Martes, Setyembre 17, 2019

Bukas na liham sa mga magulang ng aktibista

BUKAS NA LIHAM SA MGA MAGULANG NG AKTIBISTA
Mula sa kolum na EAGLE EYES ni Tony La Viña
7 September 2019, The Standard
Malayang salin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr.

Sinulat ko ito para sa lahat ng magulang na may mga anak na aktibista. Isinulat ko rin ito sa aking mga kapwa guro na may mga estudyanteng aktibista.

Isa akong estudyante’t kabataang aktibista noong ako'y nasa hayskul at kolehiyo. Ako ngayon ay isang abogadong pangkalikasan na kumikilos sa internasyonal, isang manunulat at iskolar, isang panlipunang negosyante, at isang propesor ng batas, pilosopiya at pamamahala sa labing-isang pamantasan sa Pilipinas at maraming iba pang institusyon sa pag-aaral tulad ng Philippine Judicial Academy at ilang seminaryong Katoliko. Sa nakaraang apatnapung taon, hinawakan ko ang mga nangungunang panlideratong posisyon sa gobyerno, mga organisasyon sa internasyonal, pang-akademiko, propesyonal, at samahan ng mamamayan.

Utang ko ang aking propesyonal na tagumpay sa aking pagiging isang estudyante at kalaunan bilang isang panlipunang aktibista, lalo na bilang tagapagtaguyod ng kapaligiran at karapatang pantao. Dahil sa pakikipag-ugnayan ko sa mga pinakamalalaking isyu ng ating bansa at sa daigdig, nakakuha ako ng kaalaman, kasanayan, karanasan, talakupan (network), at karunungang nagdala sa akin sa kung nasaan ako ngayon.

Kasama na rito ang pagiging magulang ng mga kabataang may taya (commited) upang itayo ang isang mas magandang bansa, isang mas makatarungan at masayang lipunan - sa isang salita, aktibista.

Kamakailan, nakita natin ang pagtatangka ng ilang personalidad sa pamahalaan kabilang ang mga senador na maka-administrasyon, mga miyembro ng mababang kapulungan, at yaong may matataas na katungkulan sa militar at pulisya upang gawing krimen ang pagiging kasapi ng militanteng organisasyon at upang buhayin ang batas ng anti-subersyon na napawalang-bisa noong panahon ni Pangulong Ramos. Alam nating lahat, ang mga ligal na hakbang na ito’y matagal nang itinakwil bilang labi ng mapanupil na pamumuno ng rehimeng Marcos.

Alam nating lahat na tulad ng pinakamadilim na panahon ng batas militar, ang mga hakbang na ito'y walang ibang layunin maliban sa panggigipit sa mga lehitimong tinig ng protesta at oposisyon hanggang sa nararamdamang pang-aabuso at maling paggamit ng kapangyarihan. Bilang mga magulang, labis kaming nag-aalala na sa panahong ito kung saan lumaganap ang klima ng takot sa ating lipunan, kung titingnan ang libu-libong patay na ngayon bunga ng brutal na kampanya kontra-droga, at libu-libo pang mga hindi nalutas na ekstra-dyudisyal na pagpaslang, natatakot kaming ang aming mga anak ay maaaring mapabilang bilang bahagi ng kakila-kilabot na istadistikang ito, alinman dahil sila'y nabilanggo, naging biktima ng pagmamaltrato o baka mas masahol pa.

Maraming kabataan ang naging martir noong madilim na panahon ng diktadura, na lahat sila sa ngayon ay itinuturing nating bayani. Subalit wala sa amin bilang magulang ang nais itong mangyari sa aming mga anak.

Bagaman ang mga alalahanin namin bilang mga magulang ay maaaring lehitimo at ang aming mga takot ay di basta maipagkikibit-balikat lamang, dapat nating mapagtantong ang ating mga anak ay nasa hustong gulang na at mayroon nang kakayahang maging kritikal at may malayang pag-iisip at mas mahusay na paghuhusga. Maaaring may panahong ang ilan sa atin ay di nila nakakasundo sa kanilang pulitika, o sa pag-unawa sa ilang mga bagay na nangyayari sa kanilang paligid. Subalit magtiwala tayo sa kanilang paghuhusga. Kasama na rito ang pagtitiwala sa kanilang kakayahang makagawa ng kamalian. At kapag nagkamali sila, dapat naroon tayo upang matulungan sila - hindi ang murahin sila, hindi ang magalit sa kanila, kundi higit na mahalin sila.

