walang ibang palipasang oras kundi sagutan
ang biniling sudoku't krosword kapag tanghalian

anong magagawa ko't nasasarapang sumagot
sa maraming palaisipang dati'y di ko abot
ngayon, pag di alam, ang ulo'y kinakamot-kamot
animo'y nasa kuko ang sagot na di mahakot

aba'y bilib din naman ako't nakakabuo rin
ang buong palaisipan ay nasasagot man din
sudoku, logic puzzle, krosword, pakaiisipin
animo'y di nagsasawa, araw-gabi mang gawin

halina't sagutan ang palaisipang narito
pampalipas ito ng oras at pampatalino
bakasakaling pampaganda pa rin ng araw mo
pag wala ka pang ginagawa'y sagutan mo ito

- gregbituinjr.

Miyerkules, Nobyembre 6, 2019

Kubeta ang pinakamasarap kong pahingahan

pinakamasarap kong pahingahan ang kubeta
dito ako nagbabate't nagninilay tuwina
maingay man sa labas, kapayapaan ang dama
hubad na hubas, walang pagdurusa, anong saya

sa inidoro'y nagninilay akong nakaupo
iniisip paanong mga salot ay masugpo
subalit di ko nadaramang ako'y mabibigo
bagamat paminsan-minsan naman natutuliro

minsan, nagbabasa doon ng paboritong aklat
o kaya'y sinasagutan ang sudokung nabuklat
minsan, nagbabasa ng sanaysay na mapagmulat
o kaya sa diwa'y may kwentong dapat maisulat

kubeta ang pinakamasarap kong pahingahan
isa itong sangtwaryo, masarap maging tambayan
magtatampisaw habang binabasa ang katawan
basta may tabo, timba't tubig, dama'y anong alwan

kubeta ang pahingahan kong pinakamasarap
pagkat doon ko hinahabi ang laksang pangarap
habang sa araw-araw, patuloy na nagsisikap
upang magbunga ang mga plano sa hinaharap

- gregbituinjr.

Patindihin ang tunggalian sa bayan natin

ginugunam-gunam ko ang nangyayari sa bayan
bakit lumalala ang kahirapan sa lipunan
sinong kikilos upang umalpas sa kahirapan
ang mayoryang mamamayang dukha sa daigdigan

dapat kumilos ang masa bilang iisang uri
durugin ang mga elitistang mapagkunwari
magsama-sama ang walang pribadong pag-aari
kundi lakas-paggawa, ibagsak ang naghahari

durugin ang mga bilyonaryo, di sa pisikal
kundi sa kalagayan sa lipunan ng kapital
gawin nang pantay ang kalagayan ng mga mortal
at durugin ang lahat ng elitistang imoral

kapitalismo'y dapat lalo nating paunlarin
upang tumindi ang tunggalian sa bayan natin
nang mag-aklas ang manggagawa't dukhang inalipin
uring api't uring manggagawa'y ating kabigin

halina't palakasin ang uring obrero't dukha
at organisahin ang inaapi't hampaslupa
isulong ang sosyalismong ating inaadhika
na sadyang lipunan para sa uring manggagawa

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 5, 2019

Itigil na ang blokeyo sa Cuba!

patuloy ang blokeyo sa Cubang mapagpalaya
dahil itinulak ng Amerikang dambuhala
ginugutom ng Amerika ang sa Cubang madla
subalit di sumusuko ang maliit na bansa

matibay ang paniniwala ng mga Cubano
sa tangan nilang prinsipyo't gabay - ang sosyalismo
hinding-hindi sila susuko sa Amerikano
lalo't nilalabanan nila ang imperyalismo

hinaharang ang pagpasok ng pinansya't komersyal
embargo'y kaytindi sa usaping ekonomikal
higit limang dekada na ito, sadyang kaytagal
sa kabila nito, bansang Cuba'y di natigagal

itigil ang blokeyo sa mapagpalayang Cuba
dapat lang lumaya sa kuko ng imperyalista
may karapatan din silang mamamayan ng Cuba
tulad ng mamamayan natin, bansang Amerika

itigil na sa Cuba ang mapang-aping blokeyo
blokeyo'y sumisira sa karapatang pantao
sa Cuba'y itigil ang di makatarungang trato
at Amerika'y dapat maging bansang makatao

- gregbituinjr.
* nilikha ng makata sa Public Forum and Discussion on US Blockade na ginanap sa UP CIDS, Nobyembre 5, 2019

Nakahiga siya roon sa bangketang semento

nakahiga siya roon sa bangketang semento
may karatulang "pangkain lang po" sa tabi nito
kaawa-awang pulubing tulad natin ay tao
sa gutom ay tila baga mamamatay na ito

anong ginagawa ng gobyerno sa tulad nila?
hinigaang bangketang semento'y di naman kama
sa pulubi ba'y anong nararapat na hustisya?
upang dignidad niya't pagkatao'y maisalba

halina't dinggin ang daing ng kawawang pulubi
marami sa kanila'y nariyan sa tabi-tabi
nanghihingi, sa bayan ba'y anong kanilang silbi?
kinakausap pa ba sila, anong sinasabi?

sila ba'y pulos himutok na di na makayanan?
sila ba kaya pulubi'y nasira ang isipan?
anong tulong ang magagawa ng pamahalaan?
madarama pa ba ng pulubi ang kaalwanan?

- gregbituinjr.

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip
sila'y simbolo ng ating ina, dapat maisip
huwag babastusin sa salita, kahit gahanip
at huwag tingnang mababang uri, dapat malirip

kahit sa karatula sa dyip, dapat may respeto
dahil mga babae ang kalahati ng mundo
maling-maling sa karatula'y nakasulat ito:
"kahit anong ganda mo, driver lang ang katapat mo!"

macho ba ang pakiramdam mo pag iyong sinabi?
na parang kaya mong kunin kahit sinong babae?
"basta driver, sweet lover", matagal nang pasakalye
sa dyip, ngunit respetuhin sinumang binibini

sa loob man ng dyip, igalang ang kababaihan
huwag mo silang ituring na parausan lamang
tulad ng iyong mahal na ina'y dapat igalang
sila'y tao ring tulad mong may puri't katauhan

- gregbituinjr.

Lunes, Nobyembre 4, 2019

Tanaga sa pakikibaka

damhin ang pagdurusa
ng masang maralita
dinig at dama mo ba
ang daing nila't luha

halina't makibaka
kahirapa'y labanan
palitan ang sistema
baguhin ang lipunan

nakatarak sa dibdib
ang balaraw ng hirap
dapat nang masibasib
ang mga mapagpanggap

dukha'y pagkaisahin
nang sila'y maghimagsik
elitista'y lipulin
at ilublob sa putik

diwa ng rebolusyon
ay ating pag-aralan
at maging mahinahon
sa pakikipaglaban

di tayo naglalaro
tayo'y naghihimagsik
ang gagong namumuno
ay dapat mapatalsik

bantayan mo ang bata
baka ulo’yumpugin
ang isang perang muta
baka niya kainin

- gregbituinjr.

* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2019, p. 20.

Paano ba pinahahalagahan ang winika

paano ba pinahahalagahan ang winika
lalo't galing sa sariling bibig yaong kataga
sa Kartilya ng Katipunan nga'y may sinalita:
sa taong may hiya, bawat salita'y panunumpa

mabigat ang salita kaya dapat pag-ingatan
bago magbitaw ng salita'y dapat pag-isipan
gaano man ang poot, dapat magkaunawaan
maging mahinahon at suriin ang kalagayan

paano kung sa galit mo'y tungayaw ng tungayaw
at isinusumpa mo na ang kalaban mong hilaw
kayrami nang sinabi't ikaw pala'y naliligaw
mag-ingat sa binitawan, ang salita'y balaraw

kung nangako ka sa tao tulad ng pulitiko
kung may hiya ka, mga pinangako'y tuparin mo
ang pag-iingat sa salita'y pagpapakatao
makipagkapwa't huwag magsalita ng patalo

halina't pakinggan mo ang pinuputok ng dibdib
pagnilayan kung anong emosyong naninibasib
pag-isipan ang sasabihi't baka mapanganib
kaakibat ng salita'y pagkatao mong tigib

- gregbituinjr.

Linggo, Nobyembre 3, 2019

Kahit isang kusing lamang ang matira sa bulsa

kahit isang kusing lamang ang matira sa bulsa
tuloy pa rin sa layuning makapag-organisa
dumugo man ang noo't ilong sa pakikibaka
tuluy-tuloy pa rin ang ugnayan sa uring aba

naghihirap man, patuloy sa dakilang layunin
maglakad man ng malayo para sa adhikain
tutuparin ang misyon at niyakap na hangarin
upang kamtin ang pinapangarap na simulain

kamulatang makauri, karapatan ng dukha
panawagan ng mga ninunong kasama'y madla
hustisyang panlipunan, karapatan ng paggawa
ay dapat isapuso't diwa tungo sa paglaya

minsan, kahit mumo na lang ang matira sa pinggan
patuloy pa rin sa pagkilos, pakikipaglaban
minsan, kahit mababad man sa araw sa lansangan
gagawin ang layunin hanggang mapagtagumpayan

- gregbituinjr.

Bakit may lahing pinili? Dapat wala!

"For you are a holy nation to the Lord your God. The Lord your God has chosen you out of all the nations on the earth, to be His own." - Deuteronomy 7:6

"All human beings are born free and equal in dignity and rights." - from Article 1, Universal Declaration of Human Rights (UDHR)

sa bibliya nga'y may lahing pinili, dapat wala
sa karapatang pantao, pantay bawat nilikha
kung may lahing pinili, ibang lahi'y balewala?
sa karapatang pantao, pantay-pantay ang madla!
kinikilalang may dignidad kahit sila'y dukha

magkaibang konsepto, ang isa'y galing sa diyos
ang isa'y mula sa paglaya sa pagkabusabos
subalit sinong babali sa gusto niyang taos
kung Palestinong inagawan ng lupa'y binastos
ang lahing pinili ba ang tutubos o uubos?

lahing pinili'y pinaniwalang di magagapi
kaya mababa ang tingin nila sa ibang lahi
dapat walang lahing pinili, pantay bawat lahi
walang Hudyo, walang Palestino, walang pinili
sa ating karapatan, walang espesyal na lipi

pantay dapat ang trato sa mahirap at mayaman
dapat kasama lahat sa pag-unlad ng lipunan
pagkasilang, tao'y may dignidad at karapatan
na dapat igalang, di balewalain ninuman
walang isang lahing pinili't kilalanin lamang

- gregbituinjr.