Lunes, Setyembre 9, 2019

Payapa kong ninanamnam ang sakit ng kalamnan

payapa kong ninanamnam ang sakit ng kalamnan
matindi man ang kirot ng sikmura ko't likuran
sinanay magtiis bilang aktibistang Spartan
kaya anumang sakit ay binabalewala lang

kahit kailangang magsabi ng aray, ayoko
isa akong tibak na di dapat iskandaloso
di sisigaw kahit mahapding mahapdi na ito
kakayanin anumang sakit, mamatay man ako

kahit tortyurin ako'y di susuko sa kaaway
aksidente man ang mangyari'y di pa rin aaray
lalaki'y di iyakin, lumaking ito ang gabay
maghihilom din naman anumang sakit na taglay

anumang nangyari, sarili'y ayokong sisihin
sinanay kaming kahit masaktan ay matiisin
kung sakaling masugatan, sarili'y gagamutin
pagkat anumang pagsubok ay malalagpasan din

- gregbituinjr.

Salamisim sa magdamag

SALAMISIM SA MAGDAMAG

KILAY

mabuti nang walang kilay
kaysa magtaas ang kilay
mabuti nang nabubuhay
ng may dignidad na taglay

PASASALAMAT

nais kong magpasalamat
sa aking ermat at erpat
sa pagsinta nilang sukat
sa tulong at lahat-lahat

mabuhay kayo, tatay, nanay
sa pagsinta ninyong bigay
mga payo ninyong tunay
sa puso't diwa ko'y taglay

HUSTISYA

hustisyang panlipunan
ay laging ipaglaban
may budhing mamamayan
ang ating kailangan

ANG NASA

ang layunin ko, sinta
ay pakamahalin ka
habang nakikibaka
para sa layang nasa

BAYANIHAN SA DYIP

sa dyip, may bayanihan
pasahero'y tulungan
lalo't nag-aabutan
ng bayad at suklian

di man magkakilala
ay bayanihan sila
tulungan bawat isa
sa sukli't bayad nila

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Setyembre 1-15, 2019, p. 20

Linggo, Setyembre 8, 2019

Relatibo ang katamaran at kasipagan

anong ipagsisipag kung wala namang gagawin?
sasabihan kang tamad sa di mo naman tungkulin?
magsisipag ka talaga kung may trabahong angkin
dahil ang lakas-paggawa mo'y kanilang bibilhin

tinatamad ka di naman dahil likas kang tamad
at di rin naman dahil iyan na ang iyong palad
kundi walang bumili ng lakas-paggawang singkad
ngunit kung may trabaho ka'y kanina pa lumakad

maglalasing ka ba kung may trabahong naghihintay
o kahit may trabaho'y tatagay pagkat pasaway
kung pahila-hilata, baka napagod kang tunay
kailangan lang, unawain ka nilang mahusay

di naman dahil patulog-tulog ka na'y tamad ka
baka iyang lakas mo'y iyo lang nirereserba
sa naghihintay na trabahong di mo malaman pa
na pag nagkatrabaho, sipag mo'y ipakikita

wala namang sadyang tamad kung ika'y magugutom
magtatrabaho ka upang pamilya mo'y mabusog
kaya magsisipag ka kung may dahilan at layon
kung tinatamad ka'y baka wala kang inspirasyon

- gregbituinjr.

Huwag maging makasarili, iligtas din ang kapwa

"Think lightly of yourself and think deeply of the world." ~ Miyamoto Musashi

ang sarili'y huwag mo gaanong pakaisipin
kundi ang daigdig ay paano natin sagipin
huwag maging makasarili, o ang maging sakim
lalo't mundo'y nahaharap sa matinding panimdim

matindi ang global warming, dagat ay umaangat
dambuhalang tipak ng yelo'y natunaw sa dagat
nangyayaring krisis sa klima ngayo'y nauungkat
may magagawa bang mabilisan pag naghabagat

isipin natin ang kinabukasan ng daigdig
tungkulin ng bawat isa'y makipagkapitbisig
upang malutas ang suliraning nakatutulig
paano bang mapanira ng mundo'y mauusig

huwag laging isipin lang ay sariling pamilya
o sariling kaligtasan, kapwa'y di isinama
magpakatao tayo't makipagkapwa sa iba
iisa lang ang mundong tahanan ng bawat isa

ang problema sa krisis sa klima'y nakasisindak
kaya isipin na rin ang bukas ng mga anak
pagtutulungan ng mga tao'y dapat lumawak
upang sa krisis sa klima'y di tayo mapahamak

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 7, 2019

Alingasngas

tumakbo akong anong bilis upang makaihi
animo'y hinehele ng dumaraang buhawi
nang biglang madulas sa banyo sa pagmamadali
habang nagtatalik sa dingding ang mga butiki
pati na mga aso sa kanto'y nananaghili

payapa pa ba ang gubat sa dami ng ulupong
habang sa bansa'y kayraming tiwali't mandarambong
pati pagpapasya ng namumuno'y urong-sulong
di malaman kung sa bahang mababaw ay lulusong
habang kaysarap ng luto ng kangkong at balatong

manamis-namis ang gatas na natira sa tsupon
habang kaysisipag ng langgam sa hagilap-tipon
ng tirang pagkain ng mga aksayadong miron
habang kuwago'y naroong sa puno humahapon
naglalanguyan naman sa lamig ay nagsiahon

lalabhan ko na, mahal, ang marurumi mong damit
huwag lang pagsinta mo sa akin ay ipagkait
kukusot, babanlawan, isasampay, isasabit
habang ang iba naman ay gagamitan ng sipit
nang biglang pinagpawisan sa pagtawag ng kabit

- gregbituinjr.

FeaTIBAK (1993-1997)

di ako mula U.P., La Salle, U.S.T., o AdMU
kaya di matanggap sa inaaplayang N.G.O.
di na rin ako bumabata't may edad na ako
tulad kong tibak ba'y mag pag-asa pang magkasweldo?

trabaho ng trabaho dahil pultaym akong tibak
laban ng laban dahil maralita'y hinahamak
rali ng rali kahit kaharap na'y mga parak
kamao'y kuyom, pinakikitang di nasisindak

di man nangunguna ang pinasukang eskwelahan
ngunit maraming tibak ang galing sa pinasukan
pinagmulan ng maraming aktibistang Spartan
na sinanay upang depensahan ang uri't bayan

subalit tumatanda na't kailangang kumayod
wala nang libre, dapat nang magtrabahong may sahod
mahirap namang kaysipag mo ngunit nakatanghod
nagbibilang ng poste't sumasahod sa alulod

di man nanggaling ng AdMU, La Salle, U.S.T't U.P.
pinasukang eskwelahan ko'y pinagmamalaki
sa tibak nga'y kayraming humahangang binibili
pagkat matitikas kaming tibak at di salbahe

muli, may N.G.O. pa kayang sa akin tatanggap
upang pamilya'y di sumala't di aandap-andap
makakaalpas pa ba sa dinaranas na hirap
at maaabot pa ba ang sosyalismong pangarap

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 6, 2019

Sala sa oras ng pananghalian

nag-order ng lunch, ngunit dadalhin ng alauna
anong klaseng lohika ito, tanong ng kasama
aba'y tanghalian nga, eh, tanghalian, aniya
bakit alauna pa, dapat alas-dose, di ba?

sa isang opisina'y nagpupulong kami noon
pinulutan ay debate bagamat mahinahon
alas-dose na't ramdam na nila ang pagkagutom
oras ng pananghalian dapat kumain doon

umaga nag-order ng lunch, alauna dadalhin
aba'y grabe na iyon, BP mo'y patataasin
pananghalian kaya dapat alas-dose gawin
inorderan ng luto'y tila walang malay man din

kung agahan nga, dapat luto na ng alas-syete
dapat kung tanghalian, luto na ng alas-dose
dapat nagluluto'y di bulag, di pipi, di bingi
nasa oras lagi yaong tunay na nagsisilbi

- gregbituinjr.
* Nilikha sa pulong ng isang koalisyon hinggil sa karapatang pantao kung saan nagkomento ang isang kasama na darating ang inorder nilang pananghalian ng alauna ng hapon imbes na sa oras ng pananghalian

Maligayang kaarawan po, Inay

isang maalab na pagbati sa mahal kong nanay
sa kanyang kaarawan, taospusong pagpupugay
nawa'y wala kayong sakit, nasa mabuting lagay
nawa'y masaya po kayo't humaba pa ang buhay

sa inyo pong ikapitumpu't tatlong kaarawan
itong pagbati'y makarating sana sa tahanan
wala man akong regalo kundi pagbati lamang
ang asam ko'y makadama kayo ng kagalakan

mahal kong ina, nagpupugay akong taasnoo
dahil pinalaki nyo kaming matatag sa mundo
lalo't higit pitong dekada na ang narating nyo
sa magkakapatid, mahal na mahal namin kayo

inang mahal, maligayang kaarawan po muli
sana'y malusog po kayo't maging masaya lagi

- gregbituinjr.
09/06/2019

Huwebes, Setyembre 5, 2019

Ako'y aktibistang Spartan sa puso ko't diwa

ako'y aktibistang Spartan sa puso ko't diwa
aking inoorganisa ang uring manggagawa
upang maging matatag na hukbong mapagpalaya
itatatag ang isang bagong lipunang malaya

ako'y kumilos sa kabila ng walang salapi
matatag sa pagsubok kahit dama'y pagkasawi
nariritong tumutulong sa masa kahit munti
nilulusong itong baha umabot man sa binti

nakikibaka, inaalay sa bayan ang buhay
inaalay ang panahon sa pagsisilbing tunay
sa masang nakikibaka'y tunay na kaagapay
ipinaglalaban ang hustisya't prinsipyong taglay

kumikilos kaming mga aktibistang Spartan
bilang mandirigma ng uring manggagawa't bayan
pinagtatanggol ang sambayanan at kalikasan
pati na rin karapatang pantao't katarungan

- gregbituinjr.

Sa mundong ito'y maraming salimpusa

sa mundong ito'y maraming tulad kong salimpusa
animo'y di kasama sa lipunan kaming dukha
tingin sa ami'y bobo, walang aral, walang mukha
tingin nila sila'y bibo, mayaman, pinagpala

isusumpa mo ba ang tulad naming mahihirap?
wala bang pakialam sa danas naming masaklap?
adhikain namin ay nalalambungan ng ulap
ngunit nagpapakatatag, dusa ma'y nalalasap

kaming dukha'y salimpusa sa ganitong lipunan
di kami isinama sa pag-unlad ng iilan
etsapuwera kami sa kanilang kaunlaran
kami ang mga pusa kung aso ang daigdigan

salimpusa'y dapat may sariling mundong mabuo
kung saan pagsasamantala'y tuluyang maglaho
at doon, bulok na sistema'y tiyak na guguho
pagkat lahat ng mapagsamantala'y igugupo

- gregbituinjr.

Sugat sa likod at tagiliran

bumubula rin ang dugo sa aking tagiliran
pinilit ko pa ring umiwas ngunit natamaan
mabuti naman, daplis lang, ako'y di napuruhan
isang mandirigmang akala mo'y di tinatablan

narito't tila may sugat na rin ang aking likod
gayong sa kabila ng mahusay kong paglilingkod
ay nangyari ito't bakit kaya ako sinugod
habang nakapaligid nama'y pawang nakatanghod

naalala ko, sa noo'y tinutukan ng baril
di ko batid bakit sila sa akin nanggigigil
ang daliri'y nasa gatilyo, di mapisil-pisil
nakukunsensya na nga ba't sino ang pumipigil

mamamatay akong sosyalismo'y inilalaban
mamamatay ding kapitalismo'y nilalabanan
ako'y nagpupugay din sa lahat ng lumalaban
upang mundo'y maging payapa't wala nang labanan

- gregbituinjr.

Miyerkules, Setyembre 4, 2019

Tula sa kaarawan ng biyenan at ni inay

SA KAARAWAN NG AKING BIYENAN (SETYEMBRE 5, 2019)
AT NG AKING MINAMAHAL NA INA (SETYEMBRE 6, 2019)

mahal na Nanay Sophia, mahal na Nanay Virgie
nawa'y nasa mabuti kayong kalagayan lagi
at paggabay nyo sa mga anak ay manatili

kayo'y aking mga inang tunay na minamahal
pagkat inihahandog nyo'y mga gabay at aral
upang kami'y mapanuto at bumuti ang asal

kami'y inalagaan mula pa sinapupunan
hanggang kami'y isilang at bigyan nyo ng pangalan
hanggang marating ang kasalukuyang katayuan

maligayang kaarawan po sa inyong dalawa
inspirasyon kayo ng mga anak sa tuwina
nawa'y kamtin nyo'y buhay na malusog at masaya

happy birthday, taas-noong pagpupugay sa inyo
kayo ang sanhi bakit kami'y narito sa mundo
muli, maligayang kaarawan! mabuhay kayo!

- gregbituinjr.

Markang bungo

kapara ko'y bungong nakatunganga sa kawalan
nakatitig sa kisame, may ulap sa isipan
tangay ng hangin mula kanluran tungong silangan
nananaginip, lumalaban doon sa sabungan

magkano bang inyong pusta sa aking talisayin
magaling itong umiwas nang dagitin ng lawin
matikas, maginoo, mahinahon pa't abuhin
marami nang nabiktimang dumalaga't inahin

bungo pa rin akong sa kawalan nakatunganga
kagaya ko rin lang ang mga maharlika't dukha
sinumang tao'y mamamatay, mangmang at dakila
isinilang ng hubad, ibabaon din sa lupa

hiling ko'y huwag pagkaitan ng luksang parangal
may munting programa, na di pala tayo imortal
may tutula, kahit tingin man nila ako'y hangal
na tulad ko palang tibak ay kumilos ng banal

- gregbituinjr.

Singgaan lang ako ng balahibo pag namatay

singgaan lang ako ng balahibo pag namatay
sa malao't madali'y maaagnas din ang bangkay
obrero'y magsasabi kung nagsilbi akong tunay
na inalay ko sa kilusan ang iwi kong buhay

wala naman akong pag-aaring ihahabilin
sa burgesya iyon, may pag-aaring mamanahin
tibak akong walang anumang pag-aaring angkin
kundi isip, lakas-paggawa't katawang patpatin

ayokong mamatay sa sakit kundi sa labanan
hanggang huli, nais kong mamatay sa tunggalian
marahil, bala sa noo ko'y magpapatimbuwang
pagkat nilabanan ang mga namumunong buwang

sa huling lamay sa burol ko nawa'y may tumula
o gabi ng pagtula ng kapwa dukha't makata
tulang ako'y sosyalistang nagsilbi sa paggawa
sa huli'y kasangga pa rin ang uring manggagawa

- gregbituinjr.

Martes, Setyembre 3, 2019

Aktibistang Spartan ay maginoo't magalang

aktibistang Spartan ay maginoo't magalang
mahinahon, nirerespeto ang kababaihan
nilalabanan ang maling sistema't pusong halang
nag-aral, sinanay upang baguhin ang lipunan

batid ang Kartilya ng Katipunan at Bushido
inaral din ang Materyalismo't Diyakeltiko
ipinaglalaban ang kapakanan ng obrero
at itinataguyod ang sistemang sosyalismo

magalang na pananalita ang namumutawi
nagpapakatao't nakikipagkapwa rin lagi
sa katiwalian ay kayang magsabi ng "Hindi!"
matikas, taas-noo, kahit dama'y pagkasawi

mandirigma kaming ipinagtatanggol ang masa
laban sa anumang hirap at pagsasamantala
aktibistang Spartan kaming tuloy sa pagbaka
upang baguhin na ang inuuod na sistema

- gregbituinjr.

Di kami basta babagsak

di basta babagsak kaming aktibistang Spartan
pagkat sinanay kaming sumuong sa mga laban
di basta babagsak kaharap man si Kamatayan
lalo't may tungkulin kaming baguhin ang lipunan

ginto ba ang sistemang kanilang pinagtatanggol
habang trapo'y patuloy na bayan ay inuulol
habang kabang bayan ay aksayadong ginugugol
habang ang mga trapo'y umaaktong budol-budol

kailangan nating tuligsain ang mga mali
paano ba maiwawasto ang trapong tiwali
ang masa ba'y magtatagumpay sa bawat tunggali
habang ang bulok na sistema'y nagkabali-bali

isinalang sa apoy, hinulma ng dusa't luha
kaming aktibistang Spartan sa laban ay handa
kasama ang uring manggagawa'y may magagawa
upang ibagsak ang mga elitistang kuhila

- gregbituinjr.

Lunes, Setyembre 2, 2019

Walang Mariya Klara

WALANG MARIYA KLARA

kababaihang Pilipina'y mga mandirigma
sila sa anumang pakikibaka'y laging handa
mahinhin, ngunit pag kailangan, sumasagupa
di natatakot, nagsusuri, di basta lumuha

di nila tulad yaong Mariya Klarang iyakin
na sa isang nobela'y inilarawang mahinhin
di makabasag-pinggan at mahirap kausapin
mahirap ding ligawan, lalo't sobrang mahiyain

pagkat Mariya Klarang mahinhin at mapagtiis
ay imbento lamang ni Rizal, di makabungisngis
manikang di mapakagat sa lamok, walang galis
iniibig, pinipintuho, maganda ang kutis

ngunit ganyang Pilipina'y imbento lang ni Rizal
kimi, tila laging birheng di marunong umangal
ang Pilipina'y di ganyan, harangan man ng punyal
lumalaban, mataktika, sa laban tumatagal

mandirigma't pinuno ang Pinay sa kasaysayan
mula sa panahon ng Babaylan o Catalonan
sina Urduja, Oryang de Jesus, Gabriela Silang
pati na Salud Algabre, Agueda Kahabagan

Trinidad Tecson, Remedios Gomez, Amparo Quintos
Tandang Sora, Elena Poblete, Nazaria Lagos
Liliosa Hilao, Liza Balando, Lorena Barros
Felipa Culala, at iba pang lumabang lubos

sila'y totoong taong lumaban kasama'y masa
upang lumaya ang bayan, sadyang dakila sila
di katulad ng imbento ni Rizal sa nobela
Huling, Sisa't Mariya Klara raw ang Pilipina

- gregbituinjr.

Ipalaganap ang sosyalismo

IPALAGANAP ANG SOSYALISMO

paigtingin na ang gawaing pagpapalaganap
ng ating adhikain at sosyalismong pangarap
organisahin na ang manggagawa't naghihirap
panahon na upang magkaisa't mag-usap-usap

sanhi ng paghihirap ay pribadong pag-aari
na nais panatilihin ng naghaharing uri
tuwang-tuwa riyan ang tusong elitista't pari
na akala mo'y diyos sa lupa't kapuri-puri

halina't itaguyod ang sosyalitang layunin
at uring manggagawa'y atin nang pagkaisahin
sila ang mamumuno sa lipunang nais natin
na wala nang pribadong pag-aaring maaangkin

halina't magsikilos para sa ating adhika
at magkaisang puso't diwa kasama ng dukha
bagong sistema'y ating buuin para sa madla
at itayo ang bagong lipunan ng manggagawa

- gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 1, 2019

Danas ko't adhika

DANAS KO'T ADHIKA

labingwalong taon ako nang umalis sa poder
ng aking mga magulang, at akin nang minaster
ang buhay-Spartan, sumama sa pakikibaka
ng kapwa aktibista sa pinasukang eskwela
kultura ko nang magsikap, magsarili sa buhay
nakapag-aral na't may kaunting talinong taglay
nais kong ialay ang buhay para sa marami
nagpasyang iwan ang pag-iisip lang ng sarili
hanggang sa pabrika'y mag-organisa ng obrero
sa kanila'y tinuro kung ano ang sosyalismo
tungkuling organisahin ang uring manggagawa
hangga't ipanalo ang sistemang inaadhika
kumikilos tungo sa pagbabago ng lipunan
at magreretiro lang sa oras ng kamatayan

- gregbituinjr.

Habang may buhay, may baha?

HABANG MAY BUHAY, MAY BAHA?

anang isang kasama, "Habang may buhay, may baha"
ganito kasi ang nangyayari sa aking bansa
paano na kung labing-isang taon pa'y lalala
at lulubog ng ilang metro ang buong Maynila
maraming sakit ang lalaganap, nakakahawa

pagbaha sa Maynila'y akin nang kinalakihan
kinder pa lang ako'y maraming bahang naranasan
pag bumaha sa amin, maraming bahang lansangan
lulusong ka sa baha pag bibili sa tindahan
lumulubog ang kalsada sa tikatik mang ulan

sa pagtingin ng Philippine Movement for Climate Justice
nahaharap na ang taumbayan sa climate crisis
at climate emergency na baka dugo'y tumigis
sa ganitong isyu't problema'y di dapat magtiis
kung susuriin, labing-isang taon ay kaybilis

nagbabago na ang klima, nasa emerhensiya
kung operasyon ng coal plants ay magpapatuloy pa
mundo'y lalong iinit, matatamaan ang masa
tataas na ang dagat, lulubog ang mga isla
bago pa lumala, dapat tayong magsikilos na

kaya ikampanyang plantang coal ay dapat itigil
pagsasapribado ng serbisyo'y dapat mapigil
dapat ang ating gobyerno'y huwag maging inutil
pagkat ang dulot ng climate emergency'y hilahil
sagipin ang mga buhay na di dapat makitil

- gregbituinjr.

* labing-isang taon - 2019-2030, na batay sa ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) noong Oktubre 2018, na dapat magbawas na ng paggamit at pagsusunog ng fossil fuels, dahil kung hindi, pag naabot ng daigdig ang pag-iinit ng mundo sa 1.5 degree Celsius, sa 2030, tayo ay nasa point of no return; ibig sabihin, ang bagyong tulad ng Yolanda ay magiging karaniwan na lamang