Para lang nakatitik, naniniwala akong ang paraan pasulong para sa anumang lipunan upang malutas ang mga salungatan ay sa pamamagitan ng diyalogo at pinagkasunduan. Matagal ko nang tinalikuran ang matinding ideolohiyang balangkas o pagtatatak sa sinumang tao o pangkat ng mga tao bilang mga kaaway ng estado o ng mamamayan. Nagtuturo ako at nagpapayo sa mga aktibistang may iba’t ibang ideyolohikal na paniniwala; nagtuturo rin ako at nagpapayo sa mga opisyal ng militar at pulisya (ang ilan ay may mataas na ranggo), sa isang henerasyon ng mga negosyanteng panlipunan, mga opisyal mula sa lahat ng sangay ng pamahalaan, at maraming bilang ng mga pari at relihiyoso.

Kinokondena ko ang lahat ng anyo ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao - gawa man ng estado o ng iba pang mga grupo sa lipunan. Para sa akin, walang makakapagbigay-katwiran sa pagpapahirap o pagpatay sa isang adik sa droga, pinuno ng magsasaka, organisador ng unyon, tagapagtanggol ng karapatang pantao, abugado, hukom, mamamahayag, opisyal ng gobyerno, pulis, o kawal.

Ang tiyak, minsan ay di ako sang-ayon sa mga taktika at posisyon ng mga aktibistang nakakasalamuha ko, kasama na ang mga personal na malapit sa akin. Ngunit ang mas mahinahong paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga hindi pagkakasundong ito, kung mayroon man, ay gabayan sila, at bigyan sila ng payo sa kung ano ang pinaniniwalaan natin sa ating mga puso, ang tamang landas na kanilang gagawin.

Kung ang mga bata ay nasa panahong tinedyer pa lang, o mga menor de edad, natural na ang mga magulang ang mag-utos at manduhan sila kung ano ang dapat gawin at dapat nilang sundin kung itatanim lamang ang disiplina at itanim sa kanilang isip ang mga mabubuting kaugalian. Ngunit habang lumalaki ang ating mga anak, nagsisimula na nilang mabuo at linangin ang kanilang sariling pang-unawa sa mga bagay-bagay, naiimpluwensyahan na rin, ng kanilang pamilya, pakikipag-ugnayan, pisikal at panlipunang kapaligiran. Ang pinakapangit na bagay na gagawin natin ay kapag hindi natin pinahihintulutan ang mga ito, inaakusahan silang nakulapo ang utak, o inagaw ng mga militanteng organisasyon na sa katunayan ay nagbigay sa kanila ng mga kagamitan at pamamaraan upang makagawa ng pagkakaiba.

Maraming mga bata, dahil sa iba't ibang mga panloob at panlabas na impluwensya, ay maaaring mas naggigiit ng kanilang karapatan, mas sensitibo sa kawalang-katarungan at pang-unawa sa di pagkakapantay-pantay sa lipunan na nasa paligid nila kaysa sa iba, at hindi nasisiyahan na umupo ng nakatunganga at maghintay ng darating na pagbabago kundi laging handang kumilos upang itama ang kanilang pinaniniwalaang mali; samakatuwid, sila ang ating mga anak na piniling maging aktibista para sa pagbabago.

Sila ang mga kabataan, ang ating mga anak na lalaki at babae, na lumalahok sa mga rali, kilos protesta at demonstrasyon sa mga paaralan, lansangan, sa harap ng mga tanggapan ng pamahalaan, dayuhang embahada o kung ano pa man. Sila ang ating mga anak na nagpapahayag ng kanilang pagsalungat laban sa pagtaas sa singil sa matrikula, pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin, laban sa isang kalabang dayuhang gobyerno, opisyal na pang-aabuso at katiwalian at iba pang nauugnay na mga panlipunan at pampulitikang isyu.

Sinusuportahan ko ang mga kabataang ito pag nagsasalita sila ng katotohanan sa kapangyarihan. Ang katotohanan, kung iisipin kung nasaan ako ngayon at ang mga ugnayang mayroon ako, di ako magiging matapat tulad nila.

Tingnan ang mga kabataan ng Hong Kong! Magiging mas mahusay na Pilipinas tayo kung ang antas ng ating mga aktibista ay lumobo rin tulad ng paraang iyon.

Upang maibulalas ang mga hinaing at upang maipahayag ang opinyon at pananaw ng isang tao sa ilang mga bagay, kahit na ang mga ito ay hindi nasasang-ayon sa nasa-kapangyarihan at sa pakialamerong elitista, ay isang garantisadong karapatan at protektado ng ating mga batas, di man banggitin ang konstitusyon, ang pangunahing batas ng bansa. Mahalagang sangkap ito ng bawat gumaganang demokrasya na pahintulutan ang ating kabataan na maipahayag ang kanilang mga palagay at saloobin. Ang pigilan ang mga pangunahing kalayaang ito ay kontra-demokratiko at direktang salungat sa mga prinsipyo kung saan itinatag ang bawat sibilisadong lipunan.

Si Kailash Satyarthi, na nagkamit ng Gawad Nobel hinggil sa kapayapaan, na kumakatig sa kapangyarihan ng kabataan, ay minsang nagsabi: "Ang lakas ng kabataan ang karaniwang kayamanan para sa buong daigdig. Ang mukha ng mga kabataan ang mukha ng ating nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Walang bahagi ng lipunan ang maaaring tumugma sa lakas, ideyalismo, sigasig at katapangan ng mga kabataan. ”

Sa parehong kalagayan, ang kabataan ang palaging katalista o sanhi ng pagbabago sa bawat panahon ng kasaysayan ng ating bansa. Tulad ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na noon pa napagtanto at sinipi ang kanyang sinabing kahit na sa panahon na ang nasyonalismong Pilipino ay nasa yutong nagsisimula pa lang: "Ang kabataan ang pag-asa ng bayan".

Sa minamahal naming mga magulang at guro ng ating mga estudyante't kabataang aktibista, huwag tayong matakot! Magkasama nating hangaan ang mga kabataan natin ngayon - ang kanilang katapangan at ideyalismo, ang kanulang kakayahang mag-isip para sa kanilang sarili, ang kanilang pagtaya para sa isang mas mabuting Pilipinas at daigdig. Bilang mga magulang at guro, huwag natin silang hilahin o pigilan, ngunit samahan sila, suportahan sila, sa katunayan ay magmartsa at tanganan ang linya kasama nila kung kinakailangan.


'Open letter to parents of activists'
EAGLE EYES – Tony La Viña
7 September 2019, The Standard

I write this for all parents who have children that are activists. I also write this to my fellow teachers who have students who are activists.

I was a student and youth activist in my high school and college days. I am now an international environmental lawyer, a writer and scholar, a social entrepreneur, and a law, philosophy and governance professor in eleven Philippine universities and several other learning institutions like the Philippine Judicial Academy and some Catholic seminaries. In the last forty years, I have held top leadership positions in government, international organizations, academic, professional, and citizen organizations.

I owe my professional success to my being a student and later as a social activist, in particular as an environmental and human rights advocate. Because of my engagement in the biggest issues of our country and world, I acquired knowledge, skills, experience, networks, and wisdom that has brought me to where I am today.

That includes being a parent of young persons who are committed to build a better country, a more just and happy society – in a word, activists.

Recently, we have seen attempts by certain personalities in government including pro-administration senators, members of the lower house and ranking military and police personnel to criminalize membership in militant organizations and to revive the Anti-Subversion law which had been repealed during the time of President Ramos. As we are all too aware, these legal measures had long been repudiated as vestiges of the Marcos repressive rule.

We all know that much like during the darkest days of the Martial Law era, these measures have no other purpose than to stamp down legitimate voices of protest and opposition to perceived abuse and misuse of power. As parents, we are doubly concerned that in these times when a climate of fear have so permeated our society given the thousands who are now dead as a result of the brutal anti-drug campaign, and thousands more of unresolved extra-judicial killings, we are fearful that our children might be counted as part of this horrible statistic, either because they end up in prison, become victims of maltreatment or worse.

Many young people were martyred during the dark days of the dictatorship, all of whom we now hail as heroes. But none of us parents want that for our children.

While our concerns as parents may be legitimate and our fears cannot simply be shrugged off, we must also be aware that our children are of majority age and are perfectly capable of critical and independent thinking and better judgment. Some of us may not be in agreement at times with their politics, or perceptions of certain things that are happening around them. But we must trust their judgment. That includes trusting also in their ability to make mistakes. And when they make mistakes, we should be there to help them – not scold them, not get angry with them, but love them even more.

For the record, I believe strongly that the way forward for any society to resolve its conflicts is through dialogue and consensus. I have long ago abandoned rigid ideological frameworks or labeling any person or group of persons as enemies of the state or people. I teach and mentor activists of all ideological persuasions; I also teach and mentor military and police officials (some already with high rank), a generation of social entrepreneurs, many officials from all branches of government, and quite a number of priests and religious people.

I condemn all forms of violence and violations of human rights – whether by the state or by other groups in society. For me, nothing can justify the torture or killing of a drug addict, a peasant leader, a union organizer, a human rights defender, a lawyer, a judge, a journalist, a government official, a policeman, or a soldier.

For sure, I sometimes disagree with the tactics and positions of the activists I engage with, including those personally close to me. But the more prudent way of approaching these disagreements, if any, is to guide them, and give them advice on what we believe in our hearts is the right path for them to take.

When children are still in their teens, or minors, it is natural for parents to command and order them what to do and they have to obey if only to instill discipline and inculcate in them good values. But as our children grow into adulthood, they begin to form and cultivate their own perception of things, influenced, as it is by their familial, relational, physical and social environments. The worst thing we do is when we disempower them, accused them of being brainwashed, or being kidnapped by militant organizations that have in fact provided them with the tools and avenues to make a difference.

Many children, because of these varying internal and external influences, may be more assertive of their rights, more sensitive of injustice and perceptive of the social inequality that surround them than others, and are not contented to sit idly and wait for change to come but are always willing to take action in order to make right what they believe is wrong; hence, these are our children who opt to become activists for change.

These are the young people, our sons and daughters, who participate in rallies, mass protests and demonstrations in schools, streets, in front of government offices, foreign embassies or what not. These are our children who voice out their opposition against tuition fee hikes, rising prices of oil and commodities, against a hostile foreign government, official abuse and corruption and other relevant social and political issues of the day.

I support these young people when they speak truth to power. The truth is, given where I am now and the relationships I have, I cannot be as honest as them.

Look at the young people of Hong Kong! We would be a better Philippines if our ranks of activists would swell in the same way.

To ventilate grievances and to express one’s opinions and views on certain things, even if these may be unsavory to the power-that-be and the entrenched elite, is a guaranteed right and protected by our laws, not to mention the constitution, the fundamental law of the land. It is a vital component of every working democracy that our youth be allowed to air their opinions and grievances. To curtail these basic freedoms is anti-democratic and antithetical to the principles for which every civilized society is founded.

Noble peace prize recipient Kailash Satyarthi endorsing the power of the youth once said: “The power of youth is the common wealth for the entire world. The faces of young people are the faces of our past, our present and our future. No segment in the society can match with the power, idealism, enthusiasm and courage of the young people.”

In the same vein, the youth has always been a catalyst of change in every epoch of our country’s history. As our national hero Dr. Jose Rizal long ago realized and was quoted saying even during a time when Filipino nationalism was still at a nascent stage: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. (“The youth is the hope of our nation.”)

Dear parents and teachers of our student and youth activists let us not be afraid! Together let us be in awe of our young people today – their courage and idealism, their ability to think for themselves, their commitment to a better Philippines and world. As parents and teachers, let us not pull them back or restrain them, but be with them, always support them, in fact march and hold the line with them if necessary.

Lunes, Setyembre 16, 2019

May mga bangkang papel ako ngayong bumabagyo

may mga bangkang papel ako ngayong bumabagyo
bangkang papel na pawang liham sa ating gobyerno
mga mensahe hinggil sa karapatang pantao
para sa hustisya, may paglilitis at proseso

sa kanal at ilog inilagay ang bangkang papel
bakasakaling makarating sa sinumang sutil
nananawagang mga pandarahas ay itigil
at panonokhang sa mga inosente'y mapigil

nawa'y mabasa ninyo ang mensaheng nakasulat
sa mga bangkang papel na may isinisiwalat
mensahe sa taumbayang dapat silang mamulat
at kumilos para sa hustisya para sa lahat

simpleng bangkang papel na payak ang pagkakagawa
subalit handa sa pagharap sa maraming sigwa
bangkang papel na di sana tumirik sa simula
gaano man kahirap ay marating din ang sadya

- gregbituinjr.

Nakikita mo ba ang puso kong nahihirapan

Nakikita mo ba ang puso kong nahihirapan
Gumigiti sa noo ang pawisang karanasan
Ikaw ang mutyang sa puso'y nakikipagsiksikan
Tinutulak ng dibdib ang iwi kong karukhaan
Itinitirintas sa puso ang iyong larawan

Nawa ang danasin ko'y di pawang paghihinagpis
Akong nagmamahal sa iyo'y laging nagtitiis
Muli sana kitang makitang may ngiting kaytamis
At tititigan ka upang sa diwa'y di maalis
Ngiti mong kayganda'y makintal sa puso kong hapis

Dahil sa ngiti mo, ginhawa'y mararamdaman ko
Ikaw ang minumutyang sa buhay ko'y magbabago
Yamang iniibig kita, ako'y nagsusumamo
Ako'y iyong muling hagkan, at magniig tayo
Ngiti naman diyan, at magagalak ang puso ko

- gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 15, 2019

Karumal-dumal na krimen ng pamahalaan

karumal-dumal na krimen ng gobyerno ang tokhang
proseso'y binabalewala, basta pumapaslang
ng walang awa, mga berdugo'y may pusong halang
para raw sa kapayapaan, tao'y nililinlang
ang totoo, tokhang ay naging tokbang: tok-tok, bang! bang!

tokhang ang karumal-dumal na krimen ng gobyerno
papaslang ng walang paglilitis, walang proseso
ang inatasang pumaslang ay sadya bang berdugo?
wala bang pakiramdam sa kanilang kapwa tao?
wala bang pakialam sa wawaksang buhay nito?

ngunit kung gobyerno'y may karumal-dumal na krimen
sino kayang makapipigil sa mga salarin?
sinong mga dapat kasuhan, anong dapat gawin?
hustisya sa mga biktima'y paano kakamtin?
mga krimeng ito'y hahayaan na lang ba natin?

ang masa bang pumapalakpak sa gobyerno'y hangal?
magulang ng batang pinaslang ay natitigagal!
kanino hihingi ng hustisya, saan aangal?
ah, mabuti pang anak mo'y kusang nagpatiwakal
kaysa pinaslang sa pamaraang karumal-dumal!

- gregbituinjr.

Ang Tatlong B

may tatlong B na kandidato sa pagkasenador
ang nanalo't sa senado ngayon ay nagmomotor
parang eksena sa pelikula, may aksyon, horror
na animo'y sa maraming taliwas pumapabor

sila ba ang tatlong B na kapara'y tatlong bibi
na sa mga maling polisiya nabibighani
na sa isyung karapatang pantao'y nabibingi
na sa usaping hustisya sa masa'y napipipi

ayos lang sa kanila ang magkaroon ng tokhang
na parang manok ang buhay, binabaril ng halang
walang proseso, walang paglilitis, pumapaslang
sa nagkalat ngang bangkay ay mapapatiimbagang

sa tatlong senador B, ito pa ba'y balewala
mga namatayang ina'y patuloy sa pagluha
sina Bunggo, Bato't Bodots ba'y anong ginagawa
upang krimeng pagtotokhang ay tuluyang mawala

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 14, 2019

Pagpupugay sa ika-26 anibersaryo ng BMP

taas-kamaong pagpupugay sa anibersaryo
ng ating Bukluran ng Manggagawang Pilipino
o BMP - samahan ng sosyalistang obrero
na itinataguyod ang kapakanan ng tao

mabuhay kayo! mga kasama ko sa BMP
halina't sa obrero'y patuloy tayong magsilbi

magpalakas pa tayo't tiyaking nagkakaisa
ang mga manggagawa sa bawat pakikibaka
tungo sa adhikaing pagbabago ng sistema
at pagtatayo natin ng lipunang sosyalista

mga kasama sa BMP, mabuhay! mabuhay!
kapitbisig hanggang laban ay maipagtagumpay!

ito mang dagat ng pakikibaka'y anong lalim
may natatanaw na pag-asa kahit naninindim
ang BMP ang liwanag sa pusikit na dilim
sa matinding sikat ng araw ay punong malilim

- gregbituinjr.

Sa mga tulad naming tibak, bawal magkasakit

sa mga tulad naming tibak, bawal magkasakit
lalo't ang bulok na lipunang ito'y anong lupit
sa disiplina sa katawan ay dapat mahigpit
tiyaking maayos na kalusugan ay makamit

halina't kumain ng gulay na nagpapalakas
ng katawan, ng kalamnan, sa tuhod pampatigas
huwag sobrang karne't mamantika, laging maghugas
ng kamay kung kakain, at balatan din ang prutas

dapat magpalakas ang tibak at maging malusog
lalo't ipinaglalabang pangarap ay kaytayog
huwag magpuyat, tiyaking walong oras ang tulog
sapat ang kain, huwag masyadong magpakabusog

ang kalusugan sa pakikibaka'y mahalaga
kaya di dapat nagkakasakit ang aktibista
kung sakaling magkasakit, dapat tulungan sila
dahil sila'y ating kasama sa pakikibaka

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 13, 2019

O, kayrami nang namatay laban sa pagmimina

O, kayrami nang namatay laban sa pagmimina
kamatayan nila'y di dapat hanggang alaala
dapat makamit ng mga biktima ang hustisya
pagmimina'y itigil na, alang-alang sa masa

"Tao Muna, Hindi Mina!" Ito ang panawagan
pagkat patuloy ang pagkawasak ng kalikasan
patuloy ang pagbalahura sa kapaligiran
dapat lang makibaka ang masa ng sambayanan

tuligsain ang mga dambuhalang korporasyon
ng pagmiminang sumisira sa bukas ng nasyon
tiyaking katutubo'y mamumulat at babangon
nang ipagtanggol ang lupang ninuno nila ngayon

sa tubo sa mina, kapitalista'y nanggigigil
na tuwang-tuwang lalaki ang tiyan nila't bilbil
ngunit mapanirang pagmimina'y dapat matigil
at korporasyon ng pagmimina'y dapat masupil

- gregbituinjr.
* nilikha at binigkas ng makata sa rali ng mga estudyante sa harap ng tulay ng Mendiola, kasama ang PUP SPEAK at Alyansa Tigil Mina (ATM), umaga ng Setyembre 13, 2019, araw ng Biyernes

Huwag nating hayaang itayo ang Kaliwa Dam

huwag nating hayaang itayo ang Kaliwa Dam
pagkat palulubugin nito ang maraming bayan
masisira ang mga ilog, buong katubigan
mawawasak ang tirahan ng hayop, kagubatan

apektado ang ibon at rosas, flora at fauna
katutubo'y mapapalayas sa tahanan nila
tiyak matutuwa lang ang mga kapitalista
habang wasak ang kalikasan at buhay ng masa

pagtatayo ng bagong dam sa bayan ay pahirap
uutang pa sa Tsina ang gobyernong mapagpanggap
panibagong utang ay sadyang di katanggap-tanggap
pagkat iyang saplad sa masa'y di naman lilingap

huwag na pong magtayo ng bagong dam, huwag na po
tutol ang taumbayan, baka dugo pa'y mabubo
ipagtanggol ang tahanan ng mga katutubo
huwag nang itayo ang Kaliwa Dam, huwag na po

- gregbituinjr.
* saplad - tagalog ng dam, ayon sa English-Tagalog dictionary ni Fr. James English

Nais kong lumikha ng mga tulang mapanuri

nais kong lumikha ng mga tulang mapanuri
na sa rali'y bibigkasin anong tugon at sanhi
ng samutsaring isyung sa labi'y mamumutawi
sa parlamento ng lansangan magtatalumpati

tutulain ko sa bawat rali'y isyung pambayan
babanatan din ang tusong trapo't katiwalian
sa loob at labas man ng ating pamahalaan
pawang mga hakbang sa pagbabago ng lipunan

tatalakay sa ano, paano, gaano't bakit
bakit dapat ikulong pag nanggahasa ng paslit?
gobyerno ba'y masisisi pag dukha'y nagigipit?
anong dapat gawin sa kapitalistang kaylupit?

lalamnin ng aking mga tula'y panunuligsa
sa bulok na sistemang kayraming kinakawawa
magiging palawit sa protesta ang talinghaga
habang minumulat bilang uri ang manggagawa

- gregbituinjr.

Huwebes, Setyembre 12, 2019

O, Tao, anong gagawin sa basura mo?

Mabuti pa ang mga hayop
Di nagtatapon ng basura
Habang tao'y dapat maayop
Basura nila'y naglipana

Basurang plastik nakakain
Ng mga nilalang sa dagat
Upos nga'y lulutang-lutang din
Sa upos, isda'y nabubundat

Kinain ng tao ang isdang
Nabusog sa kayraming plastik
Nabundat din ang dambuhalang
Isdang yaong mata'y tumirik

Anong dapat gawin, O, Tao
Nang ganito'y di na mangyari
Tapon ng tapon lang ba tayo
Pagsisisi'y laging sa huli

- gregbituinjr.
* ayop - alipusta, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 95

Pagkainis sa sarili

minsan, maiinis ka talaga sa sarili mo
na maiisip mong sapakin ang panga mo't ulo
bakasakaling magtanda ka sa ginagawa mo
at mapanuto ang sarili sa tama o wasto

subalit bakit sasaktan ang sariling kalamnan
masokista ka ba't sinasaktan ang katauhan
maiinis ka minsan sa iyong kapaligiran
kaya nais mong magwala o mawalang tuluyan

kinakailangan ding habaan itong pasensya
upang makapag-isip ng wasto't anong taktika
upang malutas ng mahinahon iyang problema
upang magawang paraang baguhin ang sistema

talagang minsan, ang sarili mo'y nakakainis
ngunit isipin mo ring problema mo'y mapapalis
kailangan ng kaunting tiyaga't pagtitiis
malulutas din ang problemang sa iyo'y tumiris

- gregbituinjr.

Ang dalawang makatang nagngangalang Emily

ANG DALAWANG MAKATANG NAGNGANGALANG EMILY
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakabili ako ng aklat ng koleksyon ng mga tula ni Emily Bronte nitong Hunyo 7, 2019 sa Full Booked sa Cubao, sa halagang P80.00 lang, sa pag-aakalang ang nabili kong aklat ay ang sikat na si Emily Dickinson. Hindi pala siya iyon, kundi si Emily Bronte.

Kaya natuwa ako nang makita ko sa Book Sale sa panulukan ng Pedro Gil St., at Leon Guinto st. sa Malate, Maynila, ang aklat ng koleksyon ng mga tula ni Emily Dickinson noong Setyembre 8, 2019 sa halagang P85.00 lamang.

Dalawang Emily. Dalawang babae. Dalawang makata. Kapwa may koleksyon ng kani-kanyang mga tula. Ang isa ay mula sa Inglatera at ang isa naman ay mula sa Amerika. Punumpuno ng emosyon ang karamihan sa kanilang mga tula. Matalinghaga.

Si Emily Bronte ay makata at nobelistang nagsulat ng natatangi niyang nobelang Wuthering Heights. Ang kanyang kapatid na si Charlotte Bronte naman ang nagsulat ng nobelang Jane Eyre, at ang isa pa niyang kapatid, si Anne, ang nagsulat naman ng nobelang Agnes Grey.

Nalathala naman ang mga aklat ng tula ni Emily Dickinson mula nang siya'y mamatay. Ayon sa mga tala, nalathala ang wala pang dalawampung tula niya noong nabubuhay pa siya. At nang mamatay siya ay saka natagpuan ng kanyang kapatid na si Lavinia ang kanyang mga nakatagong maraming bulto ng tula.

Inilathala ng Penguin Classics ang koleksyon ng mga tula ni Emily Bronte sa aklat na The Night is Darkening Round Me, subalit walang pagtalakay sa buhay ng makata. Kaya kinailangan ko pang magsaliksik sa internet hinggil sa kanyang talambuhay

Inilathala naman ng Orion Publishing Group sa seryeng Everyman's Poetry ang koleksyon ng mga tula ni Emily Dickinson na ang kanyang pangalan ang mismong pamagat ng aklat. Umabot ng 20 pahina ang pagtalakay sa kanyang buhay, na tinilad sa apat na paksa: (a) Note on the Author and Editor; (b) Chronology of Dickinson's Life and Times; (c) Introduction; at (d) A Note on this Text.

Klasiko nang maituturing ang kanilang mga tula, at marahil ay matatagpuan na ang mga ito sa mga aklatan sa iba't ibang panig ng daigdig.

Sa panig ko naman, naging ugali ko nang mangolekta ng mga aklat ng mga tula ng iba't ibang makata, Filipino man o tagaibang bayan. Ito'y bilang pagsuporta sa kanilang mga tula at pagbibigay-pugay sa mga kapwa makata. 

Kaya bagamat di sapat ang salapi sa bulsa ay ibinili ko ng aklat, pagkat bihira nang matagpuan ang kanilang mga aklat sa ating bansa. Collectors' item ang mga ito, ika nga. Marahil sa internet na lang makikita ang mga likha nila, subalit ang magkaroon ka ng nalathalang aklat nila ay talaga namang kakaiba ang pakiramdam. Naamoy mo ang papel, at nadarama mo ang kanilang mga pangungusap, wala mang kuryente o internet. Kaya tiniyak kong madagdag sa aking lagakang aklat o munting aklatan ang mga hiyas ng diwa ng dalawang Emily.

Isinilang si Emily Bronte noong Hulyo 30, 1818 at namatay sa edad na 30 taon noong Disyembre 19, 1848. Isinilang naman si Emily Dickinson noong Disyembre 10, 1830 at namatay sa edad na 55 noong Mayo 15, 1886.

Sanggunian
aklat na Emily Dickinson, serye 38 ng Everynan's Poetry
https://www.poetryfoundation.org/poets/emily-bronte
https://www.poetryfoundation.org/poets/emily-dickinson
https://en.wikipedia.org/wiki/Emily_Bront%C3%AB
https://en.wikipedia.org/wiki/Emily_Dickinson





Miyerkules, Setyembre 11, 2019

Samutsaring salamisim

lumipad akong kaytulin tulad ng ipuipo
bakasakaling di na ako abutan ng bagyo
habang nagniningning ang alitaptap sa dulo
ng ilang na patutunguhan ay di mo makuro

sumpa man, di ako si Batman, at di rin si Robin
lalo na't di ako ang kalaban nilang si Penguin
isa lang akong hampaslupang walang lupang angkin
o kaya'y dukhang sa di ko lupa inaalipin

yaring puso kong nasasaktan ay nais mag-amok
di ko maawat, ayaw paawat, nais manapok
ngunit bakit naglipana ang laksa-laksang lamok
gabi na pala't tinatablan na ako ng antok

magtitimpla muna ako ng mainit na kape
dapithapon pa lang ngunit animo ito'y gabi
mabibitag ko pa kaya ang mapanirang peste
bakasakaling ang kabukirang ito'y bumuti

- gregbituinjr.

Simbangis ng leyon

sa punonglungsod ay kaytataas na ng gusali
habang tanaw ang iskwater, dukha'y nasa pusali
naroon ang mga tusong trapong magkaurali
na nagkakasundo dahil parehas ng ugali

kung namumunong diktadura-elitista'y dragon
mapagsamantala't ang tingin sa dukha'y palamon
tibak yaong mabangis at mapagpalayang leyon
na sasagip sa aping masa upang makaahon

simbangis ng leyon ang mga tibak na Spartan
alisto sila lalo na't madilim ang silangan
di lubos maisip kung nasaan ang katarungan
habang binabaybay ang maalong dalampasigan

di sumusuko ang mga tunay na mandirigma
pagkat sila'y handa anumang kaharaping sigwa

- gregbituinjr.

Salamat sa mga tagapayo't guro

tuwang-tuwa ang maestra sa kanyang estudyante
pag nakasasagot sa resitasyon, kami'y saksi
lalo't inspirasyon ang maganda niyang kaklase
na sana'y di mabigo sa mayuming binibini

mag-aral kayong mabuti, ang payo ng maestra
upang maging handa sa kakaharaping problema
ngunit magbabago kaya ang bulok na sistema
upang di pulos salapi ang iisipin nila

dapat ituro'y di pagkamakasarili't ganid
dapat ang ating kapwa'y ituring nating kapatid
dapat magpakatao't kabutiha'y ating batid
dahil kapayapaan sa mundo'y dapat mahatid

maraming salamat sa mga tagapayo't guro
upang sa mga pagsubok ay di agad sumuko

- gregbituinjr.

Martes, Setyembre 10, 2019

Nahan ang sagot?

maasim ba ang lasa ng sinampalukang manok
paano naman yaong lasa ng sistemang bulok
matamis ba ang nalalasap ng buhay sa tuktok
o malansa't walang tapat na kasama sa rurok

mga tanong na di matanong sa buhay na ito
pagkat baka sabihing tayo'y sangkaterbang gago
subalit makatang tulad ko'y tanong nga'y ganito
na sinusuri'y buhay sa lipunan at gobyerno

isa lang akong aktibistang masikap sa buhay
nagsisipag din upang sa obrero'y magtalakay
kung ano ang kahirapan, ano ang pantay-pantay
sa lipunang ang tugon ay di pa nahahalukay

narito akong hinahagilap ang mga sagot
kahit na kadalasan ako ay nagbabantulot
mahanap ko sana, kaharap ko man ay hilakbot
upang ialay sa bayan, gaano man kalungkot

- gregbituinjr.

Isang makipot na daan itong aking tinahak

isang makipot na daan itong aking tinahak
upang ipagtanggol ang bayan at di mapahamak
upang ang aking pamilya'y di gumapang sa lusak
upang prinsipyo kong niyakap ay maging palasak

isa lamang akong hampaslupang nakikibaka
upang tuluyang mabago ang bulok na sistema
di magigiba't pinalalakas ang resistensya
at di rin manghihina basta't kasama ang masa

oorganisahin ang kasangga kong manggagawa
bilang isang uri't bilang hukbong mapagpalaya
bihira man ang tumatahak sa putikang lupa
subalit naririto't layunin ay ginagawa

sa mga tulad kong mandirigmang tibak, mabuhay
sama-sama nating diwang sosyalismo'y mapanday
upang lipunang makatao'y ating maibigay
sa mga henerasyong nawa'y pagpalaing tunay

- gregbituinjr.

Bakit natin dapat alagaan ang kalikasan

bakit natin dapat alagaan ang kalikasan
ito'y aking katanungang dapat may katugunan
hinagilap ko ang sagot sa iba't ibang bayan
hanggang nagbabagong klima'y akin nang naramdaman

ilang taon na lang daw, tataas na itong dagat
mga yelo'y matutunaw, di akalaing sukat
dagdag pa'y titindi raw ang mga bagyo't habagat
kung mangyari ito'y may paghahanda ba ang lahat

di lang simpleng mag-alaga ng bulaklak sa hardin
di lang simpleng magtanim ng prutas sa lupa natin
dapat wala nang plastik sa dagat palulutangin
dapat wala nang mga plantang coal ay susunugin

dapat itigil ng Annex I countries ang pagsunog
ng mga fossil fuel na sa mundo'y bumubugbog
pagtindi ng global warming ay nakabubulabog
dapat may gawin tayo bago pa bansa'y lumubog

di lang simpleng mag-drawing ng magandang kagubatan
di lang simpleng ipinta't itula ang kaburiran
dapat kongkreto'y gawin sa kongkretong kalagayan
magtulungan na upang iligtas ang kalikasan

- gregbituinjr.

Lunes, Setyembre 9, 2019

Sanay din akong maglagare't magkayod-kalabaw

sanay din akong maglagare't magkayod-kalabaw
sa anumang gawain ay masipag araw-araw
naroon man sa gubat na madilim at mapanglaw
upang mabuhay lamang ay nagsisipag gumalaw

masipag akong obrero't inaabot ang kota
na inaambag ko'y produktibidad sa kumpanya
sa dami nilang tinutubo'y tuwang-tuwa sila
habang karampot lang ang nabibigay sa pamilya

sa araw-araw na buhay, di ako naging tamad
pag kinakailangan, aba'y gagawin ko agad
magwalis at maglaba, sinampay man ay ibilad
basta di kumplikado't ang paa ko'y nakasayad

tatamarin kang gawin pag di alam ang diskarte
sasampa ka sa bubong, aakyatin mo ang poste
walang kasanayan sa gawain, lalo na't libre
paano aayusin ang alambre ng kuryente

walang tinatamad basta klarado ang tungkulin
magsisipag kang talaga lalo't sweldo'y di bitin
walang tamad basta para sa pamilya'y gagawin
magsisipag ka basta unawa mo ang layunin

- gregbituinjr